Chapter 5: Square

2.3K 125 66
                                    

Bawat araw na magkatext kami, kinikilig ako. Ang nakakatawa, kung kailan lang siya magte-text, do'n lang ako magsu-subscribe sa unlitext ng network ko.

"Nakatutok ka na naman sa cell phone mo," sabi ni Jet nang mapansin niyang nakatingin lang ako sa phone ko kahit wala namang text. "Sabi ni Gab, magkatext na raw kayo."

"A . . . Oo."

"May gusto ka sa kanya, 'no?"

Pang-ilang araw na rin akong kinukulit ni Jet sa tanong na 'yon. Ayaw kong sagutin kasi pag tinatanong niya 'yon, nando'n si Anya.

"Talaga?" sabat ni Anya. "May something na kayo ni Gab?"

"Oy, Anya, hindi! 'Wag kang mang-issue," depensa ko. "Wala lang 'to. Magka-text lang kami."

"Buti pa siya nirereplayan mo. Tapos ako hindi."

"Nagkakataon kasi na kapag nagte-text ka, bes, 'di ako unli."

"Best friend na 'ko sa lagay na 'to. Tapos 'yan, bagong salpak lang sa buhay mo. Selos ako."

"Ayan ka na naman, Anya. Girlfriend ka? Nanay ka?" pang-asar ni Jet. Iyon lagi 'yong pang-asar niya kapag nagiging protective sa 'kin si Anya. Sinasabi nga ng iba na sa 'kin na lang daw pino-project ni Anya ang affection niya. Pero may crush din siya, mga tipong unreachable. As in John Mayer level, gano'n.

"Bahala ka diyan. Cherry, samahan mo 'ko." Hinila ako ni Anya papunta sa garden. Akala ko naman may something sa org. Nagulat ako nang biglang inalok niya ako ng kinakain niyang chip sabay tanong, "Kumusta na kayo ni Jet?"

"H-ha? Ayos naman kami," sagot ko. "Anong tanong 'yan?"

"Hindi pa ba kayo?"

"Anong kami? Hindi kami! Baliw ka talaga! Ba't ba ang kulit mo? Si Jet, tinatanong kung may gusto ako kay Gab," sabi ko kahit na sa loob-loob ko, alam ko naman ang sagot. "Ikaw, tinatanong mo kung kami na ni Jet. Hindi ba obvious na ikaw ang gusto niyon?"

"Ramdam kong hindi. Ramdam kong ikaw."

Sinabi ko naman na sa sarili ko na "happy crush" lang si Jet. Aaminin ko, 'di ako sanay na 'di siya nakikita. 'Di kumpleto ang araw ko pag 'di ko siya nakakasabay pag-uwi. Masaya ako pag may ginagawa siyang sweet sa 'kin. Pero 'yong nararamdaman ko sa kanya e hindi maikukumpara sa nararamdaman ko tuwing iniisip o nakakausap o nakakasama ko si Gab.

"Hindi nga," sabi ko. "'Wag mo i-push."

"Bes, ang nakaraan, nakaraan na. Alam mo, pag nakita mo 'yang Sef na yan, sigurado ako na sasabihin mong in love ka. Pero alam kong hindi. Nakakulong ka sa kung ano mang nangyari no'ng isang araw na 'yon. Bigyan mo ng chance 'yong mga taong gusto ka."

Alam ni Anya ang sinasabi niya. Feeling ko naman concerned siya sa 'kin. Pero 'di ko pa masabi sa kanyang nakita ko na si Sef—iyon nga lang, nangangapa ako.

"Bakit, gusto ba ako ni Jet?"

"Ramdam ko nga!"

"Pwes, mali ang pakiramdam mo. Halika na nga. Akala ko naman importante 'yong sasabihin mo."

"Importante 'yon."

Bumalik kami ni Anya sa tambayan. Habang nakikinood ako sa laptop ng isa kong org mate, tumunog ang cell phone ko.


Gab: Pwede ka ba mamaya? Mga 2:30? O may klase ka?

Chi: Uy bakit?

Gab: Punta tayo ng gateway. Wala lang. Haha gagala


Hala! Iniimbita na niya ako lumabas ngayon. Lumelevel up na kami.

Tossed CoinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon