Umaasa akong babalik siya sa akin... ngunit dumaan ang mga linggo ng mapagtanto kong tuluyan na siya nawala sa aking piling.
Bakasyon na. May mga pangyayari na hindi ko namalayang nagdaan. Itinuon ko na lamang ang aking sarili sa pag-aaral kahit wala ng pasok. Bawat libreng oras ko ay nakadukdok ako sa makakapal na libro. Nakatanggap ako ng scholarship sa Maynila dahil sa naging kampyon ako sa swimming ng maraming beses dito sa baryo namin.
Ramdam ko ang pagkagalak sa aking paligid. Ang bawat papuri... ngunit wala akong maramdaman. Hindi ko kayang maging masaya. Kinulong ko ang sarili sa lungkot.
"Anak, luluwas kang Maynila bukas." maiksing wika ng Inay kong puro curlers ang buhok. Anak... Napatingin agad ako sa kanya ng marinig iyon. Malumanay ang pagkakasabi niya at hindi padarang.
Tila nahimasmasan siya sa sinabi kaya umingos siya, "Iyan ang pinapasabi ng magaling mong Itay bago siya umalis para magtrabaho." Tinalikuran niya ako at humarap na sa hinahanda niyang facial mask.
"Bakit ako aalis? Mahirap ang buhay doon. Isa't kalahating buwan palang bago magpasukan, anong gagawin ko doon?"
"Hindi ako alam. Itanong mo nalang mamaya sa Itay mo, sa ngayon ay mag-impake ka na." Tumalikod na lamang ako at dumiretso sa kwarto ko nang hindi pinakinggan ang sinabi niya.
Ayaw ko umalis. Hindi pwede. Nandirito na nga lang ang mga memorya ko kasama si Leandro, lilinasin ko pa? Ninanamnam ko pa ang pagkaalis niya. Tumagos sa puso ko ang sakit. Parang hindi pa nauubos ang luha sa akin at nagawa ko pa ring lumuha sa kabila ng gabi-gabi kong piping pag-iyak.
Dumating na si Itay kinagabihan. Tapos na kaming kumain at ngayon ay pinanatili niya ako sa hapag upang makausap. Siguro tungkol ito sa pagpunta ko sa Maynila.
"'Tay, ayaw ko pong umalis." Inunahan ko na siya at umiling. Malungkot niya akong tinignan. Bakas na sa kanya ang katandaan sa kulubot niyang mga balat.
"Pero anak, iyon ang kailangan mo. Mas maganda ang magiging kinabukasan mo kung doon kita pag-aaralin."
"Malayo pa ang pasukan."
"Gusto ko lang masanay ka sa Maynila... at gusto kong bumalik ka na rin sa dating mong sarili. Para kasing - " bumuntong hininga ako. "Ayaw ko talaga, saka nalang ako luluwas pa Maynila pag malapit na ang pasukan. Ngayon, gusto kong sulitin ang kasama kayo."
Tahimik lang naman si Inay habang kinakalikot ang ilong niya. Tumayo na ako nang mamayani ang katahimikan, "Kung iyon lang po ang gusto niyong sabihin, matutulog na ako."
"S-Sandali lang anak..." Pinigilan niya ako at hinawakan ako sa aking braso. Nagtataka ko siyang tinignan, umiwas siya ng tingin at tumikhim. Ginaya niya ako paupo. Pinagsaklop ko ang kamay ko at nakita ko ang makabuluhang tinginan ng mag-asawa.
"Matagal na naming gustong sabihin sayo ito," kumalabog ang aking dibdib. May kutob ako sa kanyang sasabihin... Nanatili akong tikom ang bibig at hinihintay ang sasabihin ni Itay.
"Hindi ka namin tunay na anak, Isay." Mariin akong napalunok. Kahit alam ko na ang sasabihin nila sa akin ay hindi ko pa rin mapigilan ang nararamdaman ko. Mas masakit pala pag sinabi nila sa akin ng harapan. "A-Alam ko po iyon, matagal na..." iwas ang aking tingin at pinipigilan ang nagbabadyang luha.
"Iyon ba ang dahilan ka nagbago ka?" Marahang tanong ni Inay, pinagmasdan ko siya at umiling.
"Kaya namin ito sinabi sayo dahil nasa tamang edad ka na at bukas na ang isipan mo sa ganitong bagay." Itinapat ko ang palad ko sa kanya upang matigil siya sa pagsasalita. "Hindi ako galit sa inyo. Noong nakaraan ko pa ang alam na hindi niyo ako tunay na anak. Tanggap ko na po. Kung kaya pinapunta niyo akong Maynila para paalisin niyo ako sa poder niyo, s-sige..."
Yumuko ako at pinaglalaruan ang nanginginig kong daliri.
"Hindi! Hindi iyon ang dahilan namin. May isang tao lang kasing nais kang makita."
"Sino?"
"Ang kapatid mo..."
Narinig ko ang sarili kong napasinok. Kapatid?
"M-May kapatid ako?"
"Kakasabi lang 'di ba? Bingi lang?" Sabat ni Inay at umirap. Nanatili akong nakamaang kay Itay na hinawakan ang kamay ni Inay ng mahigpit upang pigilan. Hindi ko nalang siya pinansin.
"May panganay kang kapatid, si Rodrigo... Kaibigan siya ng anak ni Don Miranda na kapwa niya sundalo rin. Napakabait ng pamilyang iyon dahil tinulungan tayo nang may sumabog na bomba sa lugar na ito."
Kinagat ko ang aking labi. Hindi rumihestro sa aking utak ang sinabi niya. Bakit kami napaghiwalay? Hindi ba pwedeng magkasama nalang kami?
"Isang retired officer si Don, siya ang nagsagip sa inyong magkapatid sa insidenteng iyon. Tigapagsilbi lang ako sa mansyon nila. Hardinero lamang ako at paminsan-minsa'y driver. Doon din nagtatrabaho ang Ama mo."
"Nasaan ang mga magulang ko?" Umiling siya, "Kayo lang ang nailigtas dahil bago pa sila isugod sa ospital ay wala na sila..." walang imik na tumango ako.
"Matanda sayo ng anim na taon si Rodrigo. Kaya't nang magkainteres siya sa kapatid mo ay pinasok niya ito sa eskwelahan kung saan sinasanay ito bilang isang sundalo kasama ang anak niya... samantalang ikaw, ipinagkatiwala sa akin. Siya rin ang nagpa-aral sayo."
"Bakit niya ako gustong makita? Ilang taon ang lumipas pero hindi siya nagparamdam sa akin. Bakit ngayon pa..."
"Aba, kung sinunod mo ba naman ako ay makikita mo siya." Pumalo pa siya sa kahoy na lamesa. "Pinagtutulakan mo kasi ako sa mga binatang lalaki. Anong magagawa ko? Ayaw ko. Hindi mo ako mapipilit."
Sumabat na si Itay sa paglalambingan namin ni Inay. "Inampon ni Don Miranda ang kapatid mo, kaya't noong may handaan ay pinapunta ka ng Inay mo upang makilala mo siya at para mkaharap mo na rin si Don Miranda. Nais niyang palitan ang apelyido mo sa kanya... Nang muli kayong magkasama ng kapatid mo."
"Hindi ba pwedeng kayo nalang?" Napasimangot ako sa kanya. Hindi mapigilang sumama ang loob.
"Wala kaming sapat na pera para asikasuhin ang papeles mo, anak. Sana maintindihan mo. Nandito pa rin naman kami para sayo..." hinawakan niya ang kamay kong nakapatong sa lamesa. "Tandaan mo, mahal na mahal ka namin."
"Ang Itay mo lang 'no."
Patagilid na tumingin si Itay sa kanya at kumindat. "Ako na bahala sa walang puso mong Inay."
"Hindi ako aalis, 'tay. Susulitin ko ang oras kasama kayo..."
Ipinatong ko ang hita ko sa batuhan at bumuntong hininga. Pinagsisisihan ko ang hindi pagpunta doon sa mansiyon ni Don Miranda.
Ang kapatid ko...
BINABASA MO ANG
Ghostly
FantasyHanda ka bang isuko ang bataan sa isang estranghero na hindi mo magawang makita o mahawakan man lang?