Natigil ang maulang linggo, pero hindi natigil ang pag-iisip ko tungkol sa nangyari. Aaminin ko. May mga oras na gusto kong kalimutan 'yong nangyari dahil . . .
Naghihintay nga ako.
Pero hindi ko alam kung hanggang kailan kakayanin ng puso ko ang maghintay. Isa pa, pa'no kung hindi naman bumalik si Gab? Paano kung nakalimutan na pala niya ang mga sinabi niya . . . tapos sasabihin lang niya na natural na magkagusto rin siya do'n dahil isang taon na? Masisisi ko ba siya? Ako nga, naguguluhan na, e.
Buti sana kung may natatanggap akong mga email, kaso ni-isa, wala. Buti sana kung no'ng pag-alis niya, alam kong kami, kaso hindi. Wala. Wala akong idea kung kami ba talaga. Ang hawak ko lang ay ang halik no'ng huli kaming nagkita at ang mga salitang Kaya mo bang maghintay?
Mahigit isang taon na rin ang nakalipas simula no'ng nangyari 'yon. Lagpas pa nga kung tutuusin. Hindi ko maikakaila na parang unti-unti na ring nawawala 'yong dati kong nararamdaman.
Una dahil hindi man lang siya nagpaparamdam.
Pangalawa dahil wala akong hawak sa kanya. Malay ko ba kung ang tingin lang niya sa naging relasyon namin ay joke lang? No'ng hinalikan nga niya ko, sinabi pa niya na wala siyang dahilan para gawin 'yon. Parehas kaming walang idea kung ano ba talaga kami.
Pangatlo . . .
Oo, fine. Aaminin ko na. Susuko na 'ko sa barangay.
Unti-unti ko nang nagugustuhan si Jet. To be more correct, mas nagugustuhan. Pero hindi ko alam kung nasa lugar ako para sabihin na 'yong naramdaman ko noon kay Gab ay nararamdan ko na ngayon kay Jet.
Masaya ako sa tuwing kasama ko siya, naghihintay ako matapos ang araw para makasama ko sila ni Anya pauwi, nagiging hyper ako kapag nagte-text siya kahit 'yong simpleng "good night" at "tulog kang maigi" lang. Hindi ako magpapakahipokrita para magsinungaling sa sarili ko.
Kung dati, alam kong gusto ko si Jet, ngayon, alam kong gustong-gusto ko na siya.
Naglalakad-lakad lang kaming dalawa ni Anya sa Sunken Garden. Pampalipas lang ng oras dahil wala na kaming klase ala una pa lang ng hapon. Nakakatawa dahil sabay-sabay 'yong mga prof namin na sinabing walang klase. Siguro magbe-best friend din 'yong mga 'yon.
Ang ganda ng panahon ngayon—maaraw, pero hindi tirik.
Mukhang maganda rin ang panahon para ngayon ko na aminin kay Anya. "Puwede pala magtanong?"
"Kung gusto pa rin ba si Jet?" pangunguna ni Anya. "Kasi every week, tanong mo 'yan."
"E, wala ka naman kasing seryosong sagot," komento ko habang tumitingin sa mga nagfi-frisbee. "Puro 'ang gentleman pa rin niya,' at 'siya lang naman ang standard ko.' Walang eksaktong seryosong sagot."
"Seryoso din naman lagi 'yong mga sagot ko. Gusto ko siya pero not to the point na iniiyakan ko siya tulad ng dati. Siguro I've learned to accept that he's for you, bes. Ginawa ko na lang siyang standard—alam mo 'yon?"
"Kawawa naman 'yong mga magkakagusto sa 'yo." Natawa ako dahil naiisip ko pa lang kung paano nila "mahihigitan" si Jet. Kasi sa totoo lang, siya na ang pinaka-gentleman pero marunong pa ring mang-asar at magpatawa na kilala ko—gano'n ang mga type ni Anya.
"Alam mo, nakakatawa. No'ng hindi pa dumadating sa buhay natin si Gab, naaalala ko na sa 'yo ko lagi tinutukso si Jet. Tapos ako, wala naman talaga akong pakialam. Ilang beses ko na nga sinabi sa 'yo na nagpaparamdam na siya, e, di ba? So no'ng araw pala na 'yon na ipapakilala ko si Gab sa 'yo dapat . . . grabe. Ang liit ng mundo. 'Yong Sef na kinolokohan mo high school pa lang ay 'yong step brad ni Jet at group mate ko naman sa bio. Kulang na lang e tahiin tayong apat."