Chapter 22: Doubts

1.2K 77 111
                                    

Nakatingin ako sa kawalan. Nasa tabi ko lang naman si Jet, nangangapa siguro sa mga susunod niyang sasabihin. Alam ko rin naman na bilang kaibigan ko, nagagalit siya. Kung ako rin naman sa puwesto niya, magagalit ako.

Ibinayad niya ako ng pamasahe. Nagulat nga ako dahil sasabay pala siya hanggang sa amin. Sinabi ko namang hindi niya kailangang gawin 'yon, pero ginawa pa rin niya. Iyon nga lang, hindi kami sa mismong subdivision namin bumaba. Kailangan daw namin pumunta muna sa isa pang lugar para magpagpag. Namatayan daw kasi ako ng pag-asa.

Buwisit, nang-asar pa talaga.

Ngayon, hindi ko na alam kung bakit ako nandito sa parking lot sa harap ng Robinsons Cainta. Marami namang tao, pero parang dalawa lang kami ni Jet.

Inalok niya ako ng tubig, pero tumanggi ako. "O, ano," umpisa niya. "Ibuhos mo na 'yan."

Nagbuntonghininga ako. "Jet, ba't gano'n? Ba't ba hindi niya ko makita-kita? Bulag ba 'yon?"

"Maraming bulag na nakakakita sa mundo, alam mo 'yon." Tama. Isa si Gab do'n.

Tumingin ako sa mga mata ni Jet. Umiyak ako na parang bata. "Pangit ba ko?"

Nagulat yata siya sa tanong ko—at sa pag-iyak ko—kaya napaakbay siya sa 'kin. Sumandal naman ako sa may balikat niya. "Sinong nagsabing pangit ka?"

"Sagutin mo na lang kasi ako."

"'Wag ako ang tanungin mo. Magiging biased lang ako."

"Fine. Pangit nga ako."

"Tingin mo ba talaga 'yon ang sasabihin ko?" Tapos bigla niyang ginulo ang buhok ko. "Si Gab na ang pinakatangang lalaking kilala ko sa mundong 'to."

Alam kong dapat malungkot ako, pero naging masaya ako sa mga sinabi niya. Natigil tuloy ang pag-iyak ko. Ang saya rin pala na may nakaka-appreciate sa 'kin. Minsan, kailangan lo lang talaga ng kakampi.

"Bakit ba kasi hindi niya 'ko makita? Sobrang liit ko ba? Sorry naman na thirty-three lang ang bust ko, di ba?"

Inalis ni Jet ang pagkakaakbay niya sa 'kin at natawa. Pero totoo naman, e. Hindi ako kasing ganda ng mga natitipuhan ni Gab.

"Kung pisikal lang ang nakikita niya, hindi 'yon pagmamahal," sagot ni Jet.

"Ang weird lang kasi na . . . isang babae na halos isang linggo lang niya nakilala tapos naging sila na? Akala ko sa mga telenobela lang 'yong mga gano'n. Mayro'n din pala sa totoong buhay." Tumingin ako sa langit at napasigaw, "Bakit kasi hindi ako maganda?!"

"Ano ba, bubugbugin ko na ba si Gab?! Tigilan mo 'yan." Tapos tumayo siya at tumingin din sa langit. "Ang tanga mo! Ang tanga-tanga mo!"

"Hoy!" Nagulat kaming dalawa nang biglang may security guard na lumapit sa 'min. Hahaha! Siyempre, nag-sorry kaming dalawa at umalis na, pero tawa ako nang tawa pagkatapos dahil pinagalitan kami.

"Epic, amp," sabi ni Jet. "Tamo? Si Gab at ang katangahan niya ang magkukulong sa 'tin."

"Di naman siya tanga. Gets ko naman. Ako nga, kinukuwestiyon ko ang sarili ko, siya pa kaya?"

"Ulitin mo pa 'yan, ipiprito na kita."

"Sige nga. Baka kung sakaling iprito mo ako, mawala 'yong sakit."

Napaisip ako kung ano na ang ginagawa nina Lian at Gab. Nag-first kiss na kaya sila? Shit, ang sakit. Ang sarap lang nilang balatan ng buhay tapos lagyan ng asin.

Siyempre, joke lang 'yon. Kailangan ko na talaga magkumpisal. Hay!

"Mahirap nga siguro akong mahalin. Hirap na hirap nga akong mahalin ang sarili ko, e."

Tossed CoinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon