Sobrang excited ako. Mga alas dos na nga ako ng umaga nakatulog kaiisip, e. Siyempre, ihalo ko na do'n ang mga assignment. Pero kaya rin siguro ako tumagal nang gano'n ay dahil kada minuto, napapatigil ako at napapa-daydream.
Pumasok ako sa school nang sobrang aga. One hour and a half yata akong sobrang aga, e. Naabutan ko pa si Anya sa tambayan, e, 7:00 a.m. ang first class niya.
"Ba't ang aga mo?" gulat niyang tanong sa 'kin nang makita niya ako.
"'Di ako makatulog kaya pumasok na lang ako nang maaga."
"At bakit 'di ka makatulog, aber? Mukhang may nakatagong something diyan sa mga ngiti mo, ha!"
"Nababaliw lang." Mababaliw na talaga ako dahil sobrang excited ako para mamaya.
"Hula ko, magkikita kayo ni Gab mamaya, 'no?" tanong niya.
"Pa'no mo nalaman?"
"Magka-text kami. Sabi niya mag-uusap kayo mamaya."
"T-talaga? Sabi niya? Ano pa sabi niya?"
"Sabi na nga ba! Crush mo talaga si Gab, e!"
"Anya! Puro ka naman panunukso, e!" Sana maging in real life na rin, isip-isip ko.
Napangiti ako. Haaaaay! Gusto ko na talaga mag-mamaya. Tiningnan ko 'yong phone ko, pero wala pa namang nagte-text. Excited lang talaga ako.
"Hay! Ang daming gagawin!" sigaw ni Anya bigla. "Buti ka pa, love life lang ang iniintindi. Mag-math major na lang kaya ako? Bakit ang daming ginagawa sa major namin? Nakaka-stress."
"Anong pinagsasasabi mo?" natatawa kong sagot. "Mukha lang ako puro gala, pero siguro nasanay na lang ako na maging mukhang chill pero natataranta na deep inside. Parang itlog—matigas, pero pag binasag mo—boom! Melt down!"
"Bangag ka ba?" natatawang sagot ni Anya. "Hindi ka nga yata talagang sanay na magpang-umaga, ano? Ngayon lang ako nagkaro'n ng conversation tungkol sa itlog nang ganitong kaaga."
"Ako nga, gusto ko na lang mag TEG. Parang ang sasaya ninyo kasi. Puro art and materials! Tapos bakit lahat ng TEG students sa atin, ang gaganda? Exhibit A," sabi ko, tapos tinuro ko siya.
"Loka-loka!" Teaching in the Early Grades, o TEG, ang specialization ni Anya. Hindi ko nilalahat, pero promise, parang laging fresh ang mga TEG girls sa college.
"Kami puro theories. Ituturo ko ba ang triple integrals sa mga high school students? Puro kami theory, kulang kami sa practice! Gusto ko rin naman matuto kung paano magturo talaga ng high school math, hindi 'yong puro content. Pero gets ko naman—to widen our understanding of the subject rin. Hindi naman forever na kung ano lang ang alam namin, iyon na. Pero still, iisa nga lang ang educ subject namin about teaching math. Sana balance ang math content and teaching practices," frustrated kong sinabi. "Idagdag mo pa na sa mga math majors namin, kailangan e lahat iisipin mo, alam mo 'yon? Tipong sa iba, obvious na ganito ang nangyayari, pero sa 'min, kailangan namin himay-himayin kung paano napunta sa gano'n. Example, bakit irrational ang square root of two—"
"Okay, tama na. Wala akong dalang tissue. Unless na ikaw magiging responsible kung nag-nosebleed ako sa mga pinagsasasabi mo."
Natawa ako. "Baka nga hindi talaga ako pang-seven a.m. class."
"Oo, rant agad, bes," sagot niya. "Hay, gusto ko na lang maging ulap. Mukhang ang saya maging ulap, ano? Nasa langit lang. Pagala-gala. Tapos kapag marami ng dala, i-uulan na lang."
"Naks, deep," tukso ko. Tapos napangiti ako. Naalala ko kasi na gusto maging "araw" ni Jet. "Alam mo ba na gusto maging araw ni Jet?"
"At bakit tayo napunta do'n?"