Part 26

37K 933 20
                                    

SANDALI munang napahinto si Jay sa lobby ng Peninsula Hotel upang hamigin ang sarili. Para bang hindi pa sapat ang panahon ng pagpunta niya sa Bachelor's Pad kanina upang kunin ang kotse at ang biyahe patungo roon upang kalmahin ang sarili.

Sa hotel na iyon daw nag-check in si Francis Palanca. Hindi alam ni Jay kung kasama nito ang asawa at anak dahil hindi naman siya nagtanong kanina. Ni hindi nga niya alam kung bakit makalipas ang pitong taon ay biglang ginusto ng nakilalang ama na makita siya.

Matagal nang tumimo sa isip ni Jay na wala na silang koneksiyon ni Francis Palanca mula nang ibenta nito ang bahay na kinalakhan niya at mag-migrate sa Amerika kasama ang pamilya nito. Matagal na niyang nakondisyon ang sarili na wala siyang itinuturing na pamilya.

Huminga siya nang malalim at kinontrol ang emosyon bago muling naglakad patungo sa restaurant na nasa isang bahagi ng ground floor ng hotel kung saan daw siya hinihintay ni Francis. Iginala niya ang tingin sa paligid upang hanapin ito. Nakita niya ito sa dulong bahagi.

Jay was caught off guard by how old his adopted father looked now. Gray na ang kulay ng buhok nito at mas marami nang wrinkles kaysa huli niyang natatandaan. Subalit maganda pa rin ang tindig ni Attorney Francis Palanca. He still looked dignified and authoritative. The type of adult Jay hoped to become because he thought that if he would become like his adopted father, he would give him the affection he craved when he was young. Ang nakilalang ama ang dahilan kaya siya naging abogado. Subalit matagal na rin niyang natanggap na hindi iyon epektibo.

Nakita na rin siya ni Francis at tinanguan siya bilang pagbati. Mariing naglapat ang kanyang mga labi at tuluyang lumapit sa mesa. Hindi na niya hinintay magsalita ang nakilalang ama at umupo na agad sa katapat na silya. Matagal na pinagmasdan siya nito bago may munting ngiti na sumilay sa mga labi.

"You look well and healthy. That's good."

"And you look old," sagot ni Jay.

Sa pagkabigla niya ay tumawa si Francis. Lumiwanag ang mukha nito at tila bumata nang ilang taon. Noon lang niya nakitang tumawa nang ganoon ang nakilalang ama. Sa pagkakatanda niya ay palaging seryoso ang ekspresyon sa mukha nito.

"Tama ka. But it's been seven years. Marami na ang nabago. Kahit ikaw, hindi ka na tulad ng dati. I can see you became a dignified man. I'm glad to see you this way. Noong estudyante ka pa lang ay nag-alala ako na baka sundan mo ang yapak ni Joseph at mas gustuhing maglagalag sa buong mundo na hindi iniisip kung nag-aalala ba ang mga mahal niya sa buhay. Nang maging abogado ka ay naging panatag ang loob ko."

Muli ay mariing naglapat ang mga labi ni Jay sa pangalang binanggit ni Francis. "Kaya ka ba nag-asawa at umalis sa bansa? Dahil napanatag ka?" hindi nakatiis na parunggit niya.

Bahagyang nawala ang ngiti sa mukha ng nakilalang ama. Bumuntong-hininga ito. "May magandang offer sa akin sa Amerika noon, Jay. And the way you avoided me after you learned the truth eight years ago made me think you don't want to see me anymore. At may buhay rin akong kailangan ayusin. I think I deserve that, don't you think so?" seryoso nang sabi nito.

Nakuyom ni Jay ang mga kamay at mapait na natawa. "You're right. We were just a burden to you all those years after all."

Tumiim ang mga bagang ni Francis. "I never thought of you and your mother as a burden."

"Ano pa ba ang itatawag mo sa mag-ina na hindi mo naman talaga kaano-ano pero kinailangan mong alagaan dahil wala kang pagpipilian?" sikmat ni Jay.

"We are related, Jay. Anak ka ng kapatid ko. Natural na aalagaan kita sa tanging paraan na alam ko. Kahit pa noong nagkaanak kami ni Agnes ay nalaman ko na kulang pala ang ginawa ko para sa iyo noong lumalaki ka. At ang iyong ina, sinubukan ko siyang tulungan. But she didn't want my help. All she talked about was Joseph. At siya ang nag-iisang tao na hindi ko magawang ibalik sa buhay ninyong dalawa noon dahil hindi ko rin naman alam kung nasaan siya."

Nagbaba ng tingin si Jay upang kalmahin ang sarili. Subalit natigilan siya nang mapagtanto na ang nararamdaman nang mga sandaling iyon ay hindi na kasintindi ng pagrerebelde at devastation na naramdaman noong unang nalaman ang katotohanan walong taon na ang nakararaan. Na ang kinalakihan niyang ama, ang lalaking ginawa niya ang lahat upang makuha ang pagmamahal at atensiyon ay hindi naman pala ang tunay niyang ama.

Panganay na kapatid si Francis ng kanyang tunay na ama na si Joseph, ang lalaking mahal na mahal ng kanyang ina. Joseph was his biological father.

Si Joseph pala ang palaging nakikita ng kanyang ina kapag pinagmamasdan ang kanyang mukha at sinasabing, Nagiging kamukha mo na siya. Si Joseph ang nasa larawang yakap ng nanay niya nang maabutan nila itong walang buhay na nakahiga sa kama. Kaya pala kahit kailan ay wala siyang naramdaman ni katiting na pagmamahalan sa pagitan ng inakala niyang mga magulang. Kaya pala kahit kailan ay hindi naramdaman ni Jay ang pagkakaroon ng tunay na pamilya. Because they were never a true family in the first place.

Humugot si Jay ng malalim na hininga bago muling nag-angat ng tingin para tingnan ang nakilalang ama. "So, bakit ka nasa Pilipinas? Are you alone?" pag-iiba na lang niya sa usapan. Ayaw na niyang ungkatin pa ang nakaraan. Mas gusto na lang niyang mabuhay sa kasalukuyan kung saan siya mas masaya at kontento. Ang gusto na lang niyang malaman ay kung ano ang dahilan at nasa Pilipinas si Francis, kung ano ang kailangan nito, pagkatapos ay magpaalam na.

"No. Kasama ko sina Agnes. Bababa sila rito para samahan tayong mag-dinner mayamaya. Gusto ka rin niyang makita, Jay. Nauna lang ako dahil gusto kong mag-usap muna tayo bago sila dumating," seryosong sabi ni Francis. "Agnes" ang pangalan ng babaeng napangasawa nito.

Napaderetso ng upo si Jay dahil bigla siyang kinabahan nang makita ang paraan ng pagtitig sa kanya ng nakilalang ama. "What is it?" tanong niya.

"Jay, gusto mo bang makita ang tunay mong ama?"

Matagal bago siya nakahuma. "What?" Halos hindi niya mailabas ang salitang iyon sa biglang pagsisikip ng kanyang lalamunan.

"Ang totoo, aksidenteng nagkita kami ni Joseph sa Amerika pitong taon na ang nakararaan. He just went there after he visited almost all the countries in Europe as a traveling painter. Nang mag-usap kami ay nalaman ko na hindi pala niya alam na buntis ang iyong ina noong umalis siya. Ang sabi niya sa akin ay naghiwalay na sila ng iyong ina bago siya umalis ng bansa para tuparin ang pangarap niyang maikot ang buong mundo. Bagay na iba sa kuwento ng nanay mo noong nagpunta siya sa akin para sabihing buntis siya at si Joseph ang ama. Sinabi niya raw sa iyong ina na huwag na siyang hintayin at humanap ng ibang magmamahal na mananatili sa tabi niya. So when I told him about you, when I told him what happened to your mother, he cried. He didn't abandon you, Jay. Hindi lang talaga niya alam ang existence mo," seryosong sabi ni Francis.

May bumikig sa lalamunan ni Jay. "Bakit ngayon mo lang sinasabi sa akin 'yan kung matagal na pala kayo nagkita?"

Bumuntong-hininga ang nakilalang ama. "Ayaw niyang ipaalam ko sa 'yo ang tungkol sa kanya. Gusto niyang ituring mo siyang patay na. He doesn't want the past to chain you."

Napailing siya. "Dapat ay sinunod mo na lang ang gusto niya. We are practically strangers. Inabandona man niya ako o hindi ay nabuhay na ako nang matagal na hindi siya kilala. Hindi ko na siya kailangang makita pa."

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon