Hindi ako nakatulog dahil sa nangyari. Pa'no ako makakatulog? Ang first kiss ko ay ang taong mahal ko na hindi naman ako mahal . . . yata?
Alas onse ng umaga, nag-text ako kaagad kay Anya. Gano'ng oras kasi ang gising niya kapag Sabado.
Chi: Anya, pwede ba ako pumunta sa inyo? Nasa boarding house ka ba? O nasa bahay?
Anya: Sakto! Wala mga kasama ko sa boarding house! Dito tayo sa kwarto. Hihi. Tatakas kita. What time ka punta?
Chi: Ngayon na.
In-off ko na 'yong phone ko. Sigurado akong tatawag si Anya kapag natanggap niya ang text ko. Gano'n 'yon, e. Kapag nagugulat, tumatawag.
Naligo ako at nagbihis at sumakay ng jeep. Nakailang buntonghininga rin ako habang papunta sa kanya.
Kinakabahan ako.
Pagbaba ko sa boarding house nina Anya, nag-text muna ako. May guard kasi. Compared sa iba, 'yong sa kanila, medyo secured dahil pangmayaman.
Chi: Bes dito na ko sa tapat
Wala pang isang minuto, lumabas na si Anya at ibinulong, "Itatakas kita."
Kinausap ni Anya 'yong guard sa lobby tapos no'ng hindi na nakatingin 'yong guard, pinatakbo niya ako pataas. Nang okay na, at saka kami umakyat sa kuwarto niya.
"So," umpisa niya habang nakatingin sa 'kin at nagkakalkal ng mga DVD, "anong gusto mo panuorin?"
"Gusto ko lang talaga makipagusap sa 'yo."
Sinauli niya ang mga DVD sa box niya at tumayo. "All right. Dito ka muna. Kuha lang ako ng food sa baba."
Umupo ako sa sofa na malapit sa bintana. 'Yong kuwarto nila, may tatlong double deck na kama tapos may sobrang laking TV sa may pader. Magkano kaya ang bayad dito every month? First time kong pumunta sa loob ng kuwarto niya, actually, kasi laging sa lounge lang kami puwede.
Pag-akyat niya, may dala na siyang tray na may baso, 1.5 liters ng Coke, Pringles, at Piattos. Nagulat na lang ako. "Huy, ano ka ba! Hindi mo 'ko kailangang pagsilbihan dito."
"Keri lang yan. O, game." Nagbuhos muna siya ng soft drink sa baso ko at ibinigay sa 'kin bago siya bumalik sa kama niya, hawak-hawak ang Pringles. 'Yong ibang pagkain, nakapatong lang do'n sa lamesa malapit sa higaan niya.
"Bakit ba pinaghintay mo si Gab?" diretsahan kong tanong. Hindi naman siya nabigla. Binuksan pa nga niya 'yong Pringles at inalok ako bago siya sumagot.
"Simple lang. Hindi ko siya gusto. O, hind ko pa siya gusto. Pero kung makapaghihintay siya hanggang sa araw na mahalin ko siya . . . e di, masaya."
Nagbuntonghininga ako. "Kung hindi lang kita best friend, matagal na kitang kinulam." Natawa siya. Pero alam kong alam niyang seryoso ako. At saka ako umamin, "Gusto ko siya, bes."
"Mukha ba akong manhid para hindi 'yon malaman?" nakangiti niyang tanong. "Alam ko. Kahit hindi mo sabihin, alam ko."
Biglang tumaas ang balahibo ko. In a way, na-guilty ako dahil nababasa ako ni Anya. Pero bakit ako . . . bakit ako hindi ko siya mabasa?
"Kaya mo ba siya . . . pinaghintay?" tanong ko.
"Sinabi ko na sa 'yo, di ba? Hindi ko siya gusto, pero kung—"
"So wala ka talagang gusto sa kanya?"
"Wala nga."
"Sinasabi mo lang yata 'yan dahil best friend mo 'ko at ayaw mo 'kong masaktan."