"K-kanino galing 'to?" bati ko kaagad sa mga tao sa tambayan. Paano naman kasi, may lamang rosas 'yong mailbox ko. Bale, ang mga mailboxes-kuno ay mga recycled french fries boxes lang talaga galing sa McDo.
Kung kani-kanino ako nagtanong kung kanino galing, pero ang inabot ko lang ay sangkatutak na tukso. Napapangiti ako, kasi ang nasa isip ko . . .
Obvious naman kung sinong nasa isip kong nagbigay. Si Gab kaya? Si Gab kaya nagbigay nito? tanong ko sa sarili ko. Ito na. Ito na ang pinakahihintay kong love life ko.
Unang dumating si Anya for lunch. Siyempre, sa lahat ng taong kikiligin sa 'kin, siya 'yong pinakakinikilig. Para na ngang siya ang nakatanggap ng rosas, e.
"May letter ba? May letter?" paulit-ulit niyang tanong.
"Wala nga! Ikaw, kung ma-excite ka, akala mo naman hindi ka sanay na makatanggap nito. Kulang na lang bawat araw mayro'n ka, e."
"Exagg nito! Isa pa, ang boring naman pag araw-araw nakakatanggap niyan."
"Ikaw na ang maganda."
"Mas maganda ka naman sa 'kin."
"Ano na bang grado ng mata mo, ha? Tumitingin ka pa ba sa salamin?"
Pero hindi niya pinansin ang tanong ko. Bigla na lang siyang nanghula kung sino ang nagbigay. "B-baka kay Gab!"
Sana. Sana nga kay Gab galing.
"Sabagay," dagdag ni Anya. "Sino pa ba ang magbibigay niyan kundi si Gab, 'di ba?"
"Bakit, hindi ba puwedeng ako?"
Napalingon kaming dalawa nang biglang dumating si Jet. May pa gano'n pa siyang banat, e, ramdam ko namang hindi siya. Isa pa, late siya pumapasok. Impusible namang papasok lang siya para gumawa ng ganitong trip.
"Natural, hindi puwedeng ikaw," sagot ni Anya.
"Bakit nga?"
"Kasi raw," sabat ko, "kanya ka lang."
"Tigilan mo nga ako." Tinulak ako ni Anya nang pabiro. Hahaha! Benta. Ako naman ang nanunukso ngayon kay Anya simula nang naikuwento niya sa 'kin ang tungkol sa ginawa ni Jet. Hindi malayong magkagustuhan silang dalawa.
"Ever in our lives, ngayon mo lang ako pinatigil sa panunukso sa 'yo sa mga lalaking trip ka. Guilty as charged."
"That's the point. 'Di ako trip ni Jet. 'Di ba, Jet?"
"Bahala nga kayo diyan," sagot ni Jet. "Pinagtitripan n'yo na naman ako."
"Yiiiii!" tukso ko. "Tingnan mo, hindi pa diretso ang sagot!"
Patuloy ko lang tinutukso si Anya kay Jet. Totoo, first time lang na parang ayaw ni Anya na tuksuhin. Kasi usually, wala naman siyang pakialam kasi hindi totoo.
Maya maya, dumating si Gab. Nagulat ako kasi medyo napapadalas na ang pagtambay niya sa college namin. Ang benta lang kasi kilala na siya ng mga orgmates namin, at nakiki-ride na rin siya pa minsan. Sabi nga, pseudo-org mate na raw namin.
Habang papalakad siya papuntang tambayan, grabe lang 'yong lakas ng tibok ng puso ko. Parang 'yong tunog ng drums sa Jumanji. Kaso may mas malakas pa kaysa do'n—ang kabog ng cabinet nang sinara ni Jet.
"Kaunting ingat naman, uy!" sabi ko sa kanya.
"Sorry," sabi ni Jet. "'Di ko sinasadya."
Binati kami ni Gab at bumati naman kami pabalik. Tapos napakagat ako ng labi nang bigla siyang lumapit sa 'kin. Nakatayo lang siya do'n kasi kahit araw-araw siya dumadalaw sa tambayan namin, nahihiya pa rin siya makitambay. "Wala akong eleven-thirty class. Gusto n'yo mag-lunch?"