Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Song used : In the arms of an Angel by Sarah McLachlan
***
Nanunuot sa katawan ang lamig, sa gitna ng pusikit na gabi. Isipa'y puno ng ligalig, hindi mapakali. Tila diwa ay hinihigop ng pwersang gawa ng uniberso. Isang itim na butas pabalik sa nakaraan ko, Sa nakaraan kung saan ay meron pang tayo. Pabalik sa panahong kapiling ka, sinta. Magkahawak-kamay tayong dalawa, habang nakangiting inaabot ang langit - niyayapos ang naglalakihang ulap. Magkasama - magkayakap. Ungol at daing nating mga liriko ng isang matamis na sonata. Indayog na kailanman ay mananatiling sa 'yo lamang, sinta. Mainit na halik na alay lamang sa isa't-isa, hanggang sa gabi ay maging ganap na umaga.
Subalit, ang lahat ay nahulog sa isang masamang panaginip. Na sa isang banayad na pag-ihip, wala ka na. At ang ikaw, sinta, ay mabubuhay na lamang sa isang alaala. Sa likod ng mariin na pagkakapikit, bumulusok ang luhang walang kasing pait. Mga luha na akala ko ay hindi na muling babalisbis, sapagkat natuyot na dala ng araw-araw na pagtangis. Paanong ang salamisim ng pag-ibig mo, na dati ay bumubuhay sa bawat patak ng aking dugo; ngayo'y nagsisilbing punyal na humihiwa sa bawat himaymay ng aking pagkatao?
Sinta, upos na upos na ako - hapong-hapo. Sa mundo ng kadilima'y iahon mo. Muli mong hawakan ang mga kamay ko, ating muling abutin ang langit - ang mga ulap. Labis ko ng hinahanap-hanap ang higpit ng iyong yakap. Ang iyong tinig na isang matamis na sonata sa aking tenga. Madamang muli ang init ng iyong mga halik na nagsisilbing aking ligaya. Hindi etong mainit na mga luha, na walang sawang umaagos mula sa aking mga mata.