Sobrang nanghihina ako pagpasok. Ayaw ko nga tumambay dahil baka nando'n siya. Pero hindi naman puwede, di ba? Isang taon na ako nawalan ng social life, at ayaw ko nang bumalik do'n.
Paulit-ulit lang sa utak ko ang mga sinabi niya: Chi, ikaw ang pinili ko . . .
Huminga ako nang malalim. Naguguluhan na ako. Sabi nga nila, puwede kang magkagusto sa dalawang tao—pero gusto, hindi mahal. May iba naman na polyamorous—although taboo, nag-e-exist. Pero alam ko sa sarili ko na isa lang ang kaya kong mahalin romantically, at sa dalawang taong 'yon, mayro'n akong mas mahal.
Hindi ko pa nga lang nari-realize kung sino.
Nilabas ko 'yong piso ni Kuya Ian. Kung puwede lang ako mag-toss, di ba? Kung puwedeng gano'n lang kadali. Sabi nga ng Statistics 101 prof namin, pinaka-"fair" na activity sa pagpili sa pagitan ng dalawang event ay ang pagto-toss ng coin. Pero kung gagawin ko ba 'to rito, magiging fair pa rin? Natural, hindi. Tao naman kasi ang pinag-uusapan.
Tinago ko 'yong piso at saka tumingin sa langit. Buti sana kung 'yong kuwento ko ay katulad ng kuwento ng iba na alam na alam kung sino talaga ang makakatuluyan kahit may isa pang lalaking nasa eksena.
E, sa kuwento ko? Parehong nagustuhan ko. Parehong nagugustuhan ako.
"Aaaaa! Puuuuuto bumbong naman 'yan, o!" napasigaw ako out of frustration. Hindi ko alam kung papasok ako sa college, kaya nandito lang ako sa labas. Gusto kong sumilip, pero pa'no kung nando'n sila?
Habang nag-aatubili akong pumasok, may kumalabit sa 'kin. Pagkatalikod ko—crap.
"Hindi ka papasok?" tanong niya, nakangiti. "May klase ka pa ba?"
Ayaw ko namang magsinungaling. "Wala, pero may class ako in an hour."
"Hatid na kita hanggang do'n sa klase mo, tapos tambay tayo?"
"By the way, pa'no mo 'ko nakita?"
"Magaling ako, e."
Naglakad lang kami papunta sa building ng next class ko. Wala naman 'to sa plano ko. Usually, sa tambayan talaga ako nagpapalipas ng oras tapos aalis na lang ako kung klase ko na. Pero heto, kasama ko si Gab.
Inaya niya akong umupo sa isa sa mga bench. Pero sabi ko na nga ba, wrong idea 'to dahil ang unang sinabi niya, "Hindi mo naman sinagot 'yong mga tanong ko kahapon."
"Sef . . . O ayan, ha. Tinawag na kitang Sef. But that doesn't mean na hindi na kita tatawaging Gab."
"Sef na lang ba kapag tayong dalawa? Parang term of endearment?"
"No. Ngayon lang."
Natawa siya dahil sa pagkapranka ko. "Nakaka-miss."
Nakaka-miss.
Nakaka-miss 'yong mga panahong inosente pa ako pagdating sa pag-ibig. Nakaka-miss 'yong mga panahong flavor lang ng ice cream ang mahirap pagpilian.
"Anong nakaka-miss do'n, e, parang isang beses lang naman tayo nagkita na Sef ang tinawag ko sa 'yo?" tanong ko sa kanya.
"Naalala ko no'ng una mo 'kong nakita. Nagtaka ako kung bakit Gab ang tinawag mo sa 'kin."
"Galit kasi si Anya kay 'Sef,' alam mo 'yon? Di ba, high school friends kami, at iritang-irita na siya sa kababanggit ng pangalang 'yon."
Ngumiti siya, at saka nagbuntonghininga. "Sorry, ha? Lagi na lang ako umaalis. Pero ngayon, sisiguraduhin kong hindi na."
Kung may nagbago sa kanya, 'yon 'yong tono ng pananalita niya. Ewan ko. Mas naging kalmado siya kaysa noon.