Kinakain ko 'yong isang slice ng cake na bigay sa 'kin ni Jet habang iniisip na isa siyang malaking contradiction. Bakit siya galit . . . pero uutusan naman niya si Gab na bumili ng cake para sa 'kin? Ang labo, ang labo-labo talaga
"Bakit kasi ayaw mo sabihin nang diretsahan kung may gusto ka sa 'kin?" sigaw ko sa hangin. "Kasi ang gulo, e!"
Wow, kung magsalita naman ako, akala ko naman kaya kong sabihin nang diretsahan kay Gab na gusto ko siya at sabihin kay Anya at Jet na si Gab at Sef ay iisa.
Napahiga ako. Parehas lang naman kaming malabo.
Noong hapon na rin na 'yon, pumunta si Anya sa bahay. Nag-movie marathon lang kami at inubos 'yong cake. Hindi ko sinabi na galing kay Jet 'yon. Sabi ko nga, "Bakit sa amin pa tayo magmu-movie marathon, e, 'di hamak na mas malaki 'yong TV n'yo?"
Ang sabi lang niya, "Sawa na ako sa bahay." Nagsasawa pa pala siya sa mansion, este bahay nila? Halata naman dahil naisipan pa niyang mag-boarding house e kung tutuusin, hindi na kailangan. Kung habambuhay nga akong tumira do'n, ayos lang, e. Tapos kasama si Gab? Heaven.
Ayan, dito naman ako magaling—ang mag-fantasize.
***
Pagpasok sa school, nag-uumpisa na ulit si Jet na magpakita sa tambayan. Masaya ako, kahit papa'no. Meaning, acceptable talaga 'yong rason niya last week na ginagamit niya 'yong time ng education class namin para mag-review para sa math at physics subjects niya.
Umupo ako sa tambayan, sa tabi ni Jet. Nagbabaraha sila ng ibang org mate namin. "Jet, paabot nga ng logbook," pakiusap ko. Inabot naman niya, pero hindi siya nagsalita. Napabuntonghininga na lang ako.
Kapag hindi pa niya ako kinausap sa susunod kong sasabihin, ewan ko na lang. "Kamusta na kayo ni Anya?"
"Anak naman ng—na sa 'yo pala 'yong two diamonds!"
Wow. Kumustahin ko naman 'yon! Hindi man lang ako kinausap. Okay, hinga ka lang, Cherry.
Pero walang effect ang breathing exercise. Tumayo ako. "Hoy, ikaw! Hindi ko alam kung anong problema mo. Ba't ang isip-bata mo?! Sabi ng sorry, e! Tumatawag na 'ko, nagte-text, paulit-ulit naman na akong nagso-sorry, a! Kung ayaw mo tanggapin, e 'di, wag!" Dinabog ko 'yong logbook sa mesa, kinuha ang bag ko, at umalis ng tambayan.
Alam kong nagulat ang lahat sa sinabi ko, pero 'di ko na kasi kaya. Nakakainis na. Hindi ko talaga kaya ang feeling na may nagagalit sa 'kin. Oo, ako ang may kasalanan, pero kung makaregalo ng cake, wagas. Hindi ko tuloy alam kung anong ibig sabihin n'on. I mean . . . Oo, thankful ako sa cake. Pero magreregalo siya ng cake tapos galit pa rin pala siya? E, hindi ko naman kaya ibalik 'yong oras.
Ito na naman ako at nagiging isip-bata. Sa Sunken Garden ako tumambay, sa may damo-damo, parang walang makakita sa aking mag-tantrums. Umupo ako at umiyak. "Nakakainis ka! Nakakainis ka!" paulit-ulit kong binabanggit. Ginagawa ko 'yon habang nagbubunot ng damo tapos tinatapon sa ere.
Sa huli kong bato ng damo, biglang may pumigil sa 'kin mula sa likod ko.
"Kahit kailan, para ka talagang bata."
Boses pa lang, alam kong si Jet 'yon.
Binitawan niya ang pulso ko at umupo sa tabi ko at umakbay. "Anong kasalanan ng mga damo sa 'yo?"
"Para kang tanga," sagot ko. "Hindi mo ako madadaan sa akbay-akbay mo."
May binunot siya bulsa niya. Isang Choc Nut. "Tahan na, bata."
"Bata ka diyan. Ewan ko sa 'yo."
"Para kang kamatis," pang-asar niya. "Punasan mo nga 'yang mukha mo." Inabot niya sa 'kin 'yong panyo niya, at saka ko pinunasan 'yong mukha ko. "O, tamo, 'yang pimples mo lumalabas."