HINDI alam ni Jay kung gaano katagal nang may kumakatok sa pinto ng kanyang opisina bago iyon rumehistro sa pandinig. Masyado kasi siyang nakatutok sa pagtapos ng paperworks na kailangang ipasa para sa child custody case na hawak.
"Hanggang kailan mo balak magkulong sa opisina mo?" tanong ng kaibigang si Ross Mitchell mula sa bukana ng pinto.
Nag-angat ng tingin si Jay. "What?" disoriented pang tanong niya.
Umangat ang kilay nito. "Mukhang nakalimutan mo na pero ngayong gabi ang engagement party ni Charlie. Inaasahan niya na dadalo tayong lahat."
"Oh, right," bulalas ni Jay. Sa totoo lang, noon lang niya naalala ang tungkol doon. Kung hindi siya kinatok ni Ross ay baka bukas ng umaga pa siya lalabas ng opisina.
Napatingin uli siya sa mga papeles na nasa mesa at sa nakabukas na computer. Ang totoo ay next week pa naman dapat ipasa ang paperworks. Gusto lang niya matapos kaagad para mabawasan ang trabaho niya sa susunod na linggo.
"Okay. Ililigpit ko lang ang mga ito," sabi na lang niya.
"Sige. Mauna na ako at susunduin ko pa si Bianca. Magkita na lang tayo sa bahay nina Charlie," paalam ni Ross.
"Sige. Umalis ka na at huwag mong paghintayin ang girlfriend mo," pagtataboy ni Jay sa kaibigan at nagsimula nang iligpit ang mga papeles sa mesa.
Ngumisi si Ross bago isinara ang pinto ng opisina.
Napailing na lang si Jay at ipinagpatuloy ang pagliligpit. Dati ay mas madalas pang magkulong sa opisina si Ross at isubsob ang sarili sa trabaho kaysa sa kanya. Subalit mula nang magkaroon ito ng nobya ay palagi nang umaalis nang maaga sa opisina kapag weekend. Kapag lumalabas siya ay bihira na niyang mayaya si Ross. At ngayong gabi, pormal na ring magpapatali si Charlie.
Well, mayroon pa namang isa pang puwedeng yayain si Jay. Mula nang magkita sila ng high school buddy na si Ryan Decena ilang taon ang nakararaan ay lumalabas sila paminsan-minsan. Bukod doon ay nagkikita naman sila sa common area ng Bachelor's Pad kapag pareho silang libre.
Malaki ang pasalamat ni Jay na nakita niya si Ryan nang gabing iyon. Dahil sa lalaki ay nakalipat siya sa isang magandang residential building na hindi niya alam na nag-e-exist pala sa isang panig ng siyudad. Nakatakas siya sa kanyang stalker. Sinunod niya ang payo ni Ryan na lumipat ng bahay at ilang buwan din siyang hindi nagpunta sa mga usual hangout. Hanggang mabalitaan na lang niya na umalis na ng bansa si Ana dahil nag-migrate na ang pamilya sa Amerika. Nakahinga siya nang maluwag. Bumalik siya sa dating lifestyle. And he was fine and happy with that.
Nailigpit na ni Jay ang mga papeles at handa nang umalis nang tumunog ang kanyang cell phone. Si Charlie ang tumatawag. Napailing siya bago sinagot ang tawag. "Yes. Papunta na ako," sabi kaagad niya.
"Good. Akala ko hindi mo sisiputin ang engagement party ko."
Umangat ang isang kilay niya at naglakad na palabas ng opisina habang nasa tainga ang cell phone. "Bakit mo naman naisip 'yan?" nagtatakang tanong niya.
"Dahil kung hindi ko nakilala si Jane at nagkataong ako ang nasa opisina ngayon at tinatawagan mo para padaluhin ako sa engagement party mo, hindi ako sisipot," natatawang sabi ni Charlie.
Natawa rin si Jay. "I guess you're right. Pero huwag kang mag-alala, papunta na ako."
Mukhang may sasabihin pa ang kaibigan nang may narinig siyang tinig ng babae mula sa background. Kahit hindi naiintindihan ang sinasabi ay sigurado siyang si Jane ang kumakausap kay Charlie. Nakumpirma niya iyon nang mabilis na nagpaalam ang kaibigan at tinapos na ang tawag. Ginagawa lang iyon ni Charlie kapag may kinalaman kay Jane.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MAN
RomanceIsang dalagang ina si Cherry at sa loob ng walong taon ay itinago niya ang lihim sa likod ng tunay na pagkatao ng kaniyang anak na si Justine. Iniiwasan din niyang mapalapit sa kahit na sino para mapangalagaan ang lihim na iyon. Kaya naman labis siy...