HINDI maawat ang pagragasa ng mga luha ni Mariel dahil sa kaniyang nasaksihan. Kitang-kita ng dalawang mata niya kung paano tinapos ni Geam ang buhay nina Eliana at Joanne. Nang saksakin ni Geam ang dalawa niyang kaibigan kanina ay tila sinasaksak din ang puso niya.
Ngayon naman ay nasa harap niya ang bangkay ni Geam na nagawa siyang iligtas gamit ang huling saglit ng kaniyang buhay. Hindi niya akalaing gagawin iyon ng kaniyang kaibigan. Napadako naman ang kaniyang tingin kay Ced na nakabulagta rin malapit sa kaniyang tabi.
"M-Mariel... M-Mariel..." paulit-ulit na bulong ni Ced kahit pa nahihirapan na siyang magsalita. Halos ipikit niya na rin ang kaniyang mga mata, subalit nilalaban niya lamang dahil ayaw niyang maiwan si Mariel.
Agad na lumapit si Mariel kay Ced, at gamit ang kaniyang mga kamay ay tinakpan niya ang tama ng baril sa tiyan ni Ced para pigilan ang dugong tumatagas. Si Leianne naman ay gumapang palapit sa bangkay ni Geam habang dumadaloy ang luha sa kaniyang pisngi.
"Magpaalam na kayo sa isa't isa dahil isusunod ko na kayong dalawa," wika ni Ma'am Kate kaya muling napatingin si Mariel sa kanya nang matalim.
"Hindi ba s-sabi niyo tutulungan niyo kami?" tanong naman ni Leianne. Halos malunok na niya ang sarili niyang mga luha. "Sabi niyo pa, kaya niyo kami tinutulungan para maitama ang mga pagkakamali niyo."
Napahalakhak naman ang guro. "Gaya ni Geam ay naloko ko rin kayo. Akala niyo ba tutulungan ko talaga kayo?" Napailing-iling pa siya habang nakangisi. "Parte lahat ito ng plano ko."
Inalis ni Mariel ang mga kamay niya sa tiyan ni Ced at ikinuyom niya iyon. "Mas masahol ka pa kay Geam! Traydor ka!" bulyaw niya at akmang susuguring ang guro, subalit napatigil siya sa paghakbang nang itutok sa kaniya ang baril.
"Anong mas masahol ako? Ako ba ang nag-torture at pumatay sa mga kaklase mo? Si Geam naman 'di ba?"
Nanatali pa ring nakakuyom ang kaniyang mga kamao, subalit napaluhod na lamang siya sa lupa.
"Please... pakawalan mo kami. Kailangan nang madala kaagad ni Ced sa ospital!" pagmamakaawa ni Mariel. Kahit labag sa loob niya ay nagpapakababa na siya para lamang mailigtas si Ced, at para makasama pa niya ang kaniyang daddy.
Gano'n din ang ginawa ni Leianne; lumuhod din siya sa lupa at pinagdikit pa ang kaniyang mga palad para magmakaawa rin.
"Hindi puwedeng may mabuhay sa inyo dahil kailangan ay maibaon sa hukay ang sekreto ko," sambit naman ng guro at pinagkrus pa ang kaniyang mga braso.
Napakunot naman ang noo ni Mariel. "A-Anong ibig mong sabihin?"
"Dahil sa pagpatay ni Geam, ibinabaon niya rin ang katotohanang ako ang dahilan ng pagiging miserable ng buhay niya noon; ibinabaon niya rin ang katotohanang binayaran ko ang buong klase noon para gumawa ng krimen. Ang lahat-lahat ay ibinaon niya," pagsasalaysay ng guro. Pangisi-ngisi pa siya na tila ba tuwang-tuwa sa mga nangyayari.
"Kayong tatlo naman, tinulungan niyo akong pabagsakin ang lola ni Geam para hindi na nila maitayo pang muli ang satanismo," dagdag pa niya kaya napatayo na si Mariel.
Hindi niya na kayang luhuran pa ang gan'ong klaseng tao. Para sa kanya, mas masahol pa siya kay Geam. Siya rin ang puno't dulo ng mga naganap na patayan, kaya siya dapat ang sisihin sa mga nangyari.
"Kaya ba hindi mo ipinasabi kung sino ang salarin para mapatay kaming lahat na magkakaklase? Kaya ba hinayaan mong mamatay silang lahat?!" Dumagundong ang boses ni Mariel na puno ng poot.
BINABASA MO ANG
✓Evil's Bloody Revenge
Mystery / ThrillerIsang lumang invitation ang natagpuan ni Mariel, at iba pa niyang mga kaklase, sa loob ng frame ng portrait na ibinigay sa kanila ng isa sa mga kaklase nila. Pagkatapos ng limang taon, dahil sa imbitasyon na iyon, nagkaroon sila ng class reunion sa...