"Maraming salamat ho sa pagpunta, Sir." pormal na nakipagkamay si Leandro ang isang opisyal na sundalo na may nakabuntot na sangkaterbang kapwa sundalo nito sa likuran niya na nanatiling nakayuko upang magbigay respeto.
Kinagat ko nang mariin ang labi ko at sinundan ang pagbaba ng mata ni Leandro sa kabaong ni Don Miranda. Walang luha sa kanyang mata ngunit batid ang kanyang kalungkutan. Kuyom ang kamao niya, pinipigil ang emosyong lumabas.
Nais kong lumapit sa kanya at daluhan, ngunit mas pinili kong bigyan siya nang oras upang makapag-isa. At kailangan ko ring lumayo, hindi ko nanaising umiyak sa harapan niya. Ako nalang ang tanging kakapitin niya ng lakas... Lalo na ngayo't pareho sila ng Ina niya na nagluluksa sa pagkawala ni Don Miranda.
Kumapit ako sa upuan sa aking tabi. Pakiramdam ko ay bubuwal ako kapag hindi ko pa naalalayan kaagad ang aking sarili. Nakita ko kung paano humagulgol si Donya Miranda nang unti-unti nang natatabunan ng puting rosas ang kabaong kasabay ng pagpa-ilalim nito sa hukay.
Hindi ako ang nawalan ng ama at asawa, hindi ako ang nasiraan ng pamilya... pero apektado pa rin ako.
Malaki ang naging parte niya sa aking buhay. Siya ang nagtaguyod sa panganay kong kapatid na si Rod at tinulungan kaming magkapatid nang mawala ang mga magulang namin. Siya ang nagsilbing daddy long legs ko. Siya ang tumayong ama kay Kuya Rod... at siya rin ang magiging ama ko sa oras na ikasal na kami ni Leandro.
Tumingala ako sa langit. Nakita ko na makulimlim at may nagbabadyang tubig na papatak doon na tila nakikisabay sa dalamhati ng mga tao sa simenteryo ngayon.
Bilang lamang ang taong pinayagang pumunta, nanatiling pribado at para sa malalapit na taon lang sa buhay ng pamilya ng Miranda. Nasaksihan ko kung gaano kalaki ang sakop nila. Malaking angkan ang dinadala nilang pangalan. Puro mga ma-impluwensiyang tao sa bansa kagaya ng gobernador, mayor at iba pa.
Ngayon ko napagtanto kung sinong mga tao ang kinaharap ko. Pakiramdam ko ay bigla akong nanliit nang makita ko ang kayamanan nilang dala-dala. Mga elegante at mamahalin maging ang wika nila. Mukhang ako na nga lang ang tanging nagsasalita ng matalinhagang tagalog dito.
Hindi rin mapipigilan ang iilang paghagod sa akin ng ibang tao. Na tila ba sinasabi ng mata nila na hindi ako nababagay dito... na hindi dapat ako umaapak sa lupang tinatapakan nila.
"Leandro!" agad na natanggal ang pang-agam agam ko at sinuyod ang buong lugar, hinahanap kung saan nanggaling ang malamyos na boses na iyon.
Ang hati ng kanyang itim na kasuotan ay hanggang hita. Habang naglalakad ay humahantad kung gaano kabilog at kinis ng dinadala niyang katawan. Napunta ang mata ko sa mukha niya at wala pang isang minutong napanganga sa kagandahan niya.
Sino siya?
Mabilis itong nagtungo sa kinaroroonan ni Leandro. Kunot ang aking noo at pinagmasdan siyang pinulupot ang braso sa leeg nito. Lumambitin siya doon na parang unggoy sabay halik sa labi. Naka-ilang kurap pa ako bago pumasok sa aking isipan na hinahalikan na nga niya ngayon ang Leandro ko.
"I am so sorry for your loss, baby!"
Baby daw!
Ayaw kong mag-iskandalo sa mismong burial ni Don Miranda. Nakakahiya, lalo na't siguradong ako ang dehado dahil sino nga naman ba ako kay Leandro? Mas mahirap pa ako sa daga at sa iskwater lang nakatira. Anong panlaban ko sa isang babaeng kagaya niya na may ipinagmamayabang?
Nakapagtapos na ako sa kolehiyo ngunit dahil sa mga rason na ito ay hindi ko nagawang pumasok sa trabaho... dahil mas inalala ko siya. Ito ang gusto ni Leandro, hindi ba? Matagal na niyang hinihiling na pakasalan ko siya imbes na ipagpatuloy ang pag-aaral ko kasi kaya naman niya akong buhayin.
Sabik siyang maging asawa ako.
Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya tinutulak palayo ang mahaderang babaeng iyon? Mas dumagdag pa ang emosyon na nilalabanan ko nang makita ko ang kamay ni Leandro na nakapatong sa magkabilang baywang nito.
Oh ano, nakalimutan na niya ako?
Pilit na pinaaliwalas ko ang aking mukha at hindi napigilan na humakbang papalapit sa kanila. Sa bawat yabag ko ay dumadagdag ang bilis ng kabog sa aking dibdib. Hindi dapat ako kabahan, hindi rin dapat ako panghinaan ng loob. May karapatan ako na umalma.
Nang tuluyan na akong makalapit ay tumikhim ako at may planong batiin sana silang dalawa. Pero napansin agad ako nito kaya itinagilid lang niya ang ulo at sumulyap sa akin bago kausapin muli ang babaeng yakap niya.
Nawala ang ngiti na ginawa ko. Agad na napalitan ng matalim na titig sa kanilang dalawa. Kahit na kumirot ang puso ko sa nasaksihan ay itinago ko... kahit na bulgaran silang nagpapalitan ng laway sa harapan ko.
Putangina, talaga nga naman oh!
Pasensiya na po, Don Miranda. May pesteng nagpakita, kailangan ko lang idispatsa.
Buong pwersa kong pinaghiwalay silang dalawa at itinulak sa dibdib si Leandro. Hindi ko na hinarap pa ang babae, baka mas lalong mandilim ang paningin ko at umalulong sa harapan nilang lahat. Saka ko nalang siya sasakmalin matapos nitong lahat.
"Masarap ba?" nagpamaywang ako sa kanyang harapan habang siya naman ay pinunasan ang labi.
"Umayos ka, Leandro. Kung iyan ang paraan para lang hindi ka umiyak at makalimutan mo ang sakit na nararamdaman, itigil mo na hangga't maaga pa." marahas na nagtaas baba ang aking dibdib. Hindi ko kaya ang sakit, hindi ko mapigilan...
Pinasadahan niya ang kanyang mahabang buhok at lumingon sa babae na hinalikan niya kanina. "She's... nothing," itinago ko ang kamay kong nanginginig--sa galit... sa selos.
"Sinasabi ko sa'yo itigil mo na, hangga't kaya pa kitang intindihin. Baka hindi mo magustuhan ang gagawin ko..." nang magtama ang mata namin ay hindi ko mapigilan ang pagsinghap. Purong itim ang mata niya na tila ba na-hipnotismo. Kagagawan ba ito ng agimat na ibinigay sa kanya ng kanyang papa?
O nalunod na siya sa kapighatin at hindi na siya nakakapit pa?
Tahimik lang siya at walang reaksiyon sa aking sinabi. Inisang hakbang ko ang pagitan naming dalawa at hinila siya sa malayo na hindi naman niya tinutulan. Nang makarating kami sa buhol na malayo sa lahat ay pinaupo ko siya at tumabi sa kanya.
Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang kibo, namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Malaki ang epekto sa akin ni Don Miranda, ngunit mas malala ang tama nito kay Leandro... Hindi niya lang mailabas ang sakit. Iniipon niya ito at para bang nilamon siya ng sakit...
Isinandal ko siya sa akin kahit na nakadantay ang buong bigat niya at mariing hinawakan ang kanyang kamay. "Kumapit ka lang, mahal ko. Nandito lang ako..." malumanay kong anas sa kanyang tainga at hinalikan sa noo.
Sa puntong iyon, doon ko narinig ang hagulgol ng isang anak na nawalan ng ama.
Doon ko rin nadama kung gaano siya katindi magmahal...
BINABASA MO ANG
Ghostly
FantasyHanda ka bang isuko ang bataan sa isang estranghero na hindi mo magawang makita o mahawakan man lang?