viii | Isabella

12.6K 299 29
                                    


"Serene..."

"Bakit ngayon ka lang nagpakitang babae ka?! Kaloka, ang dami ng nangyari sa buhay ko. Alam mo bang bumigay na si Kards!" Tili niya at niyakap ako ng mahigpit habang nagtatalon.

Gusto kong sagutin na marami ring nangyari sa buhay ko kaya't hindi ko magawang alamin pa ang tungkol sa kanya, pero pinili kong hindi na lamang kumibo. Malapit ko na lisanin ang baryo, nais kong sulitin ang natitirang mga araw.

"Tara pumunta tayo sa bayan! Isama mo na rin 'yang badingers na hinahabol mo," Kumaway siya sa ere at humagikgik. "Huwag na! Baka naman makalimutan na kita pag kasama ko siya. Alam mo na," lumiyad siya at kumindat. Napa-iling na lamang ako at ngumiti. Pinipilit alisin sa aking isipan ang sumisingit na Leandro sa utak ko.

"Siya nga pala, si... si Roy nabalitaan kong umuwi siya..." nag-aalangang wika ni Serene habang nilalaro ang kanyang buhok.

Kinagat ko ang aking labi. Si Roy, bakit bumalik pa siya dito? Panatag na ako dito, masaya na ako.

Umiling ako at dumukdok sa aking mga palad. Sa isipan palang na magkikita kami ay kinikilabutan na kaagad ako. Ayaw ko ng mag-krus pa ang landas namin.

"G-Gan'on ba?" Tanging wika ko. Parang nawalan na ako ng ganang lumabas pa. Hindi ko siguradong hindi kami magkikita dahil maliit lamang ang baryo. At ang mahirap pa doon ay magkatapat lamang ang bahay namin. Imposible talagang 'di kami magkita.

Parang ayaw ko na tuloy umuwi pa sa amin...

"Saan ka nanaman nagpunta, Isay? May bisita ka ngayon. Umuwi ka na! Nakakaamoy na ako ng money." Napangiwi ako nang marinig ang tili ng Inay ko sa kabilang linya. Hapon na at nandirito pa rin ako kila Serene. Wala akong balak umuwi. "Hoy! Naririnig mo ba ako?" Inis kong pinatay ang tawag at pumalatak.

Basta pera talaga...

"Aalis muna ako," hindi ko na hinintay pa ang tugon niya dahil may katelebabad siya sa selpon niya kanina pa. Siguro yung vaklush na labidabs niya.

Napabuntong hininga ako nang umahon sa batis. Nilibot ko ang aking panginin. Kanina pa pala ako nandirito, madilim na ang buong paligid. Rinig ko ang tunog ng mga palaka, huni ng ibon at ang malakas na paghampas ng hangin sa mga dahon.

"Leandro... balikan mo na ako..." ipinikit ko ang aking mata at lumublob sa tubig. Hinayaan ko ang aking sarili na lumutang at dinama ang lamig na tumatama sa aking hubad na katawan. "Bakit mo ako i-iniwan?" Nabasag ang boses ko at napahikbi.

Nagmahal ako ng isang kaluluwa. Napakatanga ko... Alam kong sa una palang ay iiwan niya rin ako sa huli, ngunit nagawa ko pa ring tangayin ng aking damdamin. Wala eh... Ganoon talaga. Hindi mo alam kung sino ang mamahalin mo. Nakakagulat nalang, hulog ka na at hindi na kayang umahon pa.

Kumakalabog ang aking dibdib habang naglalakad pauwi sa bahay. Walang ilaw ang mga poste kaya't sigurado akong walang makakakita sa akin. Hatinggabi na. Wala ng gising. Sana naman umalis na ang pistingyawang lalaking 'yon.

"Buti naman at umuwi ka pa."

Napatalon ako sa gulat nang may nakita akong bulto ng tao sa tapat ng bahay namin. Ang pamilyar na tinig na iyon... Sumikip ang aking dibdib. Ang walanghiya ay nagpakita pa sa akin. Kumunot ang aking noo.

"Roy!" aking hiyaw nang hawakan niya ako sa pulso ko. Winaksi ang aking aking kamay at sinampal siya. Lumagapak iyon, rinig ko ang malalalim niyang paghinga.

Bahagya akong napaatras. Alam kong ayaw niya ng nasasaktan. Hindi ko alam kung ano ang igaganti niya sa akin ngayon.

Ngumisi lamang siya at nag-isang hakbang upang mapalapit sa akin, "Oo ako nga, bakit parang nakakita ka ng multo?"

"Bakit ka nandito? Umalis ka na ayaw kong makita ang pagmumukha mo." Tinulak ko siya at tumalikod na.

Napasinghap ako nang hinigit niya ang buhok ko ng marahas. Napatingala ako at hinawakan ang aking buhok. Para bang maaalis sa anit ang buhok ko sa higpit ng sabunot niya.

"Isabella, umalis lang ako nagbago ka na. Nasaan ang babaeng kinababaliwan ako dati? May iba na bang lalaki sa buhay mo?" Ramdam ko ang hininga niya sa aking leeg. Ngumiwi ako. Tumayo ang aking balahibo sa pagkadiri't suklam.

Nagtataka ako kung bakit minahal ko siya dati. Nagmahal ako ng isang demonyo. Napakasama.

"Pwede ba, Roy! Tigilan mo ako! Tahimik na ang buhay ko ngayon, guguluhin mo pa!" Siniko ko siya, lumuwag ang pagkakahawak niya kaya't kumawala ako.

Humalakhak siya, "Hindi kita titigilan..."

Unti-unti akong umatras. May namataan akong bato na kasing laki ng kamay ko. Mabilis ko iyong dinampot, "Ah gan'on?! Etong sayo!"

"A-Anong gagawin mo sa batong 'yan?"

"Ibabato ko sayong hayup ka! Tigilan mo na ako!" Buong pwersang ibinato ko iyon sa kanya. Rinig ko ang kanyang pagdaing ng sakit ngunit hindi ko iyon pinansin.

"Buti nga sayo! Mas masahol ka pa sa hayop. Pwe!"

Iniwan ko si Roy doon na nagdudugo ang noo sa aking binato. Hindi lang iyon ang magagawa ko pag lumapit pa siya sa akin. Wala akong pasensiya sa taong walang puso. Kulang pa iyon sa ginawa niya sa akin.

"Itay, pwede bang pakisabihan mo si Inay na tigilan ang pagpapapasok kay Roy sa bahay? Baka kung ano pa ang gawin sa akin 'non. Natatakot ako sa kung anong pwede niyang gawin, 'tay."

Talagang inabangan ko siya sa tapat ng napakalaking gate ng mga Don Miranda upang makasabay siya sa pag-uwi. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ako tinitigilan. Hindi pa ata nakuntento sa malaking bukol niya sa noo.

Dalawang araw na akong pinipeste ni Roy kasama ang Inay ko.

"Kakausapin ko siya. Nawiwili na ang Inay mo, basta't pag laging may dalang tsokolate o anumang bagay ang lalaking iyon ay tuwang tuwa siya. Parang nakalimutan na niya ang ginawa ng lalaking iyon sa unica hija ko."

Dumating na kami sa bahay. Napakapit ako sa dulo ng damit ni Itay at nagtago sa kanyang likuran nang makitang magkatabi ang dalawang maitim ang budhi.

"Umalis ka ng lalaki ka. At ikaw," tinuro niya ang asawa niya na nakatirik ang kilay. "Mag-usap tayo."

GhostlyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon