Chapter 2

445 52 27
                                    

ISA sa mga pinakamasayang bahagi sa buhay ng isang tao ang muling pakikipagkita nito sa mga kaklase na minsang naging parte ng buhay niya. Lalo na ang mga matatalik na kabigan na itinuturing na nitong kapatid.

Kaya nga kapag nabibigyan nga ng pagkakataon na muli niyang makasama ang mga dating parte ng buhay niya, buong puso niyang ipakikita kung gaano siya kasabik na muli silang mayakap. Subalit, kabaliktaran yata ito kina Mariel at ang kaniyang mga kaibigan. Para sa kanila, mas masisiyahan sila kung muli na naman silang mabibigyan ng pagkakataon na maliitin ang kanilang dating mga kaklase.

Pagkalipas ng apat na araw ay dumating na ang class reunion nina Mariel. Taas noo siyang naglakad papunta sa open-field ng dati nilang eskuwelahan sa Manaoag Science High School. Hila-hila naman ng kanang kamay niya ang napakalaking maleta.

Inilibot ni Mariel ang kaniyang paningin sa kabuuan ng field. Naroon na rin ang isang bus, at sa katabi namang grandstand ay naroon ang dati niyang mga kaklaseng nakalilim sa mga puno ng mangga. Lumawak naman ang kaniyang ngiti nang matanaw niya si Leianne na kasama na ang tatlo pa nilang kaibigan na sina Joanne, Eliana, at Geam.

"Mariel! Oh my gosh, ikaw na nga iyan!" tili ni Joanne, at mabilis na niyakap nang mahigpit si Mariel.

Marahang itinulak ni Mariel ang kaibigan, saka inayos ang kaniyang maiksing dress na kulay pula nang magusot ito. "Hindi ako makahinga sa iyo!"

Dahil sa pulang dress ni Mariel, kitang-kita tuloy ang magandang hubog ng kaniyang katawan, lalo na ang mala-porselana niyang balat. Dagdag pa rito ang pagiging long-legged niya.

"Ilang taon lang tayong hindi nagkita-kita, pero ang laki na ng ipinagbago ng hitsura mo! Mas naging elegante ka pa!" puri naman ni Eliana kaya mas lalong lumawak ang ngisi ni Mariel.

"Nothing has changed. Mas elegante pa rin ako sa inyong apat," tugon ni Mariel kaya napailing-iling na lamang si Leianne.

May katuwiran nga naman si Mariel. Sa kanilang lima, siya ang pinakaangat. Mas nakukuha niya ang gusto niya dahil na rin sa kaniyang ama. Kung sa ganda naman, bagamat lahat sila ay pinagpala sa hitsura, si Mariel pa rin ang pinakanagingibabaw sa kanila.

Si Leianne ang pinakamatangkad sa kanila. Balingkinitan din ang kaniyang katawan, at agaw pansin din ang unat niyang buhok na umabot na sa kaniyang bewang. Hindi katangusan ang maliit niyang ilong, subalit ang mata niyang kulay kape ay laging nangungusap, kaya naman madalas ay napapatitig ang mga tao sa mga mata niya.

Si Joanne, may kapayatan siya, at bahagyang kumukulot ang buhok niyang hanggang sa balikat. Si Eliana naman, siya ang morena sa kanila, subalit mas matangkad pa rin siya kay Mariel. Samantala, si Geam naman ang pinakabata sa kanila. Kasingtangkad niya lamang si Mariel. Agaw pansin naman ang pamumutla niya dahil simula pa noong high school sila ay anemic na siya. Sa kanilang lima, siya lamang ang may bangs.

"Yeah, you're still a straightforward spoiled brat," saad ni Eliana habang naglalagay ng kolerete sa kaniyang mukha.

"I'm just telling the truth," wika ni Mariel at pinagkrus ang kaniyang mga braso. Napadako naman ang tingin niya kay Geam na tahimik sa gilid habang nakangiti lamang sa kaniya.

"I missed you," naluluhang saad ni Geam kaya bahagyang natawa sina Eliana.

"Masyado kang madrama, girl!" puna ni Leainne.

Agad lumapit si Mariel kay Geam, at niyakap ito nang mahigpit. Sa kanilang lahat, higit na pinakamalapit sa puso niya si Geam, kapatid na nga ang turing niya rito. Kaya nga hindi na nakapagtataka kung gan'on ang naging pakikitungo ni Mariel kay Geam.

✓Evil's Bloody RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon