Toss. Flip. Drop.
Takip-takip ni Kuya Ian ang isa niyang kamay. Gano'n naman kasi siya lagi tuwing magdedesisyon. "Heads o tails?" tanong siya sa 'kin.
"Mmm . . . heads!" sagot ko.
"Sige, pag heads, ililibre kita ng ice cream. Pag tails, ako ang ililibre mo."
Sumang-ayon naman ako. Pero pagkaalis niya ng kamay niya, tails ang lumabas. Siyempre, nakipagtalo ako. "Weh! Pa'no 'yon?! Kinokontrol mo, e!"
"Magaling lang ako mag-coin toss."
Nagbuntonghininga ako. Pero tinapik niya ang ulo ko at naglabas ng bente pesos. Sabi na, e. Ililibre din niya ako.
Habang papalakad sa tindero ng ice cream, hindi ko maiwasang itanong, "Bakit ba sa tuwing magdedesisyon ka, toss coin ang lagi mong ginagamit?"
"Maganda kaya 'to kapag nahihirapan ka magdesisyon sa dalawang bagay."
"E, bakit nga?"
"Kasi . . ."
"Kasi?" tanong ko nang may kumikinang na mga mata.
Pero hindi niya muna ako sinagot. Tumingin ako sa paligid. Inisip ko, Itong panaginip na naman? Pero binawi ko rin sa takot na baka makalabas ako kaagad. Gusto ko pa makasama si Kuya Ian kahit sa panaginip lang.
Sa panaginip, pareho pa kaming mga bata.
"Oy," sabi ko, "hindi mo pa sinasagot 'yong tanong ko."
"Alin?"
"Bakit coin toss 'yong lagi mong ginagamit pag nahihirapan kang magdesisyon?"
Nag-isip siya bago sumagot, "Dalawa kasi 'yan. Una, dahil ayaw kong magsisi sa desisyon ko, kaya sinasaalang-alang ko na lang sa piso. Pangalawa, alam mo 'yong sabi nila? Kapag hinahagis mo daw 'yong coin sa ere, do'n mo raw malalaman kung ano talaga 'yong gusto mo."
Tumingin kami do'n sa lalagyan ng ice cream. May cheese, may vanilla, may chocolate, pero nando'n din ang mga paborito kong flavor: double dutch at cookies and cream.
Kaso mahihirapan ako magdesisyon. Pareho ko kasi silang paborito.
Pero matalino si Kuya Ian. Pinili niya 'yong dalawang ice cream stick. Sa kanan 'yong double dutch. Sa kaliwa 'yong cookies and cream.
"O," sabi niya, "alin dito gusto mo?"
Tiningnan ko 'yong dalawa. Double dutch ang una kong natikman na ice cream, pero minsan-minsan lang kainin dahil simula nang natikman ko 'yong cookies and cream, iyon na lagi ang kinakain ko.
"Puwede bang pareho?" tanong ko.
"Hindi puwede. Siyempre akin 'yong isa. Wala na akong pera dito."
"E di, ikaw ang pumili."
"Ayaw ko. Siyempre, uunahin ko kung ano 'yong mas gusto mo."
"Hindi ako makapili, e."
"Mag-toss ka na lang kaya?" Binigay sa 'kin ni Kuya Ian 'yong piso. "Sa 'yo na nga 'yan. Lucky charm mo."
Dumukot siya ng pentel pen sa bulsa niya. "Buti pala dala ko 'to," sabi niya. Sinulat niya 'yong "Ian" sa heads at "Chi" naman sa tails.
"O, game," udyok niya. "Pili ka na."
"O, sige. Heads pag double dutch. Tails pag cookies and cream."
Toss. Flip. Drop.
"Heads." Naisip ko, ayos lang 'yon kasi lagi namang cookies and cream 'yong kinakain ko. Nagbayad si Kuya Ian at saka binigay sa 'kin ang double dutch ice cream on stick.