Huminga ako nang malalim bago ako tumayo. Pero hindi ko mapigilan—naiiyak ako. Sabi nga nila, huwag daw ma-guilty kung hindi naman ikaw ang tinutukoy. Pero hindi naman ako bingi. Alam kong ako 'yon.
Naiiyak akong umalis sa banyo, handang magpaalam kina Jet at Anya na aalis na ako mag-isa. Pero bago pa man ako makabalik sa table, nakasalubong ko si Jet.
"O," pagbati niya. "Sa'n ka pupunta?"
Nakatungo lang ako. Ayaw kong ipakita kay Jet na naapektuhan ako. Pero mukhang napansin din niya nang mistulang naging patak ng ulan 'yong luha ko sa kamay niya.
"Chi?! Uy! Anong nangyari sa 'yo?!" Inangat niya agad 'yong ulo ko. At marahil, nakita niyang kagat-kagat ko 'yong labi ko, nakasalubong ang mga kilay, at naluluha ang mata. Hindi ako makatingin sa kanya.
Tumutulo 'yong luha ko pero pinupunasan ko lang. Oo, walang 'ya. Nasaktan ako ng lintang 'yon. Nag-e-echo sa utak ko 'yong mga sinabi ni Cynchahas. Wala na . . . galit na 'ko, at kung ano-ano na ang mga nasasabi kong hindi maganda sa loob ng utak ko.
"Jet," bulong ko, "gusto ko na umuwi."
"O sige," sagot niya. "Tawagin ko lang si Anya."
Bumalik kami sa table namin, at kinuha niya 'yong mga bag namin bago tawagin si Anya. Nang nakita ako ni Anya, hinawakan niya agad 'yong mga braso ko at pinilit niya akong hinarap sa kanya. Ano nga ba ang laban kong five feet sa isang five four na babae at five seven na lalaki?
Boom. Nakita niya akong naiiyak.
Ininom muna niya nang isang lagukan 'yong beer sa isang table tapos nilabas na niya ako. Si Jet, nagpaalam pa yata do'n sa impakta—este kay Cynch.
Nang kaming dalawa lang ni Anya, pinipigilan ko pa rin ang galit at lungkot. Ngayon, alam ko na ang feeling na may isang Laviña sa buhay ng isang Princess Sarah.
Nando'n lang kami sa labas. Tinatanong niya kung anong nangyari. "Pinapagalitan ka na ba ni Tita?"
"H-hindi . . ." sagot ko. "Anya, malandi ba 'ko?"
"Ha?!"
Wala pa akong na-e-explain, niyakap na agad ako ni Anya. Siyempre, ako naman, tumulo kaagad 'yong luha ko. Naiinis ako sa kanila, pero mas naiinis ako sa sarili ko.
"Narinig ko si Cynthia kanina. Memorize ko pa nga, e. Sabi niya, lumalandi ako ta's sa magkapatid pa. E, hindi naman ako maganda tapos ang lakas daw ng loob kong lumandi."
"As in ikaw talaga? Sinabi niya 'yong pangalan mo?"
"No'ng una pinalampas ko lang kasi baka naman hindi ako . . . hanggang sa marinig ko na bakit nga ba raw nagustuhan ni Jet 'yong tulad 'niyang' hitad. E, sino ba 'yong tinukoy niya? Okay . . . oo nga naman. Ang feelingera ko ba na in-assume ko na agad na ako 'yon? E, kasi hindi daw maganda . . . e, maganda ka naman—"
"Tumigil ka na, Cherry! Please? Maganda ka sa sarili mong paraan, kaya ka nga nagustuhan nina Jet at Gab—"
"Gusto nga ba? E, baka nagfi-feeling lang ako. Si Gab umalis na hindi ko naman talaga alam kung ako nga ba o ikaw pa rin."
"Please naman—"
"Tapos si Jet wala namang sinasabi."
"Alam mo, ayaw ko pangunahan si Jet, pero halata naman, e. Alam ko namang halata mo rin. Ewan ko ba diyan kung bakit ayaw pa umamin."
May lumabas mula sa bar kaya pinunasan ko 'yong luha ko. Napangiti na lang ako para hindi naman gano'n kaskandalosa 'yong dating.
Nag-text si Anya kay Jet na puntahan na lang kami sa Starbucks. Ang nakakabanas lang, nang nakita namin si Jet, nando'n din si Cynch. Gusto kong sumigaw ng Linta! pero siyempre ang childish naman n'on, di ba? Never mind na lang. Ayaw ko rin naman ng away. Bahala na sila sa gusto nilang isipin.