Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako naloka sa mga sinabi ni Jet. Actually, mga isang linggo akong binaliw ng mga sinabi niya, as in to the nth level. Kinausap ko na si Anya sa phone dahil hindi ako mapakali sa buhol-buhol kong nararamdaman.
"Ikaw! Ikaw kasi!" pagbati ko kaagad nang sinagot niya ang tawag ko.
"Anong ako?!"
"Ikaw. Ikaw lang naman 'yong may dahilan. Aaaaa! Buwisit na mga swan 'yan! Nanahimik ang human race!"
Natawa si Anya. "Iyon pala problema mo, akala ko kung ano. Bes, pati ang swans, nananahimik. Isa pa, 'yong pinili mong ending, it just shows na gano'n din ang gagawin mo in real life. Kapag dumating si Gab—"
"Pero iyon nga ang problema, e!"
"Ha? Ano na naman?"
"Bes, no'ng pauwi na kami ni Jet, napag-usapan namin 'yong kuwento na 'yon. Anak ng tofu! Iniba niya 'yong ending!"
"O . . . M . . . G. OMG, OMG! Teka, grabe, umabot dito hibla ng buhok mo!"
"Anyaaaaa!"
"Cherryyyyy!" paggaya niya sa pagtili ko sa tawag. "Anong sabi?!"
Nakakatawa dahil mukhang mas excited pa sa 'kin si Anya. Napapangiti ako dahil unti-unting bumabalik 'yong dati naming pagsasama—'yong laging magkasama at parang mga linta na hindi mapaghiwalay.
"Ang nakatuluyan ng bidang swan ay 'yong swan na natira," pagpapatuloy ko. "Iyon ang ending niya."
"Kinikilig ako, beeeees!"
"Tapos sabi niya, 'yong isang swan, hindi nagpakamatay dahil . . . hindi naman talaga raw niya minahal 'yong bidang swan."
"Sakit ha."
"Pero kasi . . . alam mo 'yon? Parang alam pala niya kung kaninong kuwento 'yong tinutukoy mo?! Parang—ugh. Pinaglihi yata 'yon kay Madam Auring, e."
"Gano'n lang talaga siya. Kaya ko 'yon nagustuhan, e. Straight to the point pero hindi. Torpe pero hindi. Guwapo na parang cute lang. Thoughtful na joke lang. Sweet pero bitter."
"Ang gulo mo."
"Balanse lang siya. Alam mo 'yon?" tanong ni Anya sa 'kin. Hinigpitan ko ang hawak sa cell phone ko. "Hindi man siya 'yong prince charming ng lahat, pero magugustuhan siya ng mga tulad nating normal na babae. Siya 'yong tipo ng lalaki na magugustuhan ng kahit sino to the point na kayang burahin lahat ng prince charming-like figure."
"FYI, hindi ka normal."
Heto na naman ang girl talk namin. Ang napag-usapan lang naman namin ay 90 percent crush life at 10 percent others.
Habang nagkukuwentuhan kami, parehas kaming napasigaw dahil sa kidlat. Brownout ang kasabay pero nagkaro'n naman ulit, kaya nagdesisyon kaming magpaalam muna at mag-charge para may reserbang baterya.
***
Magkakasabay pa rin kaming tatlong umalis ng school, pero halos alas nuwebe na kami ni Jet lagi nakakarating sa bahay dahil mahirap makasakay. Kaya mas gusto naming dalawa na umuwi bago mag alas singko y medya dati kasi digmaan na at habulan na ng jeep pagkatapos.
Ngayon, ewan. Parang okey lang na ma-traffic ako. Kasama ko naman siya.
Ha? Anong pinagsasasabi ko? Gising, Cherry.
No'ng Sabado ring 'yon, may group meeting kami sa Geography 1 class ko. Umalis ako nang maaga sa bahay, tapos pagdating ko sa meeting place sa university, biglang postponed. Hay, nakakapagod maging responsableng tao kung biglang idi-ditch ka ng mga group mates mo kung kailan ang aga ko umalis.