Ayaw ko na bumati ng "Good morning" dahil hindi na maganda ang umaga ko simula no'ng araw na 'yon. Dumadating na ang exams, at malapit na ang sem break. Pero heto . . . heto.
Hanggang kaibigan pa rin ako.
Marami nang nagbago mula no'ng araw na 'yon.
Nanakawan ako ng cell phone kaya nawalan ako ng contact sa kanya. Nang nakita kong may hiwa ang bag ko at nawawala ang cell phone at wallet ko sa jeep, wala akong naramdaman. Tipong, "A, okey, nanakawan ako. Buti na lang nagbayad na ako ng pamasahe at hindi nakuha Math 109 notebook ko," pero hanggang do'n na lang. Malas, pero medyo wala ring pake.
Hindi na rin ako masyadong nag-i-internet. Pag sinabi lang ng mga prof namin na may email siyang isesend. To cut the long story short, nawalan ako ng gana sa buhay.
Oo na, siguro bitter lang talaga ako dahil . . . minsan-minsan na nga lang ako magkagusto, hindi ko pa makukuha. Minsan-minsan ko na nga lang sabihin na mahal ko ang isang tao, hindi pa gawing regalo sa 'kin.
Mahal? sabi ko sa sarili ko. Oh c'mon. Magingat-ingat ka sa mga sinasabi mo, Cherry. Baka magkatotoo.
Ilang linggo na ba ang nakalipas mula ng sinabi niya 'yon? Isa? Dalawa? O tatlo? Nagpapaka-grade conscious na lang ako. Maaga na rin ako umuuwi. Hindi ko na masyadong sinasabayan sina Jet, Anya . . . at siya. Para na rin sa sarili kong peace of mind.
Makaka-move on rin ako. Makakakita rin ako ng para sa 'kin.
Pero naiiyak ako sa tuwing naiisip ko na hindi siya ang para sa 'kin. Selfish na kung selfish, pero di ko ma-explain. Sumisikip ang dibdib ko sa tuwing naiisip ko na gigimik ako kasama si Gab, ang taong mahal ko, at si Anya, ang best friend ko na mahal ng mahal ko.
Paulit-ulit na lang.
***
Alas kuwatro na ng hapon at tapos na ang klase ko. Ang sarap talaga kapag Biyernes tapos on time matatapos ang klase.
Pero ngayon, wala na rin naman na akong pinupuntahan. Diretso bahay na.
Ilang linggo ko na rin hindi masyado nakakasalamuha sina Jet at Anya. Hindi na nga ako pumupunta sa org activities namin. Lagi kong idinadahilan na busy ako. Naglakad ako papunta ng sakayan, at hindi na dumadalaw sa college, di tulad dati.
Pasakay na sana ako ng Katipunan jeep nang biglang nakita ko si Jet. Pero nagkunwari akong walang nakita.
"Cherry!" narinig kong sigaw niya. Wow. Long time no hear.
Di ko alam kung bakit hindi ako lumingon. Kunwari, di ko narinig. Teka, ba't pati si Jet iniiwasan ko? Ewan. Siguro dahil pag nakikita ko siya, naiiyak lang ako. Naaalala ko 'yong araw na niyakap ko siya dahil nalaman ko na 'yong kapatid niya na mahal ko ay may gusto sa best friend ko.
Hay, sige. Ulit-ulitin mo pa 'yang "ang mahal ko ay may gusto sa best friend ko" para masaktan ka rin nang paulit-ulit, sabi ko sa sarili ko.
"Anak naman ng—"
Narinig ko 'yon, pero hindi ako nagulat nang hinawakan niya ako sa braso tapos hinarap niya ako sa kanya. Ngunit subalit datapwat, mas nagulat ako nang malapitan ko siyang nakita. Nagpagupit na pala siya.
"Wow," komento ko. "Nagpagupit ka pala?"
"Isang linggo na ang nakalipas. Hindi ka kasi nagpapakita sa tambayan."
"Nakakatamad tumambay, e."
"Tara, tumambay ka ngayon."
"Ayaw ko."