Nakayuko lang ako sa may tambayan, kabang-kaba sa mga susunod na pangyayari. Buong weekend akong hindi nag-text sa kanya, at hindi rin naman siya nag-text o nag-chat pabalik. Siguro pareho kaming tameme at hindi alam ang next move namin.
"Alam mo," sagot ni Anya nang napansin niyang balisa ako, "nagtataka ako sa 'yo kung bakit santan ang paborito mong bulaklak. Pero mga rosas naman 'yong mga nagugustuhan mo."
"Ha?" tanong ko, naguguluhan sa sinabi niya.
"Sabi mo, kaya santan ang paborito mo kasi sila 'yong usually nasa tabi ng tao pero hindi sila pinapansin. Gusto nila 'yong rare makita, tulad ng rosas. Pero ano 'yang ginagawa mo?"
"Alin? Anong ginagawa ko?"
"Ako, nakakita ako ng santan. At nagustuhan ko. Pero ikaw, ikaw na 'yong nilalapitan ng santan, pero naghahanap ka ng rosas."
Ah . . . si Jet at Gab.
Ang galing ni Anya pagdating sa mga iniisip ko. Ewan ko ba, aaminin ko na para akong mababaliw sa kilig, sa saya, at sa pag-aalala. Hindi ko alam kung paano haharapin si Jet ngayong araw.
Paalis na sana kaming dalawa ni Anya nang nakita namin si Cynch sa may tapat ng college namin. Hindi ko alam kung anong ginagawa niya ro'n. Nilalaro lang naman niya 'yong susi niya. Naisip ko ang worst scenario: 'yong bigla niya akong hihilahin sa kotse niya tapos rambulan na.
Iiwas na sana kami pero nakita na niya kami. Tinawag niya kaming pareho habang papalapit siya. "Anya, Cherry," pagtawag niya. "Puwede ba kayo saglit? Kain tayo."
"May class kami in thirty minutes," sagot ni Anya.
"Then thirty minutes. Diyan lang sa coffee shop sa may Vargas museum."
"Wala ka bang klase sa inyo?"
Umiling siya. "Free cut."
Free cut? Ay, ewan. Hindi naman kasi magka-school.
Ayos lang dahil mapapalapit pa kami ni Anya sa mga klase namin. Kinakabahan lang ako na baka i-drive kami papunta sa kuta ng sorority niya bigla. Ang wild ng imagination ko.
At dahil may kotse siya, wala pang limang minuto, nando'n na kami. Siya lang naman ang nag-order. "Gusto ko lang ipaalam sa inyo na mayro'n na akong boyfriend," umpisa niya.
"Pumunta ka lang dito para ipaalam sa 'min na may boyfriend ka?" masungit na sabi ni Anya. "Sinayang mo gasolina mo, sis."
Galit ako kay Cynch, pero wala akong lakas ng loob gawin ang ginawa ni Anya. Gusto ko mag-standing ovation at ipagsigawang, Best friend ko 'yan, bitch! May soro ka? Pwes, may Anya ako!
"Like, hello! Ako na nga pumunta rito para mag-sorry, e! Kayo pa 'tong galit?!"
"Wala pa akong naririnig na sorry. And so nagagalit ka kung nagagalit kami? Ikaw ang may kasalanan. Natural lang na galit kami."
"I'm sorry, okay?! Ayaw ko ng tinatapakan ako. Isa pa, democratic ang Philippines at may freedom of speech tayo. Puwede kong sabihin lahat ng gusto ko sabihin."
"So 'yon ang rason mo kaya mo sinabi 'yon kay Cherry? Dahil democratic ang Pilipinas at may freedom of speech tayo? Naiintindihan mo ba na 'yong ginawa mo e nakasakit ng tao? Kasi kung puro ganyan ang nasa utak ng marami, malamang sa malamang nagkakabombahan na. Wew!" pagtigil ni Anya at huminga muna. "Nakakainit ka ng dugo."
Minsan-minsan lang magalit si Anya. Pero sabi ko nga, may pagka-protective 'yan lalo na pagdating sa 'kin at sa iba pa niyang kaibigan. Hindi ko nga lang akalain na aabot sa ganyan. Gusto ko siyang yakapin—best best friend ever.