Tahanan.

58 2 0
                                    

Simula nang mamulat sa mundo
Dito sa apat na sulok nitong payak na kwadrado.
Dito nagsimulang matuto
umibig ng wagas at totoo.

Itong aming mumunting tahanan
nagsisilbing kanlungan ng pito ko pang kapatid sa piling ng aming mga magulang.
Salat man sa nakagisnang karangyaan
Nag-uumapaw naman ang wagas na pagmamahalan.

Minsan ay mayroong alitan
tampuhan at bangayan.
Mga bagay na hindi mapagkasunduan.
Subalit ang maghapong walang kibuan,
Ay mahaba ng patlang
upang gusot ay maayos at mapagusapan.

Sa tuwing sasapit ang agahan, tanghalian o hapunan
Sabay na haharap sa hapagkainan.
Kahit dahon man ng saging ang aming pinggan
Kahit sardinas o tuyo man ang aming madalas na ulam
Kwentuhan at hagalpak na tawanan
Ang nagsisilbing panghimagas na malinamnam.

Ngunit...
buhay ay sadyang nagbabago.
Kasabay ng pagikot nitong mundo
sarili ay sadyang may inahanap at hindi makuntento.

Payak na pamumuhay ay iniwan.
Nakipagsapalaran sa ibang bayan
namuhay ng mag-isa
sinupil ang sariling kalungkutan.
Maging ang nadaramang pangungulila
Upang makamit ang pansariling kaligayahan.

Nagpakalunod sa trabaho
Nakipagsabayan sa bawat pitik nitong relo
Inalintana ang puyat matang namumugto
Hanggang isang karamdamang malubha sa katawang hapo
ay dumapo.

At ngayon,
pagkalipas ng limang taon.
Sariling mga paa'y muling naiapak sa aming Nayon.
Sa lugar na kinatitirikan ng aming payak na tahanan noon.

Subalit...
akin na lamang nadatnan ay apat na posteng tupok ng uling.
At siyam na krus na nahagip ng aking paningin.

"Inang? Itang?"

Garalgal kong boses habang yakap ang sariling katawan
Kasabay ng mga luhang masaganang umaagos at nag-uunahan.

Ang masayang salo-salo at tawanan
mga asaran at kulitan
Mahigpit na yakap ni Inang at Itang
ay magsisilbing alaala na lamang.
Kasabay ng aking pagkalugmok sa putikan
ang paisa-isang hinanga ng pamamaalam.

"Nariyan na ako, Inang, Itang. Magkakasama na tayong muli, kagaya noon. Sa mga bisig ninyo, ang aking mansyon."

Munting Tinig (Mga Tula At Alingawngaw)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon