Dahil sa mas matinding galit ni Mariel sa killer, na nabuo dahil sa pagpatay kay Geam, mas naging matapang siya para ipaglaban ang kanilang kaligtasan. Mas nabuhayan siya ng loob na bigyan ng katarungan ang kamatayan ng kaniyang kaibigan, at para sa kanya, makakamit niya lang iyon kapag nahuli niya na kung sino ang killer.
BUMALIK na si Mariel sa mga kaklase niya sa first floor. Nakita niyang nandoon pa rin ang mga kaibigan niya, pati si Joanne. Muli naman siyang napaluha nang hindi mahagilap ng mga mata niya si Geam; wala na talaga ang pinakamatalik niyang kaibigan.
Umupo na siya sa tabi ni Leianne na nakatulala sa kawalan. Pare-pareho na silang gutom, ngunit wala silang gana para kumain. Kumakain na nga ang iba nilang mga kakaklase, ngunit silang apat ay nanatiling nakatunganga. Para silang nasa isang bangungot na hindi na magigising pa.
Pinalipas nila ang umaga at hapon habang nananatili sa kanilang puwesto—ni hindi man lang sila umalis sa first floor. Sumilip na rin ang liwanag ng buwan mula sa labas, subalit wala yata silang balak na umakyat.
Sa kanilang pananahimik ay iniisip pa rin nila kung kailan kaya sila makakaalis doon, lalo na si Mariel. Sawa na kasi siya sa pakikipagpatentero nila sa salarin, at atat na siyang mahuli kung sino man ito. Sa katunayan, gusto niya ring kitilan ng buhay ang killer kapag nahuli niya ito, subalit ayaw niya rin namang madungisan ang kaniyang mga kamay.
"AAAHHH!" Nagambala ang pananahimik ng klase nang umusok ang paligid, kaya isa lamang ang nasisiguro ni Mariel, may nagpakawala ng sleeping gas.
Masyadong mabilis ang mga pangyayari kaya hindi na nakita ni Mariel kung sino ang may gawa n'on. Tinakpan niya na lamang ang ilong niya, at sinubukang makaalis sa lugar na iyon kahit pa napakakapal na ng usok sa loob.
Subalit kahit gaano pa kahigpit ang pagtakip niya sa kaniyang ilong ay nabigo siya. Hindi madali sa kaniya ang maglakad papalayo dahil wala siyang ibang nakikita kundi ang usok. Hindi na rin siya makahinga, kaya natanggal niya ang kaniyang kamay mula sa pagkakatakip sa kaniyang ilong, at unti-unting nagdilim ang kaniyang paningin sabay bumagsak sa matigas na kahoy na sahig.
PALAISIPAN pa rin sa salarin kung sino ang isusunod niyang papatayin. Kaya naman, napatingin siya sa dart board kung saan naroon lahat ng litrato ng mga kaklase niya. Ang ibang mga litrato ay may bahid na ng dugo. Sila ang mga pinaslang niya na.
Binuksan niya ang drawer niya at bumungad sa kaniya ang natitirang darts. Kinuha niya ang isa napatingin sa tulis nito. Napangisi siya at agad itong ibinato sa litrato ng mga kaklase niya. Muli siyang napahalakhak nang makita kung kaninong larawan ang tinamaan nito.
"Kay suwerte mo nga naman! Pero mas maganda kung kayong dalawa ang papaslangin ko para naman hanggang kamatayan ay sabay kayo," wika niya habang pinagmamasdan ang litrato ng dalawa niyang kaklase.
"Pati sa kayabangan ay inuungusan niyo sina Mariel," bulong niya. Napalingon naman siya sa kaniyang lola, at sa kaniyang kasabwat. Noong bago kasi mailaglag ang sleeping gas ay pasimple itong nakatakas.
"Saludo ako sa katapangan mo, apo!" nakangiting saad sa kaniya ng kaniyang lolang nakaupo sa dulo ng kama. Gumanti naman siya ng ngiti, at lumapit sa matanda.
"At dahil 'yon sa tulong niyo. Atsaka, dapat lang sa kanila 'yon dahil kulang pa iyon sa ginawa nila sa akin," tugon niya at binigyan ng mainit na yakap ang kaniyang lola.
Napatayo naman ang kasabwat niya, at inusal niya, "Wala na siguro ang usok doon ngayon. Puwede na nating kunin 'yong mga bagong biktima." Napakalas naman sa pagkakayakap ang killer, atsaka sila nagtungo sa first floor.
Pagdating nila roon ay wala ng kausok-usok. Nadatnan din nilang bagsak na ang katawan ng mga kaklase nila, at wala ng kamalay-malay. Hindi na sila nag-aksaya pa ng panahon, nilapitan na nila ang mga bagong biktikma.
BINABASA MO ANG
✓Evil's Bloody Revenge
Mystery / ThrillerIsang lumang invitation ang natagpuan ni Mariel, at iba pa niyang mga kaklase, sa loob ng frame ng portrait na ibinigay sa kanila ng isa sa mga kaklase nila. Pagkatapos ng limang taon, dahil sa imbitasyon na iyon, nagkaroon sila ng class reunion sa...