Isang linggo na lang at sem break na. Sunod-sunod na 'yon panigurado—I mean, Lantern Parade, Christmas parties, Pasko, New Year. Tumambay ulit ako mula noon. Bumalik ang buhay ko. Kahit papa'no, positive thinking . . . may pag-asa ako. Hindi ko pipilitin, siyempre. Aasa na lang ako sa isang mabagal na build-up ng kuwento namin.
Nakabili na 'ko ng bagong phone, 'yong secondhand lang. Ayaw ko mag-aksaya ng gano'ng karaming pera para sa cell phone. Pero wala kasi akong makitang Nokia 3310, e, 'yon nga ang gusto ko para hindi manakaw. Baka nga itapon pa sa 'kin 'yon pabalik ng magnanakaw, maawa pa sa 'kin. Unfortunately, wala akong makita. Kaya 'yong pinakamura na lang.
Papunta kami ni Jet sa canteen ng kabilang building dahil nag-crave kami pareho sa Milo shake. Pero siya, bumili na rin ng lunch niya. Nagulat na lang ako nang biglang out of nowhere, tinanong niya, "Minsan ba, pumasok na sa isip mong magkagusto sa iba?"
"Oo naman," sagot ko. "Bakit mo natanong?"
"Dahil 'yong Sef lang ang bukambibig mo noon. Ngayon, nandiyan na siya bilang Gab. Parang wala ka ng nagustuhang iba bukod sa halimaw na 'yon."
"Ang sama mo talaga kay Gab!" Pinalo ko si Jet sa braso. Naiwasan naman niya. "Pero kung iisipin ko nga, si Gab na ang pinakanagustuhan ko."
"Baka naman . . . kinukulong mo lang ang sarili mo?"
Napatingin ako sa kanya at napairap. "What do you mean kinukulong?"
"'Yong may gusto ka talagang iba. Pero dahil iniisip mo na siya lang ang dapat mong gustuhin, nakasarado na ang puso mo."
"Hindi naman. Sigurado naman ako sa nararamdaman ko para kay Gab."
Ngumiti lang si Jet at hindi na ulit nagsalita hanggang sa nakarating kami sa tambayan. Nando'n na si Anya, nakasimangot.
"O, ba't ganyan 'yong mukha mo?" tanong ko sa kanya.
"Nakabili na kayo ng lunch?"
"Si Jet lang. May baon ako e."
"Okay," sagot niya bago siya tumayo at umalis dala ang wallet niya. Bibili rin siya siguro ng sarili niyang pagkain.
Bago ako mag-lunch, tiningnan ko ang logbook ng org namin. May entry do'n si Anya. Ang nakasulat:
Ikaw nga ang gustong makuha ng iba . . . pero yung gusto mo, hindi mo naman makuha. Hahaha. Di ko makuha yung teddy bear na gusto ko.
—Anya
Kaya ba siya malungkot? At ba't niya naman gustong makakuha ng teddy bear ngayong mga araw na 'to?
Weird.
Kumakain na ako pagbalik ni Anya. Umupo siya sa tabi ko. Medyo maingay sa tambayan kasi maraming tao. Lunchtime kasi e. Si Jet, ayun, nakikipagpilyuhan sa ibang members.
"Ba't mo gusto ng teddy bear ngayon?" tanong ko sa kanya. Hindi ko mapigilan ma-curious.
"Wala 'yon, echos lang." Sabay subo sa pagkain niya.
"May nagugustuhan ka ba ngayon? Nagkagusto ka na ba ever?"
"Hindi ko alam kung ilang beses mo na 'yan tinanong sa 'kin. High school pa lang tayo, alam mo na ang sagot do'n."
"Ang lagi mo kasing sasabihin, wala. Pero ngayon, gusto lang ulit kita tanungin."
Tumingin si Anya sa 'kin nang may nagtatakang mga mata. "Ba't mo natanong?"
"Sige, ire-rephrase ko. Kung may nagkagusto ba sa 'yo ngayon . . . paghihintayin mo rin ba?"
Napatingin sa taas si Anya, nag-isip. Hinihintay ko ang sagot niya para malaman ko kung anong pusibleng plano niya kay Gab. Marami na siyang binasted at pinaghintay. Masuwerte na nga pag sinabi niyang "Kung makakapaghintay ka" kay sa naman "Sorry, baka may magustuhan ka pang iba. Huwag na lang ako." Ilang kaibigan kong lalaki rin no'ng high school ang kinomfort ko dahil sa kanya.