Part 32

37.6K 853 46
                                    

Umawang ang kanyang mga labi. "Bakit?" manghang bulalas niya.

Kumislap ang lungkot sa mukha ni Jomari. "Natatandaan mo si Lolo Felix?"

"Iyong dating AFP General? Iyong may birthday noong dinala mo ako sa inyo?"

Tumango si Jomari. "Nasa ospital siya. B-bilang na ang araw niya. Iyon ang dahilan kung bakit ako bumalik ng Pilipinas. Nasabi ko na sa mga magulang at kapatid ko ang katotohanan pero hindi pa rin alam ni Lolo. Naniniwala siya na magkarelasyon pa rin tayo dahil ikaw lang ang babaeng ipinakilala ko sa kanila. I just want to reassure him that I am settling down. Na hindi na niya ako kailangang alalahanin at magpahinga na siya dahil ayaw na naming nakikita siyang nahihirapan. Alam ko ang kapal ko para hilingin ito sa iyo, pagkatapos kitang masaktan noon. Pero puwede mo ba akong tulungan, Cherry? Please?"

Nakagat ni Cherry ang ibabang labi at napailing. Iyon na lang ba ang purpose ng buhay niya? Ang magpanggap na asawa o mapapangasawa ng kung sino-sino? Hanggang pagpapanggap na lang ba siya at hindi magiging totohanan?

Noong una, nagkunwari siya para magtaboy ng may saltik sa utak na stalker, ngayon naman ay para mapasaya ang isang naghihingalong matanda. Subalit kahit ganoon ay hindi naman niya magawang tanggihan ang hiling ni Jomari.

Bumuntong-hininga siya. "Fine. Isang araw lang, okay?"

Lumiwanag ang mukha ni Jomari at muling ginagap ang kanyang mga kamay. "Thank you, Cherry. Salamat dahil pumayag ka kahit ngayon lang tayo uli nagkita. I will owe you forever."

"Balang-araw, sisingilin kita," natatawang biro niya.

Ngumiti ang lalaki at pinakawalan ang mga kamay niya. "Sure. Basta kaya ko."

Gumanti ng ngiti si Cherry at sa isang iglap ay parang bumalik siya sa pagkabata, noong bago pa lamang sila magkakilala at magkaibigan. Noong hindi pa nagkaroon ng komplikasyon na tinatawag na pag-ibig ang samahan nila. Bago naman kasi sila naging magkasintahan ay magkasundong-magkasundo sila ni Jomari.

Natagpuan tuloy niya ang sariling sinasabi kay Jomari ang lahat ng mga nangyari sa kanya mula noong naghiwalay sila hanggang sa kasalukuyan. Iyong mga hindi niya masabi kahit kina Ces, sinabi niya sa dating kasintahan.

Maging si Jomari ay naging tapat sa kanya. Sinabi ng lalaki ang mga nangyari sa buhay nito sa nakaraang walong taon. At maging ang buhay nito bago sila nagkakilala. Inabot tuloy sila ng gabi na magkasama.

Nakauwi na si Cherry sa bahay nang ma-realize na kanina pa may tumatawag at nagte-text sa cell phone niya. Sumikdo ang kanyang puso nang makitang puro kay Jay galing ang mga text at Missed calls. Nakagat niya ang ibabang labi at wala sa loob na hinaplos ang pangalan ng binata sa screen.

Napaigtad si Cherry nang biglang mag-ring ang cell phone niya at makitang tumatawag na naman si Jay. Iniwasan na niyang sagutin ang tawag ng binata kagabi at ayaw niya iyong gawin ngayon. So she answered his call.

"Cherry," pabuntong-hiningang usal ni Jay sa kabilang linya. Para bang nakahinga ito mang maluwag na sumagot siya.

Para kay Cherry ay tila haplos ng mainit na kamay sa puso niya ang pagkakabigkas ni Jay sa pangalan niya. Napapikit tuloy siya at muntik nang manulas sa mga labi ang mga katagang I love you.

"Jay..." sa halip ay sabi niya. Matagal na hindi sumagot ang binata kaya napadilat siya. "Jay?"

"Sorry. I suddenly got emotional when I heard you say my name," usal nito.

Nakagat ni Cherry ang ibabang labi at napatingin uli sa singsing na nasa kaliwang kamay. "Pasensiya ka na kung hindi ko nasagot ang tawag mo kagabi. H-hindi ko napansin," pagsisinungaling niya.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Jay. "As long as you are okay, kalilimutan ko na 'yon. Kahit pa hindi ako napakali maghapon dahil gustong-gusto kong marinig ang boses mo."

May kumutkot na guilt sa kanyang puso. "Gusto ko rin namang marinig ang boses mo," mahinang sagot niya.

"Kung ganoon, bakit hindi mo sinasagot ang cell phone mo maghapon?"

Wala siyang nahimigang iritasyon sa tinig ni Jay. Tila talagang curious lang itong malaman kung bakit.

"M-may kinailangan lang akong kausapin kanina at inabot kami ng gabi."

"Sa Linggo, puwede bang ako naman ang katagpuin mo? I want to go out with you and Justin again."

Sumikdo ang puso ni Cherry at napangiti dahil siguradong matutuwa ang anak niya kung muli silang lalabas na kasama si Jay.

Papayag na sana siya nang maalala ang napag-usapan nila ni Jomari. Kailangan nga pala niyang sumama rito sa ospital sa Linggo. Nalaglag ang mga balikat niya. "Oh, Jay, I'm sorry. Hindi ako puwede sa Linggo. May kailangan akong puntahan..." Halos ayaw lumabas sa lalamunan niya ang mga salita.

Matagal na katahimikan bago narinig ni Cherry ang muling pagbuntong-hininga ni Jay. "Importante ba iyon?"

"Oo," nakangiwi pa ring sagot niya.

"Then, wala akong magagawa kung talagang hindi ka puwede. Next weeked then?"

Kalmado ang tinig ni Jay. Subalit malakas ang pakiramdam ni Cherry na hindi talaga okay para dito ang pagtanggi niya. Sa tingin pa nga niya ay nakakatunog na ang binata na may mali sa kanya. After all, he was a lawyer. Imposibleng hindi nito napapansin kung may itinatago ang isang tao. Malamang ayaw lang nitong mailang siya kaya nagkukunwaring walang napapansin.

Subalit kung palagi siyang aasa sa pagiging considerate ni Jay ay magiging unfair siya rito. Kaya nakapagdesisyon si Cherry. "Sige. Puwede tayong lumabas kasama si Justin next weekend. Pero gusto kitang makita bago iyon. Just the two of us. May gusto akong sabihin sa iyo. I want to tell you everything you must know about me. About... my son," determinadong sabi niya. Muntik siyang madulas at magkamali ng sabi sa huling pangungusap, mabuti na lamang ay naitama niya agad ang sarili.

"Sige. I want to know everything about you, Cherry. I don't want to force you. But lately, I feel like I'm getting obsessive. Medyo naiintindihan ko na yata si Ana. When you like someone so bad that you cannot even sleep without hearing that person's voice, you really want to do anything just to be close to that person."

Nag-init ang mga mata ni Cherry. "Alam ko. Ganyan ang naramdaman ko nang sabihin mo sa akin ang tungkol sa pamilya mo. That's why I'm going to tell you my secrets, too."

"Then I'll be looking forward to it," usal ng binata na kahit hindi niya nakikita ay parang alam niyang may nakaguhit na ngiti sa mga labi. "Good night, Cherry."

"Good night, Jay."

Matagal nang wala sa kabilang linya ang binata ay hindi pa rin tumitinag si Cherry. Huminga siya nang malalim at mariing pumikit. "Huwag ka lang sanang magalit sa akin kapag nalaman mo ang ilang taon kong itinago sa iyo," mahinang usal niya.

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon