Chapter 16 - A Hundred Years Away

321 11 2
                                    

Chapter 16

'Sometimes we just have to let go of someone who matters to us not because we have to, but because it's the right thing to do.'

Saglit lang akong nakatulog. Kahit kasi sa panaginip ko, nakikita ko pa rin ang umiiyak na mukha ni Bien. Lahat ng pwede kong pagkaabalahan sa loob ng bahay, ginawa ko na. Binago ko 'yung posisyon ng mga gamit sa sala. Inabot ako ng hapon para lang matapos kaya nakalimutan ko na ring magtanghalian. Hindi ako lumabas ng bahay. Ayoko kasing makita si Bien. Nagluto ako ng makakain, pagkatapos, naligo na rin.

Kumain na kaya si Bien? Kamusta na kaya siya?

Hindi ko maiwasang mag-alala lalo na't hindi ko alam kung umuwi na ba siya nung umalis na ako kagabi. Kinuha ko 'yung cellphone sa sofa saka tinawagan si Kuya Luis.

"Hello, kuya Luis?"

"Saktong-sakto. Tatawagan na rin sana kita eh."

"Bakit?"

"Diyan ba natulog si Bien sa apartment mo?"

"HA?!"

"Bakit? Wala ba siya diyan? Kagabi pa kasi siya wala eh. Diba ikaw 'yung huli niyang kasama?"

"Oo. Pero---" nasaan na 'yun?! "Iniwan ko na siya kagabi doon sa---"

"Nag-away ba kayo?"

"Hindi. Hindi kami nag-away."

"Eh bakit hindi pa 'yun umuuwi? Baka naglasing na 'yun! Nag-away ata kayo eh!"

"Hindi nga! Sige na. Ako na'ng bahalang maghanap sa kanya.  Ibaba ko na 'to."

Nasaan ka ba, Bien?! Bakit ba kahit na pilit kitang kinakalimutan, hindi ko magawa? Bakit ba nag-aalala pa rin ako sa 'yo?

Tumakbo na ako palabas ng bahay kahit hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko. Hindi pa ako nakakalayo sa apartment, nakita ko na kaagad siya na nakaupo sa bench malapit sa pinag-iwanan ko sa kanya. Nakatungo. Lumapit ako kaagad sa kanya.

Narinig niya ata 'yung yabag ng paa ko kaya napaangat siya ng ulo. Nagulat siya nang makita niya ako. Mukhang hindi pa siya kumakain. Nakakainis. Bakit ba pinababayaan niya ang sarili niya?! Tumayo siya bigla.

"Nakakainis ka talaga Bien!" sabi ko habang hinahampas ang dibdib niya, "Pinag-alala mo ako. Bakit hindi ka pa umuuwi? Bakit?!"

"Patawad---"

"Patawad?!" naluha na akong tuluyan. "Kung sa tingin mo mababago lahat ng mangyayari kapag ginawa mo 'yan,  nagkakamali ka!" Pupunasan niya sana 'yung luha ko pero tinaboy ko na kaagad ang kamay niya. "Gusto ko kapag bumalik ka na sa panahon niyo, nasa maayos kang kundisyon. BAKIT BA HINDI MO 'YUN MAGAWA?"

"Sa tingin mo ba magiging maayos pa ako matapos mo akong saktan?! Hindi na!" Nagulat ako nang magtaas na siya ng boses nang sabihin niya iyon. "Ngayon lang ako naging ganito kasaya. Simula nang makilala kita, marami akong natutunan na hindi ko natutunan sa panahon namin. Natuto akong magmahal ng higit pa sa inaakala ko. Ngayon ko lang naramdaman 'to... Ngayon lang pero sobrang nasaktan pa ako." may tumulo na luha sa isa niyang mata, "Bakit... bakit ba ganoon mo na lang ako ipagtabuyan? Ano ba'ng nagawa kong mali?"

"Gusto mo bang malaman kung bakit?" Hindi siya sumagot sa tanong ko. "Mamatay ang tatay mo isang taon matapos mong mawala.", nagulat siya sa sinabi ko at mukhang mas bumigat pa ang nararamdaman niya sa sinabi ko. "Nagkasakit siya sa sobrang pag-aalala sa 'yo. Hindi nila alam kung saan ka pumunta. Dahil sa matinding pag-aasikaso sa paghahanap sa 'yo, hindi niya na nagampanan nang maayos ang tungkulin niya sa bayan. Hindi na niya nagagawa 'yung mga bagay na kailangan niyang gawin. Namatay siya dahil sa iba't ibang komplikasyon isang taon pagkatapos mong mawala. Maraming nagbago sa takbo ng kasaysayan nang makapunta ka sa panahon namin."

Super-sized Princess' Notes [ Love. Fate. Destiny. ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon