Part 31

35.7K 861 23
                                    

KINUKUTKOT si Cherry ng kanyang konsiyensiya. Tumatawag si Jay sa kanya kagabi pero hindi niya nagawang sagutin ang cell phone. Bigla kasi siyang tinamaan ng nerbiyos at may palagay na maririnig ng binata sa tinig niya na may mali sa kanya. At kapag nangyari iyon ay siguradong tatanungin siya nito at kakailanganin niyang sabihin ang totoo na hindi pa siya handang sabihin. Lalo na at may kailangan pa siyang harapin sa araw na iyon.

Huminga nang malalim si Cherry at iginala ang tingin sa loob ng kinaroroonang restaurant. Pagkatapos ay napatingin siya sa glass door nang bumukas iyon at pumasok ang isang lalaki na sa kabila ng maraming taon ay hindi pa rin niya maipagkakamali sa iba.

Naglapat nang mariin ang kanyang mga labi at pinagsalikop ang mga kamay nang makita na rin siya ng lalaki at magtama ang kanilang mga mata. Sandaling nakita niyang dumaan ang pagkailang sa mukha nito bago alanganing ngumiti at naglakad palapit sa kanya.

"Cherry?" patanong na bati ni Jomari.

Bahagya siyang tumango at alanganin ding ngumiti. "Jomari... Maupo ka."

Tumalima ang lalaki at sandaling pareho lamang nilang tiningnan ang isa't isa. Hindi nabago ng walong taon ang maamong hitsura ni Jomari. He still looked boyishly handsome. At hindi lang iyon sa hitsura. She knew from when they were together that he had a soft and calming attitude. Iyong tipo ng lalaki na madalas nagiging matalik na kaibigan ng isang babae at puwedeng takbuhan kapag may problema dahil alam mong maiintindihan at dadamayan ka nito. Iyon ang dahilan kung bakit nahulog ang loob niya kay Jomari noon. Until she learned that he really did not love her. And she learned about it the hard way.

"I'm sorry," sambit ni Jomari na para bang nabasa ang iniisip niya. Nagbaba ito ng tingin at bumakas ang guilt sa mukha. "For suddenly calling you and asking you to meet me. Sa masakit na nagawa ko sa iyo noong tayo pa at sa bigla kong pag-alis na hindi man lang nagpapaliwanag nang maayos sa iyo. I was wrong for hurting you."

"Jomari," tawag niya dahilan kaya muli itong nag-angat ng tingin. Bumuntong-hininga siya at bahagyang ngumiti. "It's okay. Nakaraan na ang lahat. Matagal na kitang pinatawad. Pumayag akong makipagkita sa iyo para sabihin iyon."

Iyon ang totoo. Matagal nang naintindihan ni Cherry ang mga dahilan kung bakit nagawang magsinungaling sa kanya ni Jomari. Although, eight years ago, she cried buckets because of his betrayal. Ngayon ay wala na iyon sa kanya. Itinuturing na lamang niyang rite of passage para sa kanya ang naging relasyon nila ni Jomari. That their breakup was just God's way of leading her to the next stage of her life. Dahil kung hindi sila nagkahiwalay ni Jomari, marahil ay wala sa kanya si Justin ngayon. Sa dami ng mga napagdaanan niya sa buhay, sa kabila ng mga maaaring mangyari pa sa hinaharap, ang ipanganak si Justin ay isa sa mga hindi niya pagsisisihan kahit kailan.

Ngumiti si Jomari at inabot ang kanyang mga kamay. "Salamat, Cherry. Sa kabila ng lahat, gusto kong malaman mo na hindi ako nagsisisi na nagkaroon tayo ng relasyon. I want you to know, that in my own way, I did love you."

Gumanti siya ng ngiti. "But you just love someone else more than you love me, right?"

Humigpit ang hawak ng lalaki sa kanyang mga kamay. "Sinubukan kong pigilan ang sarili ko dahil alam kong marami ang hindi sasang-ayon. Pero hindi ko nagawa."

Bumuntong-hininga si Cherry. "Alam ko na nahirapan ka rin. Baka nga mas matindi pa sa sakit na naramdaman ko noon." Hindi umimik ang lalaki pero nakikita niya ang pasasalamat sa mukha nito. Naramdaman niya na parehong may nawalang mabigat sa kanilang mga dibdib. Malamang ay mas matindi ang naging epekto kay Jomari ng nangyari sa kanila noon kaysa sa kanya dahil mas matindi ang guilt nito. But now she knew that they had their proper closure. At last.

"So, ang sabi mo sa akin noong tumawag ka ay may hihingin kang pabor kaya gusto mong makipagkita sa akin, hindi ba?" tanong ni Cherry sa magaan na tinig.

"Ah... yes," biglang sagot ni Jomari.

Nagsimula nang magpaliwanag ang lalaki nang lumampas ang tingin ni Cherry sa mga balikat nito patungo sa isang pareha na mukhang kararating lamang sa restaurant at papunta sa isang mesa. Magkahawak-kamay ang dalawa. Nagulat siya nang mapagtanto na ang babae ay walang iba kundi si Ana.

Napahinto si Jomari sa pagsasalita. "Cherry? What is it?" nagtatakang tanong nito at napalingon na rin.

Noon naman napalingon sa kanya si Ana at ang lalaking kasama nito na hindi niya kilala. Bumakas ang rekognisyon sa mukha ng babae. Pagkatapos ay bumaba ang tingin nito sa mga kamay niya na hawak pa rin ni Jomari. Naningkit ang mga mata ni Ana at nang tingnan siyang muli ay puno na ng panlilibak ang ekspresyon sa mukha.

"You were acting like a good wife the last time we met. Pero mukhang nagkukunwari ka lang noong party ko. Alam ba ni Jay na nagtataksil sa kanya ang asawa niya? May malaki ka na ring anak, hindi ba? Wow, ibang klase ka rin. Hindi pa sapat sa iyo ang anak at asawa mo?" malamig pero malakas na tanong ni Ana, dahilan kaya hindi lamang si Jomari at ang lalaking kasama ni Ana ang nagitla kundi maging ang ilang mga taong nasa paligid nila.

Namutla si Cherry. "I'm not being unfaithful," nanggigigil na sagot niya nang makabawi.

Tumaas ang kilay ni Ana at mukhang hindi naniniwala. "Well, it doesn't matter to me anymore." Pagkatapos ay kumapit ito sa braso ng lalaking kasama. "I already found someone I love. It's just that I'm disappointed that Jay chose someone like you. Let's go." Iyon lang at tumalikod na si Ana at naglakad palayo kasama ang lalaki.

Matagal na natahimik lang sila ni Jomari, lalo at nararamdaman pa rin ni Cherry ang tingin ng mga tao sa paligid nila. Tumikhim ang dating kasintahan at pinakawalan ang kanyang mga kamay.

"Sorry. Mukhang nagkamali siya ng intindi dahil hinawakan ko ang mga kamay mo. Hindi mo sinabi sa akin na may asawa at anak ka na," basag ni Jomari sa katahimikan. Pagkatapos ay bumaba ang tingin nito sa kaliwang kamay niya at lalong bumakas ang guilt sa mukha. "Bakit ba hindi ko napansin kaagad? You're wearing a ring."

Nanlamig si Cherry at nagbaba ng tingin. Wala sa loob na pinaraanan niya ng haplos ang singsing sa kaliwang kamay.

"I don't think it's necessary to tell you." Hindi naman talaga sila mag-asawa ni Jay at hindi naman talaga wedding ring ang singsing na iyon. Pero ayaw niya iyong isatinig dahil hahaba pa ang usapan.

Bumuntong-hininga si Jomari. "It's necessary. Dahil baka hindi matuwa ang asawa mo sa pabor na gusto kong hingin sa iyo," nakokonsiyensiyang sabi nito.

"Ano ba kasing pabor ang hinihingi mo?" tanong niya nang muling mag-angat ng tingin. Nasalubong niya ang seryosong mga mata ng lalaki.

"Cherry, I need you to be my fiancée. Kahit isang araw lang. Please?"

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon