Chapter 1

764 61 47
                                    

AGAD na napabalingkwas si Mariel mula sa pagkakatulog nang umugong ang kalangitan dahil sa malakas na kulog. Sumabay naman ang matalim na kidlat, at malakas na hangin. Napatingin naman siya sa bintana, nakabukas pala ito kaya bumugso sa loob ng kaniyang kuwarto ang mabagsik na ihip ng hangin.

Pupungay-pungay pa ang kaniyang mga singkit na mata habang papalapit sa bintana, at tila hinihila pa siya ng kaniyang pagkaantok, kaya halos matumba siya sa sahig. Hindi pa man din siya nakararating sa tapat ng bintana nang mas bumagsik ang ihip ng hangin.

Ihinangin ang kaniyang kulot na buhok na hanggang balikat, at tuluyang napaatras si Mariel. Nawala ang kaninang inaantok na diwa niya dahil sa pagbagsak ng frame mula sa puting dingding. Nagtalsikan din ang mga bubog, at natamaan ang kaniyang binti. Mabilis niyang isinara ang bintana at binuksan ang ilaw.

Pamilyar sa kaniya ang eksenang iyon dahil gan'on din ang nangyari sa dati niyang kaklaseng si Bella five years ago.

Napadaing siya nang bunutin niya ang maliit na bubog na bumaon sa kaniyang binti. Tuluyang umagos ang dugo na hindi naman gan'on karami. Nasabi niya tuloy sa kaniyang isip na kamalasan ang dala ng portrait na iyon.

"Dad, tulungan mo ako rito!" sigaw niya, ngunit tila wala rin lang itong saysay dahil nasasapawan nang malakas na ulan ang kaniyang boses. Idagdag pa ang malakas na kulog na tila ba galit na galit ang kalangitan.

"Nakakainis talaga!" singhal niya habang iika-ikang kinuha ang first aid kit na nasa ilalim na bedside table niya. Maya't maya ang kaniyang pagngiwi habang nililinis niya ang kaniyang sugat.

Makalipas ang sampung minuto ay natapos na siya sa pagbebenda sa kaniyag binti. Tumila na rin ang pagkulog at pagkidlat, ngunit malakas pa rin ang ulan.

"Isa ka pang ulan ka! Ang ingay-ingay, hindi tuloy ako marinig ni dad!" reklamo niya pa habang winawalis ang mga nagkalat na bubog sa marmol na sahig. Nang matiyak niyang nalinis na ang mga bubog ay agad niyang dinampot ang frame.

Ang haligi na lamang nito ang naiwan, at ang vellum kung saan nakalagay ang kaniyang portrait na ginawa pa noon ng kaniyang kaklase.

"See? Pati tuloy ito nasira-"

Hindi niya na natapos ang kaniyang sasabihin nang makuha ng atensyon niyang ang maliit na sobre na nakalapag sa pinagbagsakan ng frame. Kapangsin-pansin na rin ang paninilaw nito dahil sa kalumaan.

Duda ni Mariel ay nakaipit iyon sa loob ng frame, at nalaglag din nang bumagsak ang portrait. Sa pagititig niya sa sobre ay tila nangungusap sa kaniya ang sobre na damputin ito.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Mariel, agad niyang pinulot ang sobre at dinala sa kama, at doon ay binasa niya ang laman nito.

Imbitado ka!

Class Reunion at dalawang linggong bakasyon

SCS Batch 2015

Kadayatan Island, Pangasinan

Pebrero 14, 2020

Ps. Magdala ng damit pang dalawang linggo, night gown, at mga pagkain. Magkikita-kita sa dating eskuwelahan ng alas kuwatro ng hapon para sabay-sabay ang pagbiyahe.

See you soon, classmates!

Napakunot naman ng noo si Mariel matapos niyang basahin ang liham na nasa sobre. Hindi niya inaakalang may kalakip palang imbitasyon ang portrait na ginawa ni Carl. Marahil kung hindi nalaglag ang frame, baka hindi siya makadadalo sa class reunion.

✓Evil's Bloody RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon