Tinitigan ko 'yong pisong bigay ni Kuya Ian buong gabi hanggang umaga. Oo, bangag na ako. Naaalala ko pa no'ng binigay niya sa akin 'to. Iyon din ang huling pagkikita namin.
"Kung di ko kaya 'to tinanggap, buhay ka pa ba?"
Nakakatawa dahil parang si Jose Rizal 'yong kausap ko. Kaharap ko kasi 'yong head side ng piso. Wala, nakatitig pa rin ako sa kanya.
"Baka ma-in love ka sa 'kin," sabi ko sa piso. "Matalo ko pa sina Josephine Bracken."
Nakapagtataka. Hindi naman ako lumaklak ng kape, walang energy drink, pero hindi pa rin ako makatulog.
"Oy, ano? Tama ba 'yong gagawin ko?" tanong ko sa ulo ni Rizal.
Ano ba 'tong ginagawa ko? Nabaliw na.
Pumikit ako at pilit inalala 'yong huling araw na magkasama kami. I think, nasabi niya somewhere ang tungkol sa desisyon ko mismo kung the moment na nasa ere na ang piso.
Bumangon ako at huminga nang malalim. "Try nga natin," sabi ko. "Heads si Gab. Tails si Jet."
Toss. Flip . . . "Sana si—" Drop.
Lumabas ang resulta. Heads.
Isa pa.
Toss. Flip . . . "Sana si—" Drop.
Lumabas ang resulta. Tails.
"Kuya Ian naman, e!" Doon ko lang na-realize na wala naman akong mararating sa ganito. Ano ba! Nakakainis! Paano ko malalaman, e, pag-flip sa ere ta's wala pang isang segundo bago bumagsak. Ni hindi man lang ako makapagdesisyon nang tama.
"Aaaaagh! Tofu kang piso ka!"
Binato ko 'yong piso. Pero siyempre, hahanapin ko pa rin. Haha! Iyon na lang ang isa sa mga natitirang remembrance ni Kuya Ian sa 'kin. Nag-sorry na lang ako nang paulit-ulit sa ulo ni Jose Rizal.
Tiningnan ko 'yong piso—'yong may Ian sa heads at Chi sa tails. Alam kong kasalanan 'to sa Bangko Sentral ng Pilipinas dahil kailangang paikutin ang pera, pero baka naman may mga puso sila at maiintindihan nilang may sentimental value 'to sa 'kin. Sinusulatan ko pa nga 'to kapag nawawala na 'yong marka.
At dahil hindi na talaga ako makatulog ulit, naglinis na lang ulit ako ng kuwarto pati sa sala. Nagulat nga ang mga magulang ko pagbaba nila. Pinaghanda ko pa sila ng breakfast. Nga lang, nang maghahanda na ako papuntang school, bangag na bangag na ako. Pero ni pumikit, hindi kayang gawin ng mga mata ko. Gano'n 'yong feeling. Ang bigat sa pakiramdam, pero hyper pa rin. Kulang na lang lumuwa 'yong mga mata ko, pero go-fight-win pa rin.
Alas dos y medya ng hapon, saktong pagtapos ng klase ko, napagdesisyunan kong pumunta sa college kahit alam kong naghihintay na do'n si Gab. Hinuha lang naman, pero napatunayan ko rin namang tama ako nang nakita ko siya na nasa may entrance.
"Mukhang bangag ka?" pagbati niya sa 'kin.
Nang may pagod na mata, sagot ko, "Hindi. Hindi talaga. Hinding-hindi."
"Bangag ka nga."
Pumuntang kaming dalawa sa tambayan. Medyo maraming tao. Nagkuwentuhan kami ng iba kong org mates, pero nahalata nila 'yong pagkabangag ko. Ang daming nagsabi na "matulog ka na nga muna." Para ngang gusto ko sumayaw at magwala. Pero tingin ko, mas magandang option nga ang matulog.
Tiningnan ako ni Gab. "Matulog ka na kasi."
"E."
"Anong e? Matulog ka na."
"Gusto kong matulog sa . . . tabi ni Kuya Ian."
Sinabi ko 'yon dahil totoo. Hindi ko 'yon sinabi dahil bangag ako. Nowadays, bigla kong na-miss si Kuya Ian. Siguro dahil napanaginipan ko siya nitong huli. Sabi nga raw nila, pag napapanaginipan mo raw ang isang taong patay na, susunod ka na raw. Pero alam kong hindi totoo dahil binangungot ako dati na tatay ko raw si Hitler pero hindi naman ako namatay agad.