ISINASAYAW ng malakas na hangin ang mga sanga ng puno, at nagsisilaglagan ang mga dahon mula sa puno ng akasya. Namamasa na rin ang damuhan dahil sa hamog. Dinig na dinig din ang alon sa dagat na sinasabayan ng ihip ng hangin.
Tirik na tirik ang bilog na buwan, at mas nagliliwanag ang gabi dahil sa laki at liwanag nito. Bahagya namang napaungol si Mariel nang maalimpungatan siya dahil sa malamig na hangin na humahaplos sa buong katawan niya. Nanunuyo na rin ang kaniyang bibig pati ang kaniyang lalamunan.
"N-Nasaan... ako?" Halos hindi niya masambit ang mga katagang iyon dahil sa panunuyo ng kaniyang lalamunan. Hindi niya naman maigalaw ang kaniyang mga kamay, pati ang kaniyang katawan, dahil mahigpit ang pagkakatali sa kanya.
Nang luminaw na ang kaniyang paningin ay agad siyang napatingin sa kaniyang katawan. Nakatali na siya sa isang puno, at nang igala niya ang kaniyang mga mata ay tumambad sa kaniya ang tatlo pa niyang kaibigang nakatali rin sa puno. Ang kaibahan nga lang, may naka-duct tape ang kanilang bibig, samantalang siya ay hindi.
Nagtama ang tingin nila ni Joanne na lumuluha. Si Eliana ay pilit na kumakawala sa pagkakatali, samantalang si Leianne ay nakatulala lamang sa kawalan.
"Patawarin niyo ako..." bulong ni Mariel, at tuluyan nan gang tumulo ang kaniyang mga luha.
Wala siyang magawa dahil mahigpit ang pagkakatali sa kaniya sa puno. Namamanhid na nga rin ang kaniyang mga braso at binti. Isa lamang ang natitiyak niya—nasa kagubatan sila. Napatulala na lamang siya sa isa sa mga sulong nagliliwanag dahil sa apoy na nakasindi rito.
Ilang saglit lamang ay huminga siya nang malalim, at isinigaw niya, "TULONG! TULUNGAN NIYO KAMI!"
Paulit-ulit niyang isinisigaw iyon, subalit tila walang nakakarinig sa kaniya. Nakita niya namang iling nang iling sina Eliana at Joanne na tila ba pinapatigil siya. Wala siyang nagawa kundi tumigil sa pagsigaw at lumuha.
"Kumpleto na pala tayo." Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita niya ang taong nakasuot nang itim na cloak at silver na maskara na papalapit sa kanila. May hawak pa siyang kutsilyong nangingislap.
Tinanggal naman ng taong iyon ang kaniyang maskara. Pagkatanggal niya n'on ay mas lalong kumawala ang mga luha ni Mariel.
"G-Geam..." sambit niya, kaya napangisi nang malawak si Geam at ihinagis sa gilid ang kaniyang maskara. Nabiyak naman iyon nang tumama sa bato.
"Ako nga ito! Mabuti't nalaman niyo na!" nakangiti pang tugon ni Geam na sinabayan niya pa ng palakpak.
Hindi naman nakaimik si Mariel dahil sa sunod-sunod na paghikbi niya. Umaapaw ang galit sa kaniyang puso, subalit mas dinadaig iyon ng pagkadismaya at paghihinagpis. Hindi niya kasi akalaing ang pinakamalapit na kaibigan niya ang gagawa n'on sa kanila.
Sa likod ng kaniyang maaamong ngiti sa kaniya—sa kanila, may karumal-dumal na plano pala siyang binabalak. Hindi niya lubusang maisip na si Geam pala ang killer na hinahanap niya. Siya pala ang taong may labis nag alit at naghihiganti.
Wala siyang ideya na si Geam pala ang kaklase nila noon na labis na dumanas ng paghihirap kaya't naghihiganti. Si Geam pala ang pinagdusa noon ni Ma'am Kate kaya naging miserable ang kaniyang buhay.
Gusto niyang maawa sa kaniyang matalik na kaibigan dahil sa nangyari sa kaniya noon, subalit hindi niya magawa dahil hindi pa rin mababago ang katotohanang ang kaibigan niya ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay.
"Wala ka bang sasabihin?" tanong ni Geam kaya napalunok siya.
"Hindi mo naman kailangang humantong sa ganito, Geam," pagtangis ni Mariel. "Lalo kami, bakit mo kami kailangang idamay rito? Noong mga panahong ginawa nila iyon sa'yo, hindi ka pa namin kaklase. At saka, minahal ka naming na parang isang kapatid."
BINABASA MO ANG
✓Evil's Bloody Revenge
Mystery / ThrillerIsang lumang invitation ang natagpuan ni Mariel, at iba pa niyang mga kaklase, sa loob ng frame ng portrait na ibinigay sa kanila ng isa sa mga kaklase nila. Pagkatapos ng limang taon, dahil sa imbitasyon na iyon, nagkaroon sila ng class reunion sa...