Part 25

36.9K 886 15
                                    

Kumislot ang puso ni Cherry sa sinabi ni Jay.

Naging pilyo ang ngiti ng binata. "And I think he's really doing me a favor. Dahil palagi akong nagkakaroon ng pagkakataon na makasama ka."

Napangiti na rin siya sa sinabi nito. Mayamaya ay pareho silang napaigtad at napalingon sa pinto ng opisina nang may kumatok.

"Ma'am, kailangan na ho nating umuwi. Magsasara pa po ako," sabi ng administrative assistant na tumawag din sa kanya kanina.

"Okay," mabilis na sagot niya kasabay ang pagkalas mula sa pagkakayakap kay Jay. Maging ang binata ay bantulot din siyang pinakawalan. Isinukbit uli niya ang bag at kinuha ang bulaklak sa mesa, saka muling bumaling sa binata. "Kailangan na nating umalis para makapagsara siya."

"Have dinner with me," sagot ni Jay na hindi tuminag sa kinatatayuan.

Tinaasan niya ito ng kilay. "Iyon naman talaga ang plano ko."

Natawa ang binata at pinaikot ang isang braso sa kanyang baywang at hinalikan siya sa mga labi. "Good." Lumabas sila na nasa baywang pa rin niya ang kamay nito. Halatang nagulat ang kanyang tauhan sa eksena nila pero nginitian na lang niya ang babae, nagbilin at nagpaalam dito.

Nakalabas na sila ng factory at naglalakad patungo sa kotse niya nang pareho silang magitla ni Jay sa pagtunog ng cell phone nito.

Huminto sila sa paglalakad at pinagmasdan ni Cherry nang dukutin ng binata ang cell phone upang tingnan kung sino ang tumatawag. Nakita niya nang kumunot ang noo nito.

"Unregistered number?" usal pa ni Jay bago sinagot ang tawag.

Nakatitig si Cherry sa mukha ng binata kaya nakita niya nang sandaling nagbago ang ekspresyon sa mukha nito nang marinig ang boses ng tumawag. Sa unang pagkakataon ay nakita niyang dumilim ang mukha ni Jay at naglapat nang mariin ang mga labi. Ang mga mata ng binata na palaging expressive ay naging malamig.

"I'm busy," sabi ni Jay sa kung sino mang kausap.

Maging ang tinig ng binata ay malamig, halos galit. Nagtagis ang mga bagang nito na para bang hindi nagustuhan ang kung ano mang sinasabi ng kausap bago naningkit ang mga mata.

"Fine." Iyon lang at pinutol na ni Jay ang tawag. Ilang sandaling nanatili lamang nakatitig ang binata sa kawalan.

May palagay pa nga si Cherry na bigla siyang nawala sa isip nito. At sa totoo lang ay parang may lumamutak sa kanyang puso nang makitang nagkakaganoon ang binata.

Sino ang tumawag sa iyo, Jay? Sino ang dahilan at naging ganyan ang hitsura mo? How can I make you feel better? Nakagat niya ang ibabang labi dahil nag-init ang kanyang mga mata habang nakatitig kay Jay. Hinawakan niya ang braso ng binata. Noon lamang ito tila natauhan, napakurap at napabaling sa kanya.

"Are you okay?" malumanay na tanong niya.

Tumikhim si Jay at pilit na ngumiti. Alam ni Cherry na nais ng binata na palisin ang ekspresyong nakita niya sa mukha nito subalit mukhang nahihirapan itong gawin iyon.

Marahan siyang umiling. "Stop that. Nakita ko na ang hitsura mo habang kausap mo ang kung sino mang tumawag sa iyo kaya huwag mo nang itago," seryosong sabi niya.

Ilang segundong napatitig lamang si Jay sa kanya bago marahas na bumuntong-hininga at napahawak sa batok. "I'm sorry. Mukhang hindi matutuloy ang dinner natin. May kailangan akong puntahan ngayon. I don't want to go but I have to."

Ilang sandaling nag-alangan si Cherry bago lakas-loob na isinatinig ang kanina pa gustong malaman. "Sino ba ang tumawag sa iyo?"

Mariing naglapat ang mga labi ni Jay at may kumislap na pait sa mga mata bago nag-iwas ng tingin. "My father."

Napakurap si Cherry. "Your father?" ulit niya. Nang tumango ang binata ay lalo lamang siyang nalito. Bakit ganoon ang reaksiyon ni Jay kung ang ama nito ang tumawag?

Mukhang nabasa ni Jay sa mukha niya ang tanong na iyon dahil muli itong pilit na ngumiti at marahang umiling.

"We don't have the type of family that you have, Cherry. Hindi normal ang pamilyang kinalakihan ko. My mother never bothered with me and so was my father. Ang ginawa lang ng aking ama ay siguruhin na may nakakain at natitirhan ako, nakakapag-aral at naibibigay ang pangangailangang pinansiyal. Hindi kami naging malapit sa isa't isa. Noong bata pa ako, ginagawa ko ang lahat para makuha ang atensiyon ng mga magulang ko. I love them so much that I craved for their love, too. Pero kahit ano'ng gawin ko, kahit noong nagrebelde ako at gumagawa palagi ng kalokohan para makuha ang atensiyon nila ay wala akong napala.

"Kaya pagkatapos ko ng high school, nang mamatay ang nanay ko, humiwalay na ako sa ama ko at tumira sa isang apartment na malapit sa university. Bihira kaming magkita o magkausap man lang. Madalas, sekretarya lang niya ang nakakausap ko at may kinalaman lang iyon sa buwanang sustento niya sa akin."

May kurot na naramdaman sa puso si Cherry sa inaming iyon ni Jay. Napahigpit ang hawak niya sa braso ng binata. "At ano ang dahilan kung bakit siya tumawag sa iyo ngayon?" mahinang tanong niya.

Ginagap ni Jay ang kamay niyang nasa braso nito. Marahang pinisil iyon ng binata kaya napatingala siya sa mukha nito.

Apologetic itong ngumiti. "Eight years ago, he decided to get married. Isang taon pagkatapos niyang magpakasal ay nag-migrate siya sa Amerika kasama ang asawa niya. Mula noon ay bihira lang niya akong tawagan at sandali lang kami nakakapag-usap. Nasa Pilipinas daw siya ngayon at gusto akong makita. May kailangan daw siyang sabihin sa akin. I think I should just get it over and done with tonight."

Nakagat ni Cherry ang ibabang labi upang pigilan ang pag-alpas ng emosyon. Jay was smiling, but by just listening to his voice, she could feel the pain and sadness he endured when he was young.

"That's why I stopped caring for anyone too much. Iyon ang dahilan kung bakit binuo ko ang mga personal rule ko para maprotektahan ang sarili ko sa ibang tao. My parents practically abandoned me, not only physically but emotionally. I promised myself never to subject myself to such pain again," patuloy ng binata na mahihimigan ang pait sa tono.

Huminga nang malalim si Cherry at malakas na tinapik ang braso ni Jay. Mukhang nagulat ang binata at napakurap. Napalis ang pait na kanina lamang ay nasa mukha nito. Pinasigla niya ang sarili at ngumiti.

"Kung ganoon, harapin mo siya ngayong gabi. Alamin mo kung ano ang gusto niyang sabihin. Matagal na kayong hindi nagkikita at kahit mahabang panahon na ang lumipas ay apektado ka pa rin sa nakaraan mo. Pero, Jay, malay mo, iba na ang maramdaman mo kapag nagkita uli kayo? You might feel better after facing him."

Matagal na napatitig lamang si Jay sa kanya bago may sumilay na ngiti sa mga labi. "Yeah. You might be right." Niyakap siya nito nang mahigpit. "I'm so glad I've met you, Cherry. Sa iyo ko lang nasasabi ang mga bagay na hindi ko magawang sabihin kahit kanino. Telling someone about my past is making me feel better already." Nang pakawalan siya ni Jay ay bumalik na sa dati ang ekspresyon sa mukha nito. Mukha na naman itong walang problema sa buhay. "I have to go now. I'll call you."

Tumango si Cherry. "Okay."

Muli ay mabilis siyang hinalikan ni Jay sa mga labi bago naglakad patungo sa gilid ng kalsada. Tamang-tama na may dumaang taxi. Nakasakay agad ang binata. Kumaway pa ito hanggang sa mawala na sa paningin niya ang taxi.

Napahugot ng malalim na hininga si Cherry at nahiling na sana ay maging maayos ang pakikipagkita ni Jay sa ama nito. Napagtanto niya na ayaw niyang nakikita ang malungkot at mapait na ekspresyon sa mukha ng binata. Mas gusto niya na palagi lang itong nakangiti at masaya.

At bakit gusto mo siyang palaging masaya? bulong ng kanyang isip.

Nang mga sandaling iyon ay puso niya ang sumagot sa tanong na iyon. The answer felt like a warm breeze as it enveloped her whole being.

"Dahil mahal ko siya," naiusal ni Cherry. Iyon ang unang beses na naamin niya iyon sa sarili. Sumikip ang kanyang dibdib at kinailangan niyang huminga nang malalim upang kalmahin ang sarili.

Subalit kahit nakauwi na at nagkukunwari na walang anumang nangyari habang nakikipag-usap sa kanyang pamilya, hindi pa rin kumakalma ang puso ni Cherry. At habang pinagmamasdan niya si Justin ay lalo siyang hinid mapakali.

Ngayong naamin niya sa sariling mahal niya si Jay, kailangan na talaga niyang sabihin sa binata ang kanyang sekreto. After he told her about his family, she knew he deserved the truth about her, too.

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon