Chapter Twenty Four

3.3K 145 16
                                    

NAPANGANGA sina Lester, Zack at Gibi nang ipagtapat ni Junie sa kanila ang pagkakabalikan nina Nevada at Fonzy. Si Garic naman ay galit at gusto nang sugurin si Fonzy para hamunin ng suntukan. Si Timmy naman agad na tinawagan si Baby Girl at sinisi kung bakit hindi daw agad nakarating sa kanila ang info ng pagkakabalikan. Isinumbat pa ni Timmy sa kapatid ang ibinabayad nitong allowance para lang mag-espiya. In short, mas apektado ang mga mistah niya kesa sa kanya!

Nasa barracks silang lahat at kababalik lang niya galing sa Intramuros at sa iba't ibang parte ng Maynila para ipasyal ang mga bisita ni Dallas. Pagpasok niya sa barracks ay agad siyang sinalubong ng mga mistah. Daig pa niya ang criminal na under interrogation sa sunud-sunod na mga tanong at sumbat ng mga mistah!

"Anim na araw. Anim na araw kaming walang kaalam-alam sa nangyayari!" himutok ni Lester nang makabawi sa balita niya. "Kaya pala kinabahan na ako na tahimik ka."

"Kung di pa namin nakitang naka-tag ka sa mga FB posts, di ka pala magsasabi?" Halatang masama ang loob ni Zack. "Paano mo nagawang maglihim sa amin, bok?"

"Oo nga. Di ba sama-sama tayo sa hirap at ginhawa?" ani Gibi na hindi din nakatiis. "Bakit di mo man lang sinabi sa amin yung nangyari?"

"Akala ko pa nung una baka hindi ikaw yung naka-tag sa pictures nung lumabas sa newsfeed ko kasi mga Amerikana ang kasama... yun pala..." si Zack uli.

"Ginayuma ba ng Fonzy na yun si Vee?" tanong ni Timmy. "May kilala yung kapitbahay namin na marunong magtawas at manggamot!"

Napangiti siya out of amusement sa iba't ibang reaction ng mga mistah. "Sorry mga bok kung di na muna ako nagsabi sa inyo. Nakakahiya na rin kasi. Nadamay na kayo't lahat. Alam kong grabe ang mga naging effort ninyo tapos ganito din pala ang mangyayari."

"Walang nakakahiya dun!" sagot ni Garic. "Kelan ba tayo naglaglagan? Di ba simula nung mga kadete pa tayo, nangako na tayo na dadamayan ang isa't isa kahit anong mangyari."

"Ang hindi ko matanggap ay yung nakipagbalikan si Vee dun kay Fonzy," si Lester uli. "Hindi ba niya naisip na maldita yung nanay nun? Kung anu-ano ang sinabi tungkol sa kanya sa media. Napanood ko kaya lahat yun sa showbiz balita!"

"Hayaan na lang muna natin si Nevada... I mean si Vee," wika niya sa mga mistah. "Ang sabi niya sa akin, alam niya kung ano ang pinasok niya. Aware din siyang sugal ang lahat at puwede siyang matalo pero paninindigan daw niya."

Nasasaktan pa din siya tuwing maiisip yung sinabing yun sa kanya ni Nevada pero wala siyang choice kundi tanggapin.

"Ano ba yan. Hindi ko matanggap na ganun-ganun lang bok," sabad ni Timmy. "Parang give up na, ganun ba?"

"Alangan namang pilitin ko pa? Ayoko namang magmukhang pathetic sa harap niya."

Mas lalong hindi niya gugustuhing pagtawanan siya ni Fonzy kapag naghabol pa siya.

"Akala ko ba susuka pero hindi susuko?" paalala ni Garic. "Never say die, bok. Di ba?"

"Bakit di tayo gumawa uli ng strategy?" suhestiyon ni Lester.

"Hay naku, puro kayo strategy. Plano kayo ng plano tapos palpak." Napatingin silang lahat kay Mags na ngayon lang sumabad. Kanina pa ito nakaupo at nakikinig lang sa kanila. "Minsan kasi tingnan nyo ang sitwasyon sa ibang anggulo para mas maliwanagan kayo."

"What do you mean?" tanong niya sa babaeng mistah.

"Di kasi kayo nagbabasa ng mga chick lit," ani Mags.

"Ano yun?" tanong ni Gibi na kumunot ang noo.

"Chick literature," sagot ng babae sabay roll ng eye balls. "Di nyo man lang naisip ang point of view ni Vee, kung bakit tinanggap niya uli si Fonzy."

Nanatili silang nakatanga lahat kay Mags, tila lahat ay naghihintay sa susunod nitong sasabihin.

"Di ba ang huling nangyari bago sila nagkabalikan ni Fonzy ay sinabihan nyo siyang binabalikan ng ex niya itong si Junie?" tiningnan silang lahat ni Mags. Biglang napatakip ng bibig si Lester. "Ibig sabihin, malamang na nasaktan yun kasi!"

"So nagselos siya, ganun?" tanong ni Zack.

"Natural," sagot ni Mags. "Matapos niyang pumunta dito sa kampo para kausapin sana itong si Junie, maaabutan niyang may ka-holding hands? Aba, kung ako yun, magpapaulan na ako ng granada no!"

"Nagselos lang, bumalik na dun sa ex na ungas?" nakaismid na wika ni Garic. High-blood pa rin ito.

"Alam nyo kasi guys, iba na ang panahon ngayon. Di na uso ang martir! Ang mga nababasa ko nga lately na kapag nahuli daw ng gf ang bf or asawa- 'Don't get mad. Get even.'

"ANO??!!" Halos sabay-sabay na bulalas ng mga mistah niya.

Napangisi si Mags sa kanila. "Kaya kung akala nyo na uso pa ang mga umiiyak at mga babaeng naghihintay na balikan matapos lokohin ng mga jowa, nagkakamali kayo."

"Get even din bok!" wika ni Garic. "Ano, siya lang?"

"Tama lang din palang nakipagdate ka sa Amerikana," ani Lester.

"Di ba may pictorial pa kayo para sa billboard?" tanong ni Zack. Tumango siya.

Nakatanggap na siya ng tawag from Shane at sinabi sa kanya na naka-set na ang photo shoot niya with the clothing brand sa weekend. Ibig sabihin ay may three days pa siya to prepare.

"Dalhin mo yung Addison sa photo shoot nyo bok!" pahayag ni Gibi. "Para pag nakita ni Vee na sweet-sweetan kayo, maisip niya kung ano ang pinakawalan niya. Pagselosin mo na ng todo baka sakaling magising!"

Natawa siya. "Alam ko babalik na din sila nina Dallas sa states this Friday."

Saglit na natahimik ang lahat. Kanya-kanyang tingin sa cellphone ng mga puwedeng kontakin.

"Ikaw na lang ang sumama sa pictorial ni Junie, Mags," suhestiyon ni Timmy. "Basta mag-ayos ka naman at magpaganda."

Napatingin silang lahat kay Mags. Pinagbabato sila ni Mags ng Boy Bawang na kinakain nito.

"Mga tarantado kayo. Bakit sa akin na naman ang bagsak ng plano ninyo?"

"E ikaw lang ang technically ay babae dito no!" sagot ni Lester. "Hindi naman kami pagseselosan kapag tumabi kami kay Junie e."

"Come to think of it," wika ni Zack saka hinawakan pa nito si Mags sa magkabilang balikat at sinipat-sipat. "May itsura ka naman Mags. Kailangan lang magpa-salon ka."

"Magpa-rebond ka kaya? Yun ang ginawa ni Baby Girl sa buhok niya para umunat," ani Timmy.

"Magpa-facial ka na din para pumuti puti ka," ani Gibi.

"Magsuot ka din ng medyo sexy naman na damit, huwag puro tshirt at maong. Kaya ka napagkakamalang lalake e--" Biglang sinuntok ni Mags sa sikmura si Zack.

"Putragis kayo. Dinadamay nyo na nga ako sa mga plano nyo, nilait lait nyo pa ako!" Humakbang na si Mags at akmang aalis.

"Mag-aambangan kami ng tig-2000 pesos para sa make-over mo," wika ni Lester.

"Kesa naman kumuha pa kami at magbayad ng ibang tao para sumama kay Junie. E di ikaw na nga," sang-ayon din si Zack. "Saka ilan kami o!"

"Eto na ang ambag ko," agad na iniabot ni Garic ang dalawang libong piso.

Mabilis namang kinuha yun ni Mags. "Akina lahat ng ambag nyo at ayokong mag-abono, mga leche kayo!"

Agad namang tumalima ang lahat ng naroroon. Pati siya ay nag-abot ng pera kay Mags kahit hindi siya sigurado sa bagong plano ng mga mistah.

"Hindi dapat makalabas itong gagawin ko ha. Kapag nachismis ako, humanda kayong lahat," banta sa kanila ni Mags. Tumango sila at itinaas pa ang kanang kamay bilang panunumpa.

Napalunok si Junie. Kumabog ang dibdib niya nang maisip kung ano ang puwedeng mangyari sa weekend!





The Cavaliers: JUNIETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon