Naglakad kami papunta sa bahay nila. At dahil sa bigat ng dinadala ko sa puso ko, napaiyak ako. Natatakot ako sa makikita ko.
Pero nasa harap pa lang kami ng pintuan nila nang nakarinig ako ng plastic na bumagsak.
Hindi ko man lang nakita kung sino 'yong nakahulog n'on pero—
Ang bilis ng pangyayari.
Lilingon pa lang sana ako nang tumakbo siya papunta sa 'kin at niyakap ako. Dahan-dahan nga lang dahil may benda ang isang braso niya. Nakalagay ang isang kamay niya sa likod ng ulo ko at dahan-dahan niyang inilagay 'yon sa dibdib niya. Kahit hindi ko pa nakikita ang mukha niya, alam ko kung sino 'to.
Ang yakap.
Ang amoy.
Alam kong si Jet 'to.
Napahagulgol ako. Panaginip ba 'to? Hindi. Hindi 'to panaginip.
Si Jet nga 'tong yakap ako, hawak ako.
Si Jet 'tong naririnig kong bumulong, "I'm sorry . . . I'm sorry . . ."
At nang hinigpitan niya ang kapit sa likuran ng ulo ko para mas lalong idiin ang pagyakap sa 'kin, nakaramdam ako ng ginhawang ngayon ko lang naramdaman.
Binalik ko ang yakap niya. Dahan-dahan para hindi ko masangga ang benda.
Tapos bigla kong naramdaman ang pagpigil niya ng paghinga, mukhang nagulat sa ginawa ko.
"A-akala ko . . ."
Umiyak ako habang ibinabaon ang mukha ko sa may dibdib niya. Ang malaman na ligtas siya ang tanging dalangin ko simula nang maalala ko ang nangyari, at ngayong nasa harap ko na siya, wala na akong ibang mahihiling pa.
Hindi ako humiwalay sa yakap ko sa kanya. Tumingin lang ako sa mukha niya, at nang nakita niya nang mas malapitan ang mukha ko, napatingin siya sa ibang lugar.
"T-tingnan mo 'ko, Jet."
Mabagal niyang iniharap ang mukha niya. Ewan, parang nanlambot. Nalusaw nang makita ang mukha ko. Ganito . . . ganito siya lagi. Bakit ba hindi ko napansin noon pa na ganito niya ako titigan t'wing gusto niyang ihayag kung ga'no ako kahalaga para sa kanya?
"B-baliw. Baliw ka talaga."
"Hindi kita maharap. Kasalanan ko 'yon, e."
Umiling ako. "H-hindi. Akin—
"Baka puwede tayong magpasintabi sa mga nabasted rito," biglang sabi ni Anya. "Nandito kami."
Nahiya kaming dalawa kaya bigla kaming napahiwalay. At do'n ko lang napagtanto—hala, parang tanga. Niyakap ko si Jet! Aaaaa, tofu! Nakakahiya! Tapos sinabihan ko pa siya ng "Tingnan mo 'ko, Jet"?! Ano bang nasa utak ko?!
Gamit ang maayos niyang kamay, kinamot ni Jet ang gitna ng noo niya. "Ano . . . a, shit."
"Di ka makapagsalita? Gusto mo ng tulong sa dila mo?" pang-asar ni Gab. "Sabi ni Jet, pasok na raw tayo sa loob . . . at mahal ka daw niya, Chi."
"Ha, gago—"
"Bakit, hindi ba totoo?"
Tumingin ako kay Jet. Akala ko titingin siya sa ibang lugar . . .
Pero tumingin siya nang diretso sa mga mata ko.
"Oo, mahal na mahal."
Ako ang napailag. Anak ng tofu.
Tumawa si Anya at pumunta sa 'kin para alalayan ako. Si Gab naman ang pumulot ng plastic na nahulog ni Jet. Sabay-sabay kaming pumasok sa bahay nila kung sa'n nando'n 'yong pamilyang itinuturing ni Jet.