Part 13

39.3K 1K 26
                                    

HINDI na matandaan ni Jay kung kailan siya huling nag-enjoy at nag-relax. Lalong hindi na niya matandaan kung kailan siya huling tumambay sa mall. Ang mga palabas na napapanood niya ay sa mga dalang kopya lang nina Brad at Art. Madalas ay art film o kaya ay documentary ang pinapanood nila dahil parehong direktor ang dalawa. Most of all, it has been forever since he experienced something akin to family time. O mas tamang sabihin na iyon ang unang beses na naranasan niya ang ganoon.

Ayaw man ni Jay na aminin sa sarili subalit mula pa kaninang nagkita sila nina Cherry at Justin ay hindi niya maiwasang isipin na mukha silang isang masayang pamilya. Lalo na nang habang naglalakad sila sa mall ay maraming katulad nilang grupo. And then he wondered if Cherry was thinking the same thing.

Ang mas ikinabigla ni Jay ay ang init na humaplos sa dibdib niya sa isiping iyon. Habang nasa loob sila ng sinehan ay pasimple niyang sinusulyapan si Cherry na mukha namang tutok ang atensiyon sa palabas. Pagkatapos manood ng sine ay nagpunta sila sa arcade na nasa loob ng mall at nilaro ang lahat ng games doon.

Nang mapagod sa kalalaro ay ginusto ni Justin na magbanyo. Sasamahan sana nila ang bata pero tumanggi ito.

"Malaki na po ako. I can manage," sabi pa ni Justin.

Kaya naghintay sila ni Cherry sa labas ng male rest room.

"Today is more fun than I expected," nasabi niya.

Umangat ang kilay ni Cherry habang nakatingala sa kanya pero may nakaguhit na amused na ngiti sa mga labi. "Oo nga, eh. Pakiramdam ko dalawang batang lalaki ang kasama ko," biro nito, kumikislap sa kapilyahan ang mga mata na unang nakita ni Jay noong kasama ng babae ang mga kaibigan nito. Pero iba pala kapag sa kanya mismo nakapukol ang tingin at ngiting iyon.

Napatitig si Jay sa mukha ni Cherry. Para siyang tinamaan ng punyal sa dibdib habang nakatitig sa babae. Alam na niya noon pa pero hindi lang niya masyadong pinagtutuunan ng pansin, but right at that moment, he realized that Cherry was very beautiful. At sigurado siya na hindi lamang iyon panlabas. Isa itong matapang na babae na pinalaki ang anak kahit walang ama. Lumalabas sa aura ni Cherry ang katapangan na iyon, ang confidence, at ang pride na lalong nagpapatingkad sa kagandahan nito.

He was overwhelmed by his own realization that he almost lost his balance.

"Jay?" untag ni Cherry sa nagtatakang tono.

Pasimpleng huminga nang malalim si Jay at pinagana ang isip upang alalahanin kung ano ang pinag-uusapan nila. Ngumiti siya. "Naisip ko lang na hindi ko naranasan noong bata ako na lumabas nang ganito kasama ang magulang ko. Kaya masuwerte si Justin na ikaw ang kanyang naging ina. You always find time for him even though you are busy working on weekdays."

Ngumiti si Cherry na para bang natuwa ito sa papuri niya. Subalit dagli ring nawala ang ngiti sa mga labi ng babae at napatitig sa kanya. "Hindi ka lumabas noong bata ka pa na kasama ang mga magulang mo?" maingat na tanong nito.

Namulsa si Jay at nagkibit-balikat. May nadama siyang pagkailang subalit hindi iyon kasintindi ng nararamdaman niya kapag ibang tao ang nag-uungkat ng tungkol sa nakaraan niya. Para bang mas maluwag sa loob niya na sabihin kay Cherry ang mga bagay na hindi niya sinasabi sa iba.

"Nagkaisip na ako na sakitin ang nanay ko. She rarely goes out of her bedroom so I took care of myself most of the time. Hindi pa yata ako nag-aaral ng elementary ay kaya ko nang kumilos para sa sarili ko. We never had the mother and child interaction na katulad ng mayroon kayo ni Justin."

Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Cherry. "Malala ba ang sakit niya?"

Hindi napigilan ni Jay ang pagsilay ng mapait na ngiti sa mga labi. "Yeah. Kung pisikal lang sana ang sakit niya ay baka puwede pa siyang gumaling. But her sickness was mental and emotional. Ayaw niyang gumaling kaya pati ang pisikal na kalusugan niya ay naapektuhan."

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon