Chapter 14

1.9K 63 4
                                    

CHAPTER 14 – Getting Married

Sinundo ako ni Troy sa Starbucks. Kakalis nga lang niya, tapos bumalik na naman para sa akin. Nahihiya nga ako eh, baka kasi may importanteng lakad rin siya tapos naabala ko pa.

“Ano? Gian Ayala?” tanong nito.

“Oo. Ipapakasal kasi ako sa kanya. Eh, hindi naman pwede kasi nga diba hindi niya ako gusto at may iba siyang mahal. Sinabi niya na umalis na ako at huwag nang magpapakita para hindi ako maikasal sa kanya at para sila ng mahal niya ang maikasal.”

Ikwinento ko sa kanya ang lahat-lahat mula sa pagkamatay ni Mommy hanggang sa pag-uusap namin ni Gian kanina sa cellphone.

“Anong gusto mong gagawin? Aalis ka nga at hindi na magpapakita?”

“Oo. Pero kasi mahal ko na siya eh...” suminghot ako para hindi tumulo ang sipon ko. “Mahal ko siya at hindi ko alam kung anong dapat kong gawin. Dapat ko bang ipagpilitan itong nararamdaman ko sa kanya o dapat ko siyang pakawalan?”

Hindi kumibo si Troy at patuloy lang siya sa pagda-drive.

“Dadalhin kita sa rest house namin. Doon ka nalang muna mag-isip. Pwede ka kahit gaano katagal doon, Janelle. May pagkain, may mga damit at nandoon rin sina Manang Eva na caretaker.” Sabi ni Troy nang makarating kami sa isang liblib na lugar. Hindi ko na napansin kung saan kami papunta dahil wala akong ibang iniisip kundi si Gian.

Nakatingin lang ako sa labas hanggang sa makita ko ang asul na dagat. Inihinto niya ang kotse niya sa tapat ng isang kulay puting bahay na may dalawang palapag. Sa gilid nito at may maliit na bahay kubo at isang duyan.

“We’re here.” Sabi nito habang kinakalas ang seatbelt. “Ang pula ng ilong mo, Janelle. Baka mapagkamalan kang si Rudolf ni James.”

“James?” tanong ko.

“Yung apo ni Manang Eva.” Bumaba siya ng kotse at umikot para pagbuksan ako ng pinto. Ngumiti lang ako sa ginawa niya. Kung sana ay ganito ang pakikitungo ni Gian sa akin, sobrang saya ko na.

“Makakalimutan mo si Gian dito.” Sabi niya habang nakangiti.

Pumasok kami sa loob at ipinakilala niya ako kay Manang Eva, pati na rin sa isang cute na batang si James. Naroon rin pala ang asawa ni Manang Eva na si Tatay Rolly. Nasa 60’s na ang dalawa at dito na sila tumira sa rest house nina Troy.

“Dito muna siya mananatili, Manang.” Sabi ni Troy.

Tumango si Manang. “Naku, Janelle. Wag kang mahihiya dito sa amin ha. Kung may kailangan ka’y sabihan mo lang ako o maski ang Tatay Rolly mo.” Sabi nito sa akin nang may ngiti.

Ang babait naman nila. Lalo tuloy akong nahihiya. “Maraming salamat po.”

Dinala niya ako sa ikalawang lapapag at pumunta kami sa isang kwarto. Napaka-linis ng bawat sulok. Hindi creepy ang dating kahit na napakaluwang ng bahay pero tatlo lang sila. Pinupuno ng pagiging jolly at cheerful nila ang buong rest house.

“Dito ang kwarto mo, hija.” Sabi ni Manang. “May damit dito na pwede mong gamitin.” Tapos binuksan niya ang isang aparador.

Bigla ko namang naalala ang walk-in closet ko sa mansyon ng mga Ayala.

“Wow. Kanino pong damit ang mga ito?” tanong ko habang tinitignan ang mga malinis at mababangong damit.

“Ah... Sa kapatid yan ni Troy, pero gamitin mo muna.”

Tumango ako at hinawakan sa mga kamay si Manang Eva. “Maraming salamat po talaga. Hulog po kayo ng langit sa akin. Kayo nina Troy. Maraming salamat po talaga!”

“Wala yun, Janelle. Walang anuman.”

Naiwan ako sa kwarto dahil kailangan kong magpalit ng damit. Kagabi pa itong suot ko, ang baho baho ko na. Pati kailangan kong magpahinga sa sobrang pagod ko. Pagod pati ang puso’t utak ko. Pagkatapos kong magshower ay humiga ako sa malambot na kama.

Sana paggising ko, wala na akong nararamdamang kahit na ano para kay Gian.

***

Magdidilim na nang magising ako. Dali-dali akong bumaba dahil nakaramdam na rin naman ako ng gutom. Hindi pa ako nakakakain ng kahit na ano sa araw na ito. Kahit na yung kape na bigay ni Troy kaninang umaga ay hindi ko nainom.

“Sakto ang gising mo, Janelle.” Sabi ni Manang na kasalukuyang nag-aayos ng mga pagkain sa mesa. “Handa na ang hapunan. Kanina pa pabalik-balik si James sa kwarto mo para sana pakainin ka, pero tulog na tulog ka raw. Hindi ka nakapag-tanghalian kaya halika na.”

Ngumisi lang ako at umupo sa tabi ni James na nakatingin lang akin. Ang cute ng malalaki niyang mata. Sa tingin ko’y nasa edad 6-8 na taon palang itong si James kaya malamang ay nahihiya pa ito sa akin pero siguradong magiging kumportable rin siya sa akin maya-maya.

Habang kumakain kami ay tumayo si Tatay Rolly.

“Balita na pala.” Sabi nito saka niya ni-switch ang TV  sa may sala. Kitang-kita at rining naman ang TV dito sa hapag kaya panay rin ang lingon ko sa TV.

“Si Troy nga po pala?” tanong ko.

“Naku, nauna na siya. May aasikasuhin raw. Hindi ka na niya pinagising eh. Babalik rin naman daw siya.”

“Ganun po ba? Sige, tatawagan ko nalang po siya mamaya.”

Nagpatuloy kami sa pagkain hanggang sa matapos kami. Ako na ang nag-offer na magligpit ng pinagkainan. Ang mag-asawa naman ay naupo muna sa sala habang nanonood ng balita sa TV habang si James ay nakatayo lang sa gilid ko at tila pinagmamasdan lang ako.

“Hi James. Ako si Ate Janelle.” Sabi ko sa kanya habang sinasabon ko ang mga baso.

“Sabihin mo nga... Ate Janelle.” Sabi ko ulit.

Binuksan ni James ang bibig niya at ako naman ay excited doon na marinig siyang banggitin ang pangalan ko pero nagulat ko dahil biglang narinig ko ang pangalan ko sa TV.

“Gian Ayala, the richest teenager, getting married to Janelle Dimaguiba.” Ang nakasulat sa baba ng screen habang pinapakita ang mga pictures ko doon at ni Gian. Kung ano-ano ang sinabi ng reporter doon na hindi na masyadong na-process ng utak ko. Nabanggit pa doon ang pagkamatay ng nanay ko, ang pagbuwis niya ng buhay para kay Ma’am Mina.

Tapos biglang pinakita doon si Sir Greg at Ma’am Mina na nasa airport. Mukhang kuha yun kanina pagdating nila.

“Yes, Gian’s marrying Janelle. Hindi ito pambawi sa pagkamatay ni Elle Dimaguiba. This is what everyone wants to happen.” sabi ni Sir Greg.

At natapos doon ang balita tungkol sa amin.

Laglag ang panga kong humarap kina Manang Eva. Malamang ay naguguluhan na sila sa akin. Hindi nila ako gaano kilala tapos bigla nalang nila akong makikita sa TV.

“Manang...” Ipapaliwanag ko ang lahat sa kanila. Ni hindi ko napansin na nasa harap na pala akong TV at puro sabon pa ang kamay ko.

“Sige na, Janelle. Tapusin mo na yung hinuhugasan mo para makaupo ka na rin dito.” Kalmadong sabi nito.

Tumango nalang ako at bumalik sa hinuhugasan kong mga plato. Nakakabaliw na ang mga nangyayari. Paano nalang papakasalan ni Gian si Monique ngayong kalat na ang balita ng pagpapakasal niya sa akin?

Naiimagine ko tuloy ang umuusok sa galit na mukha ni Gian pagka-panood noong balita. Sigurado akong binasag na niya ang TV niya. Hindi ko mapigilang mapaisip kung ano nang nangyayari sa mansyon. Alam na kaya nina Ma’am Mina na umalis ako? Nasabi na kaya ni Gian na kaya ako umalis ay dahil hindi ako sanay sa buhay doon? Naniwala kaya sila? Kung sakali man, nailabas na kaya ang balita bago pa man nila malaman na wala ako sa mandyon? Matutuloy pa kaya ang kasal ni Gian at Monique?

Tama bang umalis ako?

Ang dami kong mga tanong na wala naman akong mapaghahanapan ng sagot ngayon. Ang lalong kinakainis ko ngayon ay ang pangit ng mga pictures kong ipinakita sa TV kanina! Hindi man lang sila pumili ng maayos-ayos. Kainis.

Help Me BreatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon