"BAKIT nyo sinabing nakikipagbalikan sakin si Genalyn?" Hindi makapaniwala si Junie nang malaman kung ano ang sinabi ng mga mistah kay Nevada. Kaya pala hindi na niya naabutan ang babae pagbalik niya sa may barracks.
"Hindi ba?" inosenteng tanong ni Zack. "E bakit ka niya pinuntahan dito? Di ba sa Subic pa nakatira yun?"
"Dumalaw lang sa akin yung tao!"
"Dumalaw lang... tapos ka-holding hands mo. Walang malisya?" tanong ni Gibi.
"Wala! Friends lang kami!"
"Ganyan din ang laging sinasabi ng mga artistang ayaw umamin na may jowa sila. Friends lang," nakangisi si Lester. "Kumita na yan bok. Kaya huwag kami. Don't us!"
Natawa siya sa huling sinabi ng mistah. "Sweet lang talaga si Genalyn. Ganun talaga yun kahit sa mga kaibigan."
"Bakit wala akong ganyang kaibigan?" angal ni Zack. "Kapag nahawakan ko ang kamay ng babae, kami na agad."
Napailing na lang siya saka dinukot ang susi ng kotse sa bulsa niya. Akmang hahakbang na siya patungo sa kotse niya nang pigilan siya ni Gibi.
"Teka bok, saan ka pupunta?" Hinawakan pa ng lalake ang kaliwang braso niya.
"Susundan ko si Nevada. Magpapaliwanag ako."
"Huwag bok!" Si Zack naman ang humawak sa kanang braso niya. "Hayaan mo muna siya.
"Hayaan e bigla ngang umalis. Baka nagalit na yun!"
"Di ba good sign yun? Kung nagalit siya, ibig sabihin ay nagselos bok! Therefore, may feelings!" wika ni Gibi.
"Ayokong mag-assume! Saka teka nga, bitawan nyo muna ako---" aniya kina Zack at Gibi na pareho pa ring nakahawak sa magkabilang braso niya. Pilit siyang kumakawala.
Pero imbes na bitawan siya ng dalawa ay lalong humigpit ang hawak ng mga ito- halatang desidido na huwag siyang paalisin. At dumagdag pa si Lester na biglang yumakap sa likod niya!
"Maniwala ka sa amin bok! Eto na yun! This is it! Konting pakipot pa, tiisin mo na! Huwag kang bibigay!" ani Lester.
"Mabibigwasan ko na talaga kayo, hindi ako nagbibiro!" Pero sa loob-loob niya ay natatawa siya sa sitwasyon. Kung bakit naman feeling involved na involved ang mga mistah niya sa lovelife niya! Hindi tuloy niya alam kung matatawa o maiinis!
"What's going on?" Bigla silang nag-freeze nang marinig ang isang boses.
Shocked silang magmi-mistah nang makita kung sino ang nagsalita- walang iba kundi si General Garcia, ang Air Force Commanding General! Nakapang-jogging ito at halatang tumigil lamang. Nakatayo ito sa di kalayuan, kunot ang noo habang nakatingin sa kanila.
"S-sir..." Biglang lumiit ang boses ni Zack na agad bumitiw sa braso niya. Ganun din si Gibi. Naramdaman din niya ang unti-unting pagkalas ni Lester sa pagkakayakap sa kanya.
"Good evening sir," sa wakas ay nasabi niya saka nag-salute. Ganun din ang ginawa ng mga mistah niya.
"P-pasensiya na po sir, nagkakatuwaan lang," narinig niyang wika ni Gibi.
"Do not display such behavior outside the barracks. Kapag may nakakitang civilians sa inyo, baka iba ang isipin nila. Remember that you are all military officers. You are supposed to set a good example and acceptable behavior especially in public."
"Sorry sir," wika ni Lester. Nakita niyang napayuko ang mistah.
Hihingi din sana siya ng sorry pero nakita niyang nakalayo na si General Garcia. Ipinagpatuloy nito ang pag-jogging kasunod ang dalawang sundalo na tumatakbo din.
"Masarap bang masermunan?" tanong ni Mags na lumapit sa kanila. Basa ng pawis ang babae na halatang galing din sa pagtakbo.
Halos sabay-sabay sila nina Zack na napabuntong-hininga. Sigh of relief.
"Lintek, huminto yata ang heartbeat ko nang makita kong nakatayo si General Garcia sa harap ko!" ani Lester. "Bakit ba sa lahat pa ng mapapadaan para mag-jogging dito e si CG pa? Puwede naman sanang yung labandera na lang!"
"Kayo kasi, pinigil-pigilan nyo pa ako! Ayan tuloy," paninisi niya sa mga mistah.
Napahalakhak si Mags na tila natutuwa pa sa nangyari sa kanila. "Yung itsura nyo pa naman kanina parang naghaharutan! Lakas maka-bading!"
"May isyu ka ba sa bading?" tanong ni Gibi. Nawala tuloy ang mga ngiti ni Mags.
"Wala! Sinabi ko lang!" asik ng babae sa kanila. "Sa uli-uli kasi, umayos kayo."
"Dapat kasi palagyan ng barikada yang kalsada nang di madaanan ng mga nagja-jogging!" inis na wika ni Zack habang nakahawak pa rin sa may dibdib. "Sabihan nyo nga ang MP na maglagay ng NO ENTRY dito sa area ng mga barracks!"
"Hindi naman kasi mangyayari 'to kung hindi dahil kay Vee e," wika ni Lester. Binalingan siya nito. "Alam mo bok, grabe na ang sakripisyo namin dahil sa babaeng yan ha. Damay-damay na talaga lahat."
"So paano?" Tiningnan niya ang mistah. "Magsisisihan na ba tayo?"
Inakbayan siya ni Lester. "Ang point ko-- dapat talaga magkatuluyan kayo para hindi masayang ang mga effort namin bok. Para kasing di ko na kakayanin kapag nanligaw ka uli sa iba tapos ganito uli. Baka mag-early retirement na lang ako."
"Oo nga. Kapag naging kayo na talaga, pakasalan mo na!" sang-ayon naman ni Zack.
"Puwede bang sa loob na lang tayo ng barracks magbolahan, baka bumalik si General Garcia at patakbuhin tayo hanggang Jolo, Sulu!" angal ni Gibi.
Kahit papano ay napahalakhak siya sa hirit ng mga mistah. Hindi na siya nagpumilit na umalis para sundan si Nevada. Tama nga siguro ang mga mistah niya na hayaan na muna ang babae. Baka nga nakabuti pa ang pagkrus nila ng landas ni Genalyn.
Sana nga may feelings din siya sa akin.
FEELING naman niya God's gift to women siya? Ni hindi nga siya ganun ka-guwapo!
Nagpupuyos pa rin ang damdamin ni Nevada kahit nakahiga na sa kama. Hindi siya makatulog dahil hindi pa rin kasi nawawala sa utak niya ang nasaksihan kanina sa barracks nina Junie. Daig pa niya ang nakahuli ng cheater na jowa dahil halos isumpa niya sa langit at lupa si Junie.
Ang kapal ng mukhang halik-halikan ako tapos nakikipag-holding hands pala sa ibang babae? Kung hindi lang nakakahiya sa mga kasamahan ni Junie, baka nasapak na niya ang lalake sa mukha!
Ang sarap hampasin ng takong! Naku JUNE MAXIMUS ALFONSO! Pasalamat ka talaga at malakas ang self-control ko! Dapat sayo kinukuryente sa tubig!
Bumangon siya at kumuha ng pineapple juice sa ref para kumalma. Pagbalik niya sa kuwarto ay medyo malamig na ang ulo niya. Gusto na niyang matulog para hindi na ma-stress pero may naalala na naman siya.
Totoo kayang nakipagbalikan yung babaeng yun sa kanya? Ibig sabihin ex niya. Gaano kaya sila katagal? Bakit kaya sila nag-break? Dahil sa mga naisip ay bigla na namang bumangon ang selos sa dibdib niya kahit ayaw niyang aminin sa sarili.
Biglang nag-ring ang phone niya. Akala niya ay si Junie pero pangalan ni Fonzy ang nakalagay sa caller ID.
"Vee? Did I wake you up?"
"No. Why?"
"Sorry, I know this is late. But I just wanted to hear your voice. I miss you, Vee."
Buti pa si Fonzy, naalala akong tawagan. Samantalang ang hayup na Junie, buong araw na dini-deadma ang calls ko!
"Akala ko naman kung ano na." Kahit paano ay napangiti siya.
"Puwede ba tayong lumabas tomorrow?"
Saglit siyang nag-isip. "Sige. Dinner and movie, gusto mo?"
"Of course!" Narinig niyang napa-yes pa sa kabilang linya si Fonzy. "I'll pick you up?"
"Sure. See you tomorrow," aniya.
Hindi lang ikaw ang may ex na bumabalik, Junie! Akala mo ha!
BINABASA MO ANG
The Cavaliers: JUNIE
RomanceThe fly boys are back. Meet Junie, one of the Cavaliers and a member of the Philippine Air Force.