Maaatim kaya ng isang tao na sa pagtuklas niya sa katotohanang nais niyang lumitaw, sa paraang nais niya, ay kabaliktaran pala? Sa bawat matinding pagnanais na malaman kung ano ang totoo, naroon ang matinding pagnanais na sana ay mali ang kaniyang kutob; na sana ang inaasahan niyang totoo ay mali pala dahil madalas ay masakit o malagim ang katotohanan. Subalit, lingid sa kaalaman niya na may kaakibat palang sorpresa ang pagtuklas sa kalaaman: maaaring nagdudulot ng takot, maaari ding magdulot ng saya.
"NAANTALA pa ang pagtulog ko kahahanap kina Ann, ah! 'Pag makita ko lang talaga ang babaeng iyon, sasabunutan ko talaga siya!" pagrereklamo ni Geam, at padabog na tumayo, sabay humikab pa.
"Ngayon na nga lang ako nakatulog nang maayos, eh!" pabulong pa niyang dagdag.
"Mag-tiis ka. Nawawala nga sina Ann, eh," singhal naman ni Janna sa kaniya.
"Pake ko kung nawawala sila?" pambabara ni Geam.
Umentrada si Bella. "Maghiwa-hiwalay na lang tayo para mabilis. Pagkatapos ng sampung minuto ay doon tayo magkikita-kita sa sala."
"Sige, payag ako," pagsang-ayon ni Janna.
"Ano? Paano kung tayo rin ang mapahamak?" pagtutol naman ni Joanne.
Napabuntong-hininga na lamang sina Geam at Joanne na parehong nakapamewang. Mas lalo yatang kumulo ang dugo nila nang Umalis na lang basta sina Bella at Janna nang hindi man lang hinintay ang pagsang-ayon ng dalawa.
Makaraan lamang ng ilang segundo, napangisi sila dahil sa kanilang naisip. Plano nilang umupo na lang sa sala, at magkunwaring naghanap din. Dali-dali silang pumunta sa sala para maupo lamang doon.
Kampante naman si Geam dahil para sa kaniya, hindi siya madadaig nang basta-basta dahil marami siyang natutunan noong self-defense kasama sina Mariel.
Pag-upo nila sa brown na sofa, may nahagilap ang mga mata ni Geam—mga patak ng dugo. Tila papunta sa isang direksyon ang mga patak ng dugo: papunta sa pinto hanggang sa labas ng mansion.
"J-Joanne! Tignan mo, may mga dugo!" napaturo si Geam sa may pinto.
Napakagat naman si Joanne sa kaniyang labi dahil kinukutuban siya na baka may namatay na naman. Sinundan nila ang mga patak ng dugo, hanggang sa mapasigaw silang dalawa.
"ANN, ALDRIN!" Napako naman sila sa kinatatayuan nila habang nakatitig lamang sa dalawang bangkay.
"Tulong! Bella! Janna!" sigaw naman ni Joanne. Ilang segundo lamang ang lumipas ay nariyan na sina Bella at Janna na humahangos.
Agad na lumapit si Janna. "Anong nangyari—Ann?!"
"Patay na sila..." Halos hindi makapagsalita si Bella. Napasalampak na lamang siya sa lupa at naikuyom niya ang kaniyang palad.
Nagsidatingan pa ang ibang grupong nakarinig sa sigaw ni Joanne. Ang iba naman ay kinalabog lahat ng mga pinto ng kuwartong nakasara para sabihin ang nangyari kina Ann at Aldrin.
"Anong nangyari?" tanong ng iba nilang mga kaklase na nagsipag-datingan. Napaduwal ang iba sa kanila nang muli silang makasaksi ng mga bangkay. Ang iba naman ay napahawak sa kanilang dibdib dahil sa takot nab aka sila na ang susunod.
Agad na bumaba sina Leianne at Eliana na nagkasalubong sa second floor. Humahangos pa sila dahil sa pagod dahil napagod sila katutuklas kung ano ang sekretong itinatago ng malaking mansion. Halos mahimatay naman si Leianne nang makita niya ang mga bangkay, nabuti na lamang ay nasalo siya ni Eliana.
"Ayokong mamatay." Iyan ang tanging paulit-ulit na nasambit ng karamihan sa kanila.
Napalinga sa paligid si Bella. "Teka, nasaan si Mariel?"
"Baka si Mariel," saad ni Josh at napamura.
"Hindi kaya si Mariel ang killer? O kaya naman ay kasabwat niya kayong apat!" sigaw ni Ayka, agad naman siyang nakatikim ng sampal ni Eliana. Inawat sila ng mga kaklase namin kaya napatigil sila.
"Y-Yong mga portraits natin, y-yong mga painting! Basag na rin 'yong kina Ann at Aldrin! May nakasulat na 4 sa portrait ni Aldrin, a-at... a-at 5 naman kay Ann," entrada ni Mhen na namumutla na dahil sa kaniyang mga nasaksihan.
Napa-sign of the cross na lang ang iba, at ang iba naman ay walang magawa kundi magsisigaw at umiyak.
"May napulot ako!" wika ni Leianne habang nakatitig sa nakatuping papel na nakaipit sa palad ni Ann. Nanginginig niyang inabot kay Eliana ang itim na papel, at binasa naman niya ito.
"Ang inyong mga sigaw at daing,
Magandang musika kung ituring.
Ako'y nasa inyong likod at harap,
Ang patayin kayo ay aking pangarap.
Bawat obra ay letra,
At bawat letra ay mga salita."
Nang mabasa iyon ni Eliana ay inagaw ni Joanne iyon at nilukot. "Hindi na ito nakakatuwa! Kung sino man ang may gawa nito, tumigil ka na!"
Pagkasabi niya n'on ay lumakad na siya papalayo, at pumasok sa loob ng mansion. Walang nagawa ang iba kundi pumasok na lamang sa loob. Ang mga naging kaibigan naman nina Ann at Aldrin, sila ang nagdala ng mga bangkay sa basement.
TULUYANG nabuksan ni Mariel ang ilaw; napahawak siya sa bibig niya at naluha. Hindi niya magawang maihakbang ang kaniyang mga paa dahil nanghihina ang kaniyang mga tuhod.
Iginala niya muli ang kaniyang pangingin sa mga mga kalansay na naka-red cloak. Napaatras siya nang makita niyang may sariwang pusong tumitibok sa malapit sa ribs ng isang kalansay na hindi nakasuot ng pulang cloak. Mayroon ding napakalaking rebulto na may apat na mukha at bawat mukha ay may mahahabang sungay.
Dali-dali siya pumunta sa pinto pero 'di niya mabuksan ang mabigat na bakal na pinto dahil nanghihina na siya. Napaatras naman siya, at hindi niya namalayang naatrasan niya pala ang rebultong iyon, kaya nabagsakan siya.
Hindi siya makaalis dahil masyadong mabigat ang rebultong nakadagan sa kaniya. Napadaing siya sa dahil sa sakit, at pilit pa ring itinutulak ang rebulto dahil hindi na siya makahinga.
"TULONG! TULUNGAN NIYO AKO RITO!" pagsisigaw niya, ngunit walang taong dumarating.
Tingin niya ay iyon na ang katapusan niya. Bumibigat na rin ang talukap ng mata niya, hanggang sa nandilim na ang kaniyang paningin.
"Ayaw ko ring mawala ka sa akin. Alam mong simula noon, kayo lang ni Dad at ang mga kaibigan ko ang mayroon ako," wika ni Mariel habang nangingilid ang kaniyang mga luha.
"Pangako, hindi kita iiwan," tugon ni Ced, "at ito ang simbolo ng pagmamahal ko sa'yo," dagdag pa niya, at isinuot niya ang kwintas kay Mariel na may singsing na pendant. Nakaukit na pangalan nilang dalawa sa singsing.
Kasabay no'n ay ang paghangin nang malakas. Napaluha si Mariel nang biglang maglaho sa paningin niya si Ced.
"Ced, nasaan ka?"
"Ced!"
"Ced!"
Napamulat si Mariel na pawis na pawis. Pilit niyang ibinabagon ang sarili niya, ngunit bigo siya dahil kumikirot ang kaniyang likod. Napalinga naman siya sa paligid, at nanlaki ang kaniyang mga mata dahil nasa isang kuwarto siya na hindi pamilyar sa kaniya.
"Nasaan ako? Paano ako napunta rito? Sino ang tumulong sa akin?" sunod-sunod na bulong niya nang may marinig siyang humihikbi.
Muli niyang iginala ang kaniyang paningin, at doon ay nakita niya ang isang taong nakayuko sa sulok ng kuwarto.
"Sino ka?" tanong ni Mariel kaya napalingon ito sa kaniya.
Nanlaki naman ang mga mata ni Mariel nang makita kung sino iyon, at kasabay n'on ay ang unti-unting pagbagsak ng kaniyang mga luha.
BINABASA MO ANG
✓Evil's Bloody Revenge
Mystery / ThrillerIsang lumang invitation ang natagpuan ni Mariel, at iba pa niyang mga kaklase, sa loob ng frame ng portrait na ibinigay sa kanila ng isa sa mga kaklase nila. Pagkatapos ng limang taon, dahil sa imbitasyon na iyon, nagkaroon sila ng class reunion sa...