Chapter One

6.6K 191 8
                                    

MAY fifteen minutes nang naka-park ang sasakyan ni Junie sa tapat ng dating tinitirhan sa Project 4 pero hindi pa rin siya bumababa. Katabi lang ng dati nilang bahay ang bahay nina Dallas, ang childhood bestfriend niya at kuya ni Nevada. Mas gumanda ang bahay nina Dallas ngayon kumpara noon dahil na-renovate at bagong pintura. Puti ang kulay ng bahay, itim naman ang bubong at gate. Samantalang ang dati nilang bahay ay na-convert na into a two-storey apartment na may ilang pinto.

Anong sasabihin ko? Hahanapin ko ba si Nevada? He really didn't know what to say, lalo pa at alam niyang bwisit sa kanya si Nevada noong mga bata pa sila.

Kinder pa lang siya ay kalaro na niya si Dallas. They were the same age and loved the same things- from cartoons, superhero movies, robots, toy planes, cars, swords, comics and things that little boys go crazy about. Classmates din sila sa isang Catholic school at iisa lang din ang sinasakyang school service kaya lagi talaga silang magkasama. Dahilan para mainggit ang bunsong kapatid ni Dallas.

Two years younger sa kanila si Nevada and trying hard ito noon na sumama sa kanila. He remembered how badly she wanted to be a part of their team and be 'one of the boys.' But Dallas didn't want to include his little sister dahil iba daw ang gusto ni Nevada. She would encourage them to join her in playing with her dolls, ayusan yun at bihisan ng iba't ibang damit. Muntik nang sunugin ni Dallas ang mga dolls ng kapatid.

Madalas asarin noon ni Dallas ang kapatid. Chubby kasi si Nevada at madaling umiyak. At dahil bestfriend siya ni Dallas, kung minsan ay kasali siya sa pang-aasar nito sa kapatid. Hindi naman magawang magalit ni Nevada sa kuya niya kaya siya ang madalas ding awayin ng batang babae.

Habang tinitingnan ni Junie ang kalyeng kinalakihan ay marami pang good and funny memories ang bumalik sa kanya.

Tulad noong panahong natuto silang mag-bike ni Dallas. Halos ayaw na nilang pumasok sa bahay because it felt good to ride a bike. Hindi halos dinadaanan ng sasakyan ang kalye nila kaya medyo safe. Kung hindi pa sila tinakot ng mga parents nila na ipapadampot sa tanod ay hindi pa sila papasok.

Sa kalye ding yun sila laging naglalaro noon ni Dallas ng kani-kanilang lightsaber dahil pareho silang mahilig sa Star Wars at feeling nila ay mga jedi sila. Doon din ang natatandaan niyang pinakamalakas na iyak ni Nevada dahil gusto ring sumali sa kanila at maging jedi pero binansagan ito ni Dallas ng pangalang Chewbacca!

Halos maiyak sa kakatawa sa loob ng kotse si Junie dahil sa huling naalala. Ngayon lang niya na-realize kung gaano niya na-miss ang dating neighborhood.

We shouldn't have left this place, naisip niya. Nakaramdam siya ng magkahalong tuwa at panghihinayang ng mga oras na yun.

Then he remembered that it was his father's decision. Taga-Davao ang father niya na isang dentista at mas ginusto nitong doon na magbukas ng dental clinic at mamuhay kasama ang pamilya. Pinatapos lang siya ng elementary sa Maynila saka sila lumipat sa Davao. Doon na din siya nag-high school at nang mag-college ay kumuha ng exam sa PMA.

Nang makapasa at makapasok sa military academy ay nagbago na ang buhay niya. It was all about survival and training. Pati tuloy ang girlfriend niya noon na si Genalyn ay iniwan siya at nagpakasal sa iba. Hindi daw nito kaya ang long distance relationship at ang maghintay ng matagal.


Noong nasa PMA siya ay nagkita uli sila ni Dallas. Nagbakasyon kasi ito sa Baguio kasama ang mga barkada. Pero ni anino ni Nevada ay hindi niya nakita. Hindi rin naman siya nagtanong dahil nawala sa isip niya. Besides, naka-focus talaga siya sa pag-aaral dahil gusto niyang makatapos para maging piloto. After PMA ay nagtraining siya sa Batangas para maging pilot at ipinadala agad sa Mindanao where he stayed for six years.

Nakakapunta lang siya sa Luzon kapag may aasikasuhing papeles or kapag may ikinakasal na mistah pero two to three days lang ang itinatagal niya. Kaya ngayon lang talaga siya nagkaroon ng oras na balikan ang lugar kung saan siya nanirahan noon.

"JUNIE? Ikaw na si Junie?!" Hindi makapaniwalang tanong ni Mrs Valentina Manzanares nang makita siya nito sa sala. Nilapitan pa siya ng may-edad na babae saka niyakap.

"Ako nga po tita," tila nahihiyang sagot niya.

"Nung sabihin sa akin ng maid may naghahanap kay Nevada, I thought dati niyang kaklase. But when I heard your name--" tiningnan pa siyang mabuti ni Mrs Manzanares. "Alam kong ikaw ang childhood bestfriend ni Dallas. My God. Antagal na din nang huli kitang makita!"

"Grade school graduation po."

"Bakit ngayon ka lang nakadalaw? Saan ka na ngayon naka-base? Ang parents mo, kumusta?" Hinawakan siya ni Mrs Manzanares at iginiya papuntang dining room saka pinaupo.

"Nung lumipat po kasi kami ng Davao ay hindi na kami nakabalik ng Maynila. Pero dito na po ako ngayon naka-base. Nasa Davao naman po ang parents ko."

Nakita niyang sumenyas muna si Mrs Manzanares sa maid na agad na naghain ng plato, kubyertos at baso. Mayamaya ay naglagay naman ito ng chicken macaroni salad, lumpiang shanghai, black forest cake saka juice.

"Anong trabaho mo, Junie? "

Si Mrs Manzanares na mismo ang naglagay ng macaroni salad at lumpiang shanghai sa plato niya. Napangiti siya dahil hindi pa rin nagbabago ang babae. Mahilig pa rin itong magpakain gaya noon. Kaya gustong gusto niyang tumatambay sa bahay nina Dallas dahil laging maraming pagkain. Hindi naman siya ginugutom noon ng sariling ina- iba lang talaga ang mga pagkain kina Dallas! Parang laging pang restaurant!

"Saka saan ka nga pala nag-aral at anong tinapos mo?" tanong pa uli ni Mrs Manzanares. "Pasensiya ka na ha, wala na kasi akong naging balita sa'yo kaya andami kong gustong malaman."

"Pumasok po ako sa PMA. Combat pilot po ako ngayon sa Philippine Air Force."

"Wow! Bigatin!" Nakita niyang genuine ang tuwa ni Mrs Manzanares. "I'm happy and proud sa naabot mo. Akalain mo... dati ay pakalat-kalat lang kayo ni Dallas sa garden. Ngayon ay combat pilot ka na pala."

He didn't know what to say kaya napangiti na lang siya.

"Sayang at wala dito si Dallas. Tiyak na matutuwa yun."

"Kelan po ba ang uwi niya?"

"Baka sa Christmas pa. Nandito siya three months ago e."

"Si ano po.... si Nevada?" He tried his best to sound casual. "Kumusta na po siya?"

"Okay naman siya. Sayang nga at wala dito. May sarili na kasing condo kaya weekend lang kung umuwi dito."

It was only Wednesday. Wala siyang lipad at eksaktong may inasikaso sa Camp Aguinaldo kaya nagkaroon siya ng chance na pumunta sa Project 4 nang araw na yun.

"Sa weekend po ba, nandito siya?"

"Malamang. Pero minsan kasi may out of town yun or minsan out of the country. Very busy siya sa career niya."

"A-ano po bang trabaho niya?" He wanted to make sure.

"Hay naku. Showbiz! Stylist siya ng kung sinu-sinong artista!" Sinundan pa yun ni Mrs Manzanares ng mahinang tawa. "Kain ka lang ha?"

Tumango-tango siya. "Sana po magkita kami at magkausap," nasabi niya. "I mean... siyempre, for old time's sake."

"Oo nga! Hayaan mo at sasabihin ko sa kanya," sabi ni Mrs Manzanares. "Alam mo, dito ka na lang mag-dinner sa Sabado ng gabi."

"Sige po." Naisip niyang may ilang araw pa siyang mag-ready para sa muli nilang pagkikita ni Nevada.

The Cavaliers: JUNIETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon