Chapter 39

172 28 6
                                    

KUSANG bumukas ang mga mata ni Mariel nang maramdaman niya ang paggapang ng mangilan-ngilang mga langgam sa kaniyang binti. Mayroon din sa kaniyang braso at mukha. Ang mga maliliit na paa ng mga langgam ay kumikiliti sa kaniyang balat, subalit napapalitan din lang iyon ng hapdi sa tuwing kinakagat siya ng mga ito.

Nang luminaw ang kaniyang paningin ay tumabad sa kaniyang ang kalangitan. Napapanood niya tuloy ang pagkutitap ng mga bituin. Natatakpan naman ng ulap ang buwan. Doon niya napagtantong nakahiga pala siya isang malaking bato, kung saan ang ibabaw nito ay patag at makinis. Sinubukan niyang bumangon, subalit nakatali pala ang kaniyang mga kamay at paa. Ang kabilang dulo naman ng mga tali ay nakaipit sa ilalim ng batong hinihigaan niya. Kaya naman kahit buong lakas siyang magpupumiglas ay hindi pa rin niya mahila ang mga tali.

Damang-dama niya rin ang pagkirot ng kaniyang ulo na tila binibiyak ng martilyo. Dulot na rin iyon ng pagkakatama ng kaniyang ulo sa bato kanina.

"Mabuti at gising ka na; mauumpisahan na ni Lola Lucia ang ritwal." Napatingin siya sa kaniyang paanan. Doon ay nakita niya si Geam na nakatayo habang suot ang malawak na ngisi.

Iginala na lamang ni Mariel ang kaniyang tingin. May apoy na ang mga sulong nakatali sa mga punong nakapalibot sa kanila. Halos lumabas naman ang kaniyang puso dahil sa gulat nang masulyapan niya ang bagay na malapit sa kaniyang uluan: isang napakaling kulay itim na rebulto ng isang nilalang na may dalawang mahahabang sungay. Kahawig iyon ng rebultong isinunog nila noon!

Napapikit na lamang siya habang naghahabol ng hininga dahil sa pagkagulat kanina. Nang imulat niyang muli ang kaniyang mga mata ay napagtanto niyang hindi iyon ang lugar na pinagtalian sa kanila kanina bago niya tinangkang tumakas. Wala rin sina Ced, Ma'am Kate, Leainne, at Carl doon. Mas lalong kumabog nang malakas ang kaniyang puso nang maalala niya kung ano ang puwedeng gawin ni Carl sa kanila.

"Please, Geam, pakawalan mo na ako... pakawalan mo na kami," pagsamo ni Mariel. Mangiyak-ngiyak na rin ang kaniyang boses, at kung kanina ay nag-aapoy ang kaniyang galit sa puso, ngayon naman ay unti-unti nang naaapula ang apoy dahil sa mga luha ng kaniyang paghihinagpis at takot.

"Nagpapatawa ka ba, Mariel? Bakit naman kita pakakawalan? Isa pa, malapit na kaming magtagumpay ni lola sa oras na maialay na namin ang dugo at laman mo," tugon naman ni Geam kaya mas bumilis ang pagragasa ng kaniyang mga luha.

"I-Itinuring kitang matalik na kaibigan at tunay na kapatid..." sambit niya.

"Hindi iyon ang kailangan ko! Kailanman ay hindi ko iyon hiniling sa iyo!" sumbat ni Geam at inilapit ang kaniyang sarili kay Mariel.

Napakagat naman si Mariel sa kaniyang pang-ibabang labi. "Oo, hindi mo iyon hiniling dahil ginusto ko iyon. Kusang ibinibigay ang pagmamahal bilang kaibigan, Geam. Kusa kong ibinigay sa iyo iyon."

Sa pagkakataong iyon ay saglit na hindi nakaimik si Geam. Nag-iinit din ang sulok ng kaniyang mga mata, at nagbabadiya ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Napatingala na lamang siya sa kalangitan upang pigilan ang pagtulo n'on.

"Patawad, pero kailangan kong gawin ito. Kailangan kong tapusin ang sinimulan ko para sa ikapapayapa ng damdamin ko. Kailangan naming magtagumpay ni lola—"

"—sa tingin mo ba tunay kang mapapayapa pagkatapos nito?" pinutol naman ni Mairel ang sinasabi ni Geam. "Mapapanatag ka ba gayong pinatay mo sina Eliana at Joanne? Gaya ko ay itinuring ka rin nilang kapatid! Geam, please, pag-isipan mo nang maigi ang mga gagawin mo!"

Naikuyom ni Geam ang kaniyang mga kamao at tuluyang rumagasa ang kaniyang mga luha. "Hindi ko alam! Hindi ko alam! Hindi ko alam!" paulit-ulit niyang sigaw na tila nawawala na sa sariling katinuan.

✓Evil's Bloody RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon