Chapter 27

145 23 0
                                    

DAHAN-DAHANG pinihit ni Leianne ang doorknob—nanginginig pa nga ang mga kamay niyang tila nanlalambot na, at saka lakas-loob niyang binuksan ang pinto. Mulat na mulat ang kaniyang mga mata dahil handa na rin siya sa maaari niyang masaksihan.

"Hindi!!!" sabay na bulalas nilang dalawa. Napahawak si Leianne sa kaniyang bibig at impit na napahikbi.

Napako naman sa kinatatayuan niya si Eliana at ang mga mata niya'y mas dumoble pa ang laki. Dumating na naman ang isa pang pagkakataong labis nilang kinatatakutan, subalit tunay na kay lupit ng tadhana para sa kanila.

"Huli na... tayo," lumuluhang saad ni Leianne at napaluhod pa sa lapag.

"No, Mariel!" napasigaw rin si Eliana nang makita niya sa sahig ang ballpen ni Mariel sa sahig, kasama ang pocket journal na nakabuklat na. May mga patak pa ng dugo sa pocket journal, at hula nila ay galing iyon sa kaibigan nila.

"A-Anong ibig sabihin nito?" Dahan-dahang lumapit si Eliana sa baril na kusang pumuputok kagaya ng sa time bomb. May nakita rin silang dos pordos sa sahig na may bahid din ng dugo. "Ano bang nangyari sa kaniya? Bakit may ganito?"

"H-Hindi ko alam," pagsisinungalang ni Leianne, subalit ang totoo ay alam niyang may kinalaman iyon sa paghahanap ni Mariel kina Ced at Ma'am Kate.

Napakagat si Leianne sa kaniyang labi habang palinga-linga sa paligid na tila may hinahanap. Pabulong-bulong pa siya na hindi naman halos maintindihan ni Eliana.

Dahil doon ay nag-umpisa nang kutuban si Eliana. "Huwag mo nang itago sa akin, Leianne! Kayo ang palaging magkasama ni Mariel kaya sabihin mo na kung ano ang nalalaman mo!"

"Hindi ko nga alam, Eliana! Basta ang alam ko, natatakot na ako sa maaring nangyari sa kaibigan natin!" litanya ni Leianne, at pinulot ang ballpen at journal ni Mariel, at iniwan si Eliana nang walang pasabi.

Agad namang sumunod si Eliana habang pinupunasan ang kaniyang mga luha. Hindi niya alam kung saan paroroon si Leianne pero sinundan niya na lamang ito.

"Saan tayo pupunta, Leianne?" tanong ni Eliana nang maabutan niya si Leianne.

Imbis na sagutin siya nang kaniyang kaibigan ay mas binilisan niya pa ang pagtakbo. Nakarating sila sa tagong pasilyo ng mansion at huminto sa isang pinto. Binuksan iyon ni Leianne subalit walang tao sa kuwartong iyon.

"Hindi ito maaari. Nasaan sila?" bulong ni Leianne.

Napakunot naman ang noo ni Eliana, sabay tanong, "Sinong sila?"

Nanlaki naman ang mga mata ni Leianne sa tanong ni Eliana at agad na umiling. Hindi niya pa rin maaaring ipagtapat ang lahat sa kaibigan. Nangako siya na kahit anong mangyari ay hinding-hindi niya ipagsasabi kahit kanino ang tungkol sa sekreto nila.

Isinara na ni Leianne ang pinto at hindi niya na napigilan pa ang pagragasa ng kaniyang mga luha. Wala roon sina Ma'am Kate, Ced, at Mariel. Sa tingin niya ay hindi nagtagumpay si Mariel. Iyon na nga ang katapusan nila—wala na rin kasing tutulong sa kanila. Kung siya lang ang gagalaw at magpaplano para mahuli ang killer, alam niyang hindi niya kakayanin iyon.

Kung sa mga kaklase niya naman siya magpapatulong, malabo rin ang pagtatagumpay nila dahil isa sa kanila ang killer. Tanging si Ma'am Kate at Ced lamang ang nakakakilala si killer, at sa pagkawala nila ay tuluyan nang maibabaon sa hukay ang tunay na pagkakakilanlan ng salarin.

Bumalik na sila sa sala ng second floor na tila wala nang kabuhay-buhay. Halos hindi na maihakbang pa ni Leianne ang kaniyang mga paa dahil nanlalambot ang kaniyang mga tuhod. Hindi niya akalain na wala na naman ang isa sa mga kaibigan nila.

"N-Nasaan na si M-Mariel?" tanong sa kanila ni Joanne, ngunit nilagapasan lang siya ni Leianne.

"Lumayo ka sa amin, murderer!" singhal ni Eliana, kaya napaatras si Joanne sa gulat. Maging si Leianne ay nagulat sa pagsigaw ni Eliana kay Joanne.

✓Evil's Bloody RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon