Part 11

39.7K 930 53
                                    

HINDI alam ni Cherry kung ilang beses na siyang huminga nang malalim pero hindi pa rin napapalis ang kabang nararamdaman. Nakatitig siya sa cell phone na nasa kanang kamay at sa calling card na nasa kaliwa.

Linggo ng umaga. Ang plano sana niya ay manatili sa bahay maghapon. Subalit hayun siya, kinakabahan dahil nakatakdang tumawag sa cell number na nakalagay sa calling card na ibinigay ni Jay.

"Ano na, Mommy? Ang sabi mo, tatawagan mo si Tito Jay para tanungin kung puwede tayo pumasyal sa kanila," sabik na sabi ni Justin na nakaupo sa sofa na katapat ng kinauupuan niya.

Napabuntong-hininga si Cherry. Kahapon pa siya kinukulit ng anak pero ang ginawa niya ay dinala ito sa mall sa pagbabaka-sakaling mawala na sa isip ng bata si Jay. Ang kaso, pagkagising ni Justin kanina ay kinukulit na naman siya kung kailan uli nito makikita ang binata.

"Ayaw mo bang magpunta na lang uli sa malapit na mall, anak? Manood ng sine?" tanong pa ni Cherry.

"Puwede nating gawin iyon kasama si Tito Jay kung puwede siya, Mommy."

Napabuntong-hininga uli siya. "Justin, abala siyang tao. Hindi natin dapat iniistorbo ang isang taong hindi naman natin kaano-ano. Siguradong may iba siyang plano at may iba siyang gustong makasama sa araw na ito."

"I don't think so, Mommy."

"Bakit ba gustong-gusto mo siyang makita at makasama?" frustrated na tanong niya.

"Dahil noong una kaming nagkausap sa swing sa garden natin, he looked lonely. Do you know, Mommy, even when he smiles, I can sometimes feel like he's not really entirely happy? Pero noong nagpunta tayo sa office nila ni Tito Charlie, noong nag-uusap kayo sa elevator, kahit hindi ko naririnig ang pinag-uusapan n'yo dahil tinakpan mo ang mga tainga ko, nakita ko na masaya talaga siya. Kaya gusto kong dalawin natin uli siya para sumaya siya, Mommy."

Hindi nakahuma si Cherry sa labis na pagkabigla sa mga sinabi ni Justin. Sumagi na rin sa isip niya ang tungkol sa obserbasyong iyon ng kanyang anak mula pa noong unang beses na ipinakilala si Jay ng Kuya Charlie niya. Kahit palaging nakangiti si Jay, tila isang happy-go-lucky, at ladies' man, minsan ay may nahuhuli siyang kislap ng lungkot sa mga mata nito. Katulad noong Biyernes ng gabi nang sabihin ni Jay na may mga sekretong hindi sinasabi ang isang tao sa kahit na sino.

"Mommy? What's wrong?" untag ni Justin.

Napakurap si Cherry. "Wala. Naisip ko lang na hindi lang pala hitsura ang namana mo sa akin. Anak talaga kita." Huminga siya nang malalim at muling tiningnan ang calling card. "Fine. Tatawagan ko na siya," determinadong naiusal niya.

Sandali pa ay nakadikit na sa tainga niya ang cell phone at hinihintay na mag-ring ang kabilang linya. Nang mag-ring ay sumikdo ang puso ni Cherry at nanlamig ang buong katawan. Labis na enerhiya ang kinailangan niya upang huwag ilayo sa tainga ang cell phone at umatras sa pagtawag. Subalit dahil nakamasid ang kanyang anak ay hinigpitan na lamang niya ang hawak sa cell phone.

"Palanca. Hello?" mababa at halos paos ang tinig na sagot ni Jay.

Nakagat ni Cherry ang ibabang labi dahil bigla ay sumagi sa alaala niya ang ilang beses na pagbulong ng binata sa kanyang tainga. Ganoon ang epekto ng tinig nito ngayon. Kahit sa cell phone lang ay halos nadama na niya ang dampi ng hininga nito sa kanyang balat. Nag-init ang kanyang pakiramdam.

"Hello?" ulit ng binata mula sa kabilang linya.

Tumikhim siya. "Hi. This is Cherry."

Ilang segundong katahimikan. "Cherry... Sorry, I just woke up. What is it?" sa wakas ay sabi ni Jay sa mababa pa ring tinig.

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon