Chapter 35

144 13 2
                                    

NANGINGINIG ang buong katawan ni Mich matapos siyang buhusan ng killer ng malamig na tubig. Pilit naman siyang kumakawala mula sa pagkakatali habang wala pa ang killer. Hindi naman siya makasigaw dahil naka-duct tape kaniyang bibig.

Sina Mae at Rae naman ay walang tigil sa pag iyak dahil sa takot. Ni hindi na nga nila magawang piliting makawala man lang dahil pinangungunahan sila ng takot. Mas pinipili na lang nilang hintayin ang kanilang kamatayan.

"Himala, Erica, ikaw lang ang hindi natatakot sa inyong apat!" wika ng killer pagkaharap niya sa kanila. Suot niya pa rin ang itim na cloak niya at maskarang kulay pilak.

Gustuhin mang murahin ni Erica ang killer, subalit hindi niya magawa dahil naka-duct tape rin ang bibig niya. Matalim na tingin na lamang ang iginanti niya sa killer—hindi niya na inisip pa ang maaaring kapahamakang haharapin niya.

"Hindi naman sana kayo mapapatay kaagad kung hindi dahil sa ginawa nina Mariel. Alam kong may ginagawa silang hakbang laban sa akin!" puno ng poot na saad ng killer. "Ibalik niyo ang lola ko!"

Napasinok pa sa gulat si Rae nang biglang sumigaw ang killer. Akala niya ay 'yon lang ang magpapagulat sa kanila sa oras na iyon, subalit nagkamali sila. Mas nasurpresa sila nang tanggalin ng killer ang kaniyang maskara.

Tila ba bumagal ang pagtakbo ng oras at pag-ikot ng mundo habang isinisiwalat ng killer ang totoong mukha sa likod ng maskara; ang totoong salarin sa likod ng madugong patayan.

"Hindi niyo inaasahan, ano? Minsan kasi 'yong mga inaakala niyo ay malayo sa reyalidad. Ang totoong ako ay taliwas sa pinaniniwalaan niyo." Sa pagkakataong iyon ay mahinahon ang pagsasalita ng killer. Matalim pa rin ang tingin sa kaniya ni Erica, subalit nginisian niya lang ang kaniyang kaklase.

Naglakad siya papalapit sa mesa, at kinuha niya ang baril na nakalapag doon at itinutok sa noo ni Mae. Awtomatikong napapikit si Mae at napalunok. Iling lang naman nang iling sina Mich at Rae dahil ayaw pa nilang mamatay pati ang kanilang kaibigan.

"Huwag kayong mag-alala dahil hindi na kayo maghihirap pa. Sa isang putok lang ng baril, wala na kayong ibang sakit na mararamdaman pa dahil siguradong susunod na kayo kaagad sa mga namatay nating kaklase," sabi pa ng killer, at mas inilapit pa niya ang baril sa noo ni Mae.

Patuloy pa rin naman sa pag-iling si Mich kaya mas lalong napangisi ang killer. Tinanggal niya ang duct tape sa bibig ni Mich, subalit inilipat niya sa kaniya ang pagkakatutok ng baril.

"P-Please... wala akong alam na kasalanan namin sa'yo... huwag m-mo kaming idamay rito," pagsusumamo ni Mich sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.

Hindi naman nakaimik ang killer dahil may punto ang kaniyang kaklase. Noong pinahirapan at na-bully siya noon, hindi nakisali sina Mae, Mich, at Rae. Hindi sila naging kagaya ng kanilang mga kaklaseng mapang-alipusta.

"A-Alam mo iyan. Hindi kami nakisali sa kanila noon," dagdag pa ni Mich.

"Pero hindi ikaw ang masusunod dito! Magiging sagabal kayo sa plano ko!" pagtutol ng killer, at walang pag-aalinlangan niyang ipinutok sa noo ni Mae ang baril. Nagtalsikan ang maraming dugo, at napasigaw naman si Mich.

"Tama na! Huwag mo na kaming patayin, please!"

Hindi siya nakinig. Sunod niyang itinutok ang baril kay Rae, at agad na pinasabog ang ulo ng kaniyang kaklase, kaya naman mas lalong napasigaw si Mich. Mabibigat naman na hininga ang pinakawalan ni Erica habang matalim pa rin ang kaniyang tingin sa killer.

✓Evil's Bloody RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon