No'ng susunod na linggo, hindi nagpakita si Jet sa tambayan.
Napaisip tuloy ako kung ako ang dahilan. Pero ayaw ko naman mag-assume, 'di ba? Feeling ko naman iniiwasan niya ako dahil do'n sa awkward moment namin sa playground. Ang feeler ko talaga. Pero pa'no kung iyon nga tapos wala akong ginawa para magkaayos kami?
Naging malungkot ang mga araw na 'yon. Oo, hinahanap-hanap ko siya kasi hindi ako sanay. Ano ba 'tong nararamdaman ko? Parang tanga. Siguro nakokonsensiya ako. Tama, nakokonsensiya lang ako.
Hay, ewan.
Nag-text ako kay Jet tuwing magkakayayaan kami ni Anya na kumain sa McDo. Pero 'di siya nagre-reply. Nagaalala na nga ako. Paano kung may dengue na pala siya? O baka mamaya naaksidente pala siya tapos walang nakaaalam sa 'min?
"Uuuuuy," tukso ni Anya nang makita niya akong nakatingin sa huling text ko kay Jet sa sent messages. "Nag-aalala na, o."
"Masama bang mag-alala sa kaibigan?"
"Asus! Kaibigan daw. Puntahan mo na kaya?"
"'Di ko alam bahay niya—"
"Pero siya alam niya bahay mo?"
"Ikaw rin naman, e."
"Natural, nakapunta na ako sa inyo. At nakapunta ka na sa 'min."
"Hindi naman niya sinasabi kung saan siya nakatira kahit sabay kami umuuwi."
"Ang dami mong dahilan. Bahala ka. Sinasabi ko sa 'yo . . . May mga taong akala mo 'di mo gusto makuha, tapos sila rin pala 'yong gusto mo talaga makuha sa bandang huli. Minsan 'yong gustong makuha ng iba, sinusuka naman ng isa, kaya sinusuka rin siya ng gusto niyang makuha."
"Ang gulo mo."
"Parang ikaw."
"Ikaw na ang love adviser na walang love life."
"Akala mo lang kasi wala akong love life. Underground kasi ako."
"Underground, ano? Ano 'yan, banda?" natatawa kong sinabi. "So meaning, mayro'n ka na talaga?"
Ngumiti lang siya sa 'kin. Pero kahit anong pilit ko, ayaw niyang magsabi kung mayro'n nga. Sabagay, ako nga, hindi ko masabi na si Sef at Gab ay iisa. Ano naman kung may mga bagay na hindi masabi si Anya sa 'kin, 'di ba? Hindi naman niya responsibilidad sabihin sa 'kin lahat, at wala rin akong karapatang ipilit sa kanya na magsabi.
Napagdesisyunan naming pumunta ni Anya sa Sunken Garden para maglakad-lakad. Napunta kami sa isang usapan kung saan nabanggit niya ang pangalan ni Jet. Napabuntonghininga ako. "Asan na kaya 'yon?"
"'Di ko alam, actually," sagot niya.
"Ano ba kasing ginagawa mo sa kanya, ha, Anya?" biro ko kahit alam ko naman na baka ako ang dahilan kung bakit nagsimulang umiwas si Jet.
"Teka, bakit ako ang nasali sa usapan?"
"Feel na feel ko talaga, e. May gusto 'yon sa 'yo."
"Alam mo, kung aamin man siya, sasagutin ko 'yon. Agad-agad."
Nagulat ako sa sinabi niya kasi never pa niyang sinabing may sasagutin siyang lalaki. Kahit nga 'yong pinakakyut na lalaki sa kabilang org e napaligaw niya sa kanya pero walang epek. Si Jet lang pala ang makakasira ng sinumpaan niyang "After college na ako magbo-boyfriend" promise sa sarili niya.
"Ang problema," dagdag ni Anya, "may iba siyang gusto. To be more correct, hindi naman siya ang uri ng taong umaamin. Kaya siguro siya cute para sa 'kin. Halatang torpe."