Hindi ko na mapigilan ang ngumiti no'ng mga sumunod na araw. Nahahalata naman 'yon ni Anya, to the point na lagi na nga kami nagtatawagan sa cell phone. Buti nga nauso ang unli call kundi baka namumulot na lang ako ng barya ngayon.
Sabado nang inimbita kami ni Jet sa isang party. Inimbitahan lang din daw siya ng nakatrabaho niya sa isang tutorial center. Open to all naman.
"Two fifty?!" gulat kong tanong. "What the hell. Apat na kain ko na 'yon sa McDo!"
Kinamot ni Jet ang dulo ng ilong niya. "Sagot ko na 'yong fifty."
"Mahal pa rin!"
"Girl, ticket lang naman 'yong may bayad," sabi ni Anya. "Free flowing drinks, o."
"Buti sana kung Zesto 'yong free, kaso alam kong hindi. Hindi ako malakas diyan, alam n'yo 'yon."
"Sayang, ipapakilala sana kita kay Cynch."
Nagtinginan kaming dalawa ni Anya. "Sino 'yon?"
"'Yong madalas kong nakukuwento."
"As far as I can remember, wala kang nakukuwento sa aming Cynch," masungit na sagot ni Anya.
"Ay, baka sa iba 'yon."
"So sino nga 'yon?"
"'Yong katrabaho ko nga no'ng nakaraang taon. Siya nga 'yong nag-imbita sa 'kin dito, e."
"Hindi na lang ako pupunta," paninindigan ko. "Hindi talaga ako maganyan, e."
"Nangako na ako. Kahit sagot ko na buo?"
"Hindi na. Malulugi lang kayo sa 'kin. Ayos lang, kayo na lang."
Actually, ayos lang naman talaga sa 'kin. Ayun nga, sina Anya at Jet lang ang pumunta do'n sa party kuno na 'yon. Hindi naman ako naiinggit kasi nagiging open at madaldal lang ako sa mga ka-close ko na. Pero sa mga gano'ng okasyon, napipipe ako.
***
Pagkagising ko no'ng Linggo kinabukasan, nagulat ako na ang dami kong missed calls galing kay Anya. Naghintay ako ng tawag, pero hindi naman siya tumawag buong Linggo. Hindi rin naman ako nakapag-text dahil busy ako sa mga problem set, kaya naghintay na lang ako mag-Martes.
At pagdating ng Martes, napansin kong hindi nagpapansinan sina Jet at Anya. Ay mali, hindi pinapansin ni Anya si Jet. Anong mayro'n?
Umuwi kaming tatlo nang sabay pero naiipit ako sa away nila. Nagso-sorry si Jet, pero honestly, hindi ko talaga alam kung anong nangyari. Umaandar tuloy ang imahinasyon ko.
Pa'no kung nalasing silang dalawa at—
Pa'no kung . . .
Aaaaa! No, no, no, no, no, no! 'Wag naman. Sa mga telenobela lang 'yon nangyayari, 'wag naman sa buhay ko.
"Anya, ano bang nangyari?" tanong ko sa kanya.
"Tanong mo diyan sa boyfriend mo," sagot lang niya, diretso at mataray.
"Anya naman, e," depensa ni Jet. Kahit anong pagpupumilit niya, iniiwasan lang siya ni Anya. "Hindi nga!"
"Anong hindi?!"
End.
At ni isa sa kanila, walang gustong magpaliwanag sa mga nangyari no'ng Sabado.
Dumating ang Miyerkules at ganyan pa rin silang dalawa. Tinatanong ko naman si Jet kahapon pero ayaw niyang sabihin sa 'kin. Wala lang daw 'yon.