Chapter 15

181 32 1
                                    

MADALING araw pa lang ay gising na si Eliana, hindi pa sumisikat ang araw sa mga oras na iyon. Sa katunayan, siya ang unang nagising sa kanila. Napahikab siya at nag-inat, at tatayo na sana siya, ngunit may muntika na siyang naapakan.

Marahan niyang sinipa ang likod ni Tina. "Haharang-harang, eh!"

Agad namang napabangon si Tina, at sinamaan ng tingin si Eliana. "Ano ba, Eliana?! Wala akong ginagawa sa'yo!" Sa paninigaw ni Tina, hinila tuloy ni Eliana ang buhok niyang magulo pa.

"Aray! Tama na, Eliana!" sigaw ni Tina, kaya nagising na rin ang iba nilang mga kaklase.

Walang nagtangkang umawat dahil ayaw nilang madamay sa galit ni Eliana. Enjoy lang naman sa panonood sina Mariel nang biglang tumayo si Fred upang umawat.

"Bitiwan mo nga siya, Eliana! Hindi ka ba napapagod sa kaaaway mo sa amin?" litanya niya, at hinila si Tina upang makawala kay Eliana.

"Nanggigigil ako sa inyong lahat! Ang sarap niyong ilibing ng buhay!" Hindi naman na napigilan pa ni Eliana ang inis niya, kaya napatingin ang mga kaklase niya sa kaniya.

"Papatayin mo kami? Siguro ikaw ang killer, ano?" sumbat sa kaniya ni Fred. Sa narinig niyang iyon ay muli na namang nagpanting ang mga tainga niya.

"Kung ako man ang killer, eh 'di dapat ikaw na ang una kong binura!" panunupalpal niya. Hindi naman na nakaimik pa si Fred, subalit masama pa rin ang tingin niya kay Eliana.

Inis na lumapit kina Geam si Fred habang nakabusangot; tila pinagsakluban ng langit at lupa ang hitsura niya.

"Nice scene, huh?" natatawang saad ni Geam, ngunit mayamaya ay may narinig silang mga nag-tilian.

"Ano na naman ba iyan?" nakasimangot na tanong ni Joanne. Napatingin sila sa gawi ng sumigaw, malapit sa hagdan pababang first floor, at halos mabaliktad ang sikmura nila sa kanilang nasaksihan.

Bangkay nina Chad, Jhun, at Mark ang bumungad sa kanila. Mas lalo silang nasindak dahil sa kalunos-lunos na nangyari sa mga braso at kamay ng tatlo nilang kaklase. Pare-pareho kasing nalaslas na ang balat.

Nagsiiyakan ang mga magkakaklase. Apat na araw pa lang ang nakalilipas pero walong kaklase na nila ang nabura. Dalawang guro na rin ang patay. Ang ipinagtataka nga lang nila ay kung nasaan si Ma'am Kate.

Ang dapat sanang masayang class reunion ay napalitan ng takot at hinagpis dahil sa madudugong patayan. Idagdag pa ang mga bangayan na dulot ng limang magkakaibigang sina Mariel, Eliana, Joanne, Geam, at Leianne.

"Ayoko na tumakas na tayo!" umiiyak na saad ni Jenn, ngunit paano sila tatakas kung wala silang sasakyan?

"S-Subukan nga ninyong tignan 'yong mga paintings sa taas," suhestyon ni Erica na namumula ang mga mata dahil malapit na kaibigan niya sina Chad, Mark, at Jhun.

Itinaas naman ni Carl ang kamay niya, sabay sabi nang buong tapang, "Ako na ang titingin, kaya ko ang sarili ko. Isa pa, hindi ako takot na mamatay." Napataas naman ang kilay ni Leianne.

Habang wala pa si Carl ay tanging iyakan lamang ang namayani sa apat na sulok ng sala. Nabawasan na naman sila, at hindi pa nila nalalaman kung sino ang salarin. Hangga't hindi nila nalalaman kung sino ang killer, siguradong mauubos sila, at wala ni isa ang makakaligtas.

Ilang saglit lamang, ang malalakas na iyak nila ay nasapawan ng mga malalakas na yabag ni Carl mula sa dulo ng second floor sa kabilang hallway.

"M-May nakasulat na '6' sa portrait ni Chad. T-Tapos '7' k-kay Mark, a-at '8' kay Jhun. Lahat iyon ay ginamitan ng dugo," agad niyang wika. Napatigil naman sa pag-iyak ang mga kaklase nila.

✓Evil's Bloody RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon