HINDI naman mapakali si Mariel habang nakahiga siya sa sofa noong nagising sila kinaumagahan. Pinipilit niyang bumangon, subalit hindi niya magawa dahil bukod sa kumikirot ang buong katawan niya, pinipigilan pa siya ni Eliana.
"Huwag ka munang bumangon, hindi mo pa kaya!" panenermon ni Eliana kay Mariel.
"Kaya ko na nga, Eliana! Ilang oras naman na tayong nakatulog at nakapagpahinga," giit ni Mairel at sa pagkakataong iyon ay walang nagawa si Eliana noong bumangon siya. "Kailangan kong pumunta sa Room 1 at sa silid ng mga portraits. Maghahanap ako ng ebidensya."
"Huwag mong sabihing dinamdam mo 'yong sinabi sa'yo ni Erica?" tila nanlolokong tanong ni Eliana, at tinaasan siya nito ng kilay.
"Hindi, ah! Kailangan ko talagang pumunta roon," sumbat naman ni Mariel.
Para kasi sa kanya, ang tagal tumakbo ng oras subalit ang bilis nilang maubos, kaya kailangan niya ng magpursige sa paghahanap ng ebidensya. Hindi na napigilan pa ni Eliana si Mariel. Iika-ika siyang lumakad para pumunta sa Room 1.
"Sasama ako," wika ni Leianne na sumunod pala sa kanya.
Pagdating nila roon ay sumalubong sa kanila ang masangsang na amoy at ang mga bangkay. Nagkalat din ang mga dugo sa paligid. Natalsikan din ng kaunting dugo ang maleta niya. Hinila naman niya ang maleta at dinala sa pinto para ilabas na mamaya.
Pagkatapos niyang ilagay sa pinto ang maleta niya ay lumapit siya sa bangkay ni Kara, at napatitig sa nakatarak na kutsilyo sa dibdib nito. Napailing na lang si Mariel dahil 13 na lang silang natira. Hindi niya alam kung hanggang kailan pa sila magiging gan'on.
"Pupuntahan ko si Ma'am Kate," saad ni Mariel, at akmang aalis ngunit may nahagip ang mga mata niya. May recording pen malapit sa bangkay ni Carl. Agad niya naman itong pinulot at pinindot ang play button.
Nagsitaasan ang balahibo niya nang marinig ang boses na parang isang demonyo. Malalim at nakakapanindig-balahibo subalit alam niyang boses ng babae iyon. Palaisipan tuloy sa kaniya kung paano nagawang i-edit 'yon ng salarin.
"Mariel, Mariel... Alam ko na ang itinatago mo! Nasa kamay ko na ang dalawang taong tumutulong sa'yo! Mamaya lang ay mabubura na sila sa mundong ito!"
Nanginig ang mga kamay ni Mariel, at nagbabadiyang tumulo ang kaniyang mga luha. Nanlalambot na rin ang kaniyang mga tuhod at tila umurong ang kaniyang dila.
"Mariel! Huwag kang pumunta rito, sasaktan ka niya!" Sigurado si Mariel na tinig iyon ni Ced kaya tuluyang bumuhos ang kaniyang mga luha.
"Oras na matapos ang 20 minutes, kusang puputok ang baril na nakatapat kina Ma'am Kate at Ced! Mayroon na namang mamamatay na importante sa iyo! Halika na sa kaitaasan HAHAHAHA!"
Nag-stop na ang audio kaya napatingin siya sa recording pen. Sa 'di kalayuan naman, kung saan nakalapag ang recording pen kanina, ay may maliit na stopwatch kung saan 6 minutes na lang ang natitirang oras; agad niya naman iyong dinampot.
"L-Leianne, bumalik ka na roon! Kailangan kong puntahan sina Ced!" tarantang saad ni Mariel, at hindi niya na alintana ang mga luhang pumapatak sa kaniyang pisngi.
"Pero, Mariel, saan mo sila pupuntahan? Siguradong inilipat sila ng killer!" tugon naman ni Leianne.
"Hindi ko alam kung saan ko sila hahanapin, Leianne! Siguro kong napapanood lang ako ng killer ngayon pinagtatawanan niya na ako," hagulgol ni Mariel.
"S-Sa kaitaasan... sa rooftop!" bulalas naman ni Leianne. Napawi naman ang paghagulgol ni Mariel nang margining niya iyon.
"Diyos ko, tulungan niyo ako!" pagsusumamo ni Mariel sa kaniyang isipan.
Pinunasan niya ang mga luha niya, at hindi na siya nag-aksaya pa ng oras. Iika-ika man ay tumakbo na siya patungo sa rooftop. Napatingin naman sa kanya ang mga kaklase niya noong madaanan niya sila, pero isiniwalawang-bahala lamang nila.
Pag-akyat niya roon ay nakasara ang pinto palabas sa rooftiop. Kahit anong gawing pagpihit niya ay hindi niya iyon mabuksan. Kinalampag niya nang kinalampag ang pinto, subalit wala pa ring nangyayari.
"Hindi ito maaari! Hindi... hindi..."
Hindi sumuko si Mariel. Pinihit niya nang pinihit ang pinto kahit pa alam niyang hindi niya iyon mabubuksan ng gan'on lang. Hindi kasi puwedeng mamatay sina Ced at Ma'am Kate. Kung mangyari man iyon, siguradong katapusan na rin nila. Bukod kasi sa ayaw na ulit ni Mariel na mawala ng mahal sa buhay—si Ced, wala ng ibang tutulong sa kanila para matalo ang killer at ang lola niya.
58 seconds...
"Buksan niyo ito, please!" Kinalampag niya muli ang pinto, at laking gulat niya nang may bumubulusok na kutsilyo papalapit sa kaniya ngunit nasalo niya ito agad. Luminga siya sa paligid para malaman kung sino ang bumato n'on sa kaniya.
20 seconds...
Kusang gumalaw ang kamay niya at ginamit ang talim ng kutsilyo bilang pambukas sa pinto. Mabuti na lamang ay alam niya kung paano iyon gamitin dahil minsan niya ng ginawa iyon noon sa kuwarto niya.
10 seconds...
Pilit niyang isiniksik ang talim nito hanggang sa mabuksan niyang tuluyan ang pinto.
3 seconds...
Napatigil siya nang may tumunog na alarm at narinig niya na lamang ang sunud-sunod na putok ng baril. Tila bumagal ang pag-ikot ng mundo at pinagsakluban ng langit at lupa.
"CED!"
Nanlaki ang mata ni Mariel nang eksaktong itapak niya ang mga paa niya sa rooftop ay may humambalos sa likod niya. Bumagsak siya sa sahig at tuluyan siyang nilamon ng kadiliman.
"NASAAN na ba si Mariel?" aligagang tanong ni Eliana at tumayo.
"Eh, kasi pumunta kami ni Mariel sa room 1 tapos... tapos umalis siya bigla," sagot naman ni Leianne ngunit. Hanggang doon na lamang ang sinabi ni Leianne dahil hindi niya puwedeng sabihin ang tungkol sa pangho-hostage ng killer kina Ced at Ma'am Kate.
"H-Hindi ito maaari! Baka may nangyari ng masama kay Mariel!" Napatakip si Eliana sa bibig niya. "Hanapin natin siya!" dagdag pa niya. Sumang-ayon naman ang mga kaklase niya.
Nag-umpisang nilang galugarin ang napakalawak na mansion. Dalawa lamang sina Leianne at Eliana na naghahanap dahil si Joanne ay hindi pa rin nila makausap.
"Sa roof top!" saad ni Eliana, at hindi na hinintay pa ang pagsang-ayon nina Leianne at Joanne. Sa bagay, ni hindi nga nila makausap nang maayos si Joanne dahil hindi pa rin siya nagsasalita.
Nauna nang nagtungo si Eliana sa rooftop, habang si Leianne naman ay nahuli. Kinakabahan kasi siya dahil baka makita na roon ni Eliana sina Ced at Ma'am Kate. Hindi niya naman siya magawang pigilan dahil nauna na ito.
Habang papaakyat si Leianne sa hagdan ay pabigat nang pabigat ang bawat hakbang niya. Sa wakas ay nahabol niya rin si Eliana, subalit pareho silang hindi nakaimik nang may makita silang kutsilyo na may bahid pa ng sariwang dugo—nakalapag na iyon sa sahig.
Napansin din nila ang katabi nitong papel na may nakasulat na GAME OVER gamit ang sariwa ring dugo. Nanginginig na pinihit ni Leianne ang knob ng pinto at binuksan iyon.
"Hindi!!!"
BINABASA MO ANG
✓Evil's Bloody Revenge
Mystery / ThrillerIsang lumang invitation ang natagpuan ni Mariel, at iba pa niyang mga kaklase, sa loob ng frame ng portrait na ibinigay sa kanila ng isa sa mga kaklase nila. Pagkatapos ng limang taon, dahil sa imbitasyon na iyon, nagkaroon sila ng class reunion sa...