Umagang-umaga no'ng sumunod na araw, tumawag ako kay Jet sa cell phone bago kami umalis ni Gab patungong Enchanted. Gusto ko lang malaman kung kumusta na siya dahil hindi naman niya sinasagot ang mga chat ko. Nag-aalala ako as a friend.
"Cherry, napatawag ka," sabi niya. Mukhang bagong gising.
"Ngayon mo lang ulit ako tinawag na Cherry." Wala siyang sagot. Bakit parang nakakailang? "Ano . . . pupunta ka ba sa school? May exam ka pa ba?"
"Pupunta talaga ako sa school dahil labasan na ng grades do'n sa isa kong subject. Titingnan ko lang kung exempted ako sa finals."
"Puwede ka bang makausap sandali?"
"Kausap mo na ako."
"I mean . . . sa school . . . Pero, never mind. Actually, talagang kinumusta—"
"Anong oras ba?" tanong niya.
"Paalis pa lang ako sa bahay. Papunta sanang school kasi . . . aalis din ako before mag-lunch."
"Sige. Ite-text na lang siguro kita kung nando'n na 'ko."
"Sige. Bye."
"Bye."
"Bye . . ."
"Bye . . ."
"Ano ba, babay na nga, e," natatawa kong sinabi. Wala kasing gustong magbaba sa 'ming dalawa.
"Ikaw unang magbaba," suhestiyon niya. "Load mo 'to."
"Naka-unlicall and text ako. Ikaw na."
"O sige, sabay na lang tayo."
"Game."
"One . . . two . . . three!"
Hinintay ko ang click na nagsasabing binaba na ni Jet ang cell phone, pero tunog ng electric fan pa rin ang narinig ko. Wala naman talaga akong balak ibaba, pero mukhang gano'n din si Jet.
"Andiyan ka pa, e!" sigaw niya sa kabilang linya.
"Ikaw rin naman, a."
"Ikaw na unang magbaba, sige na," pakiusap niya. "Usually naman, ikaw unang nagbababa, e."
"Asa ka! Ikaw na."
"Ayaw ko." Tapos narinig ko siyang nagbuntonghininga. "Ayaw kong unang bumibitaw."
Natahimik ako sa mga sinabi niya. Hinawakan ko 'yong cell phone ko nang mahigpit. "F-fine, ako na lang unang magbababa."
"Okay."
"Bye."
Click.
Huminga ako nang malalim matapos kong ibaba. Bakit ba ganito? A, ewan. Makaalis na nga sa bahay.
***
Naghintay ako do'n sa may tambayan namin. Hindi na nakapagtatakang walang tao dahil puro final exams na lang naman na. Nag-text ako kay Jet na do'n lang ako. Mga thirty minutes after, dumating na rin naman siya. For some reason, bigla akong kinabahan.
"Chi, ayos ka lang?" Pero kahit tumango na ako, ang komento niya, "Tulala ka, e."
"Hindi naman," depensa ko. "Tinawag mo na ulit akong Chi."
Ngumiti lang siya at umupo sa may tabi ko. "Bakit pala?"
Actually, hindi ko rin alam. Puwede ko namang sabihin lahat ng sasabihin ko sa cell phone, pero bakit kailangan ko pang makipagkita? At pumayag naman siya. Bakit?
"Niyaya ako ni Gab na mag-Enchanted ngayon," sabi ko.
"E di, okay," walang kaamor-amor niyang sagot. "Tingin ko naman, alam na ni Gab na may gusto ka talaga sa kanya."