SA ARAW ng homecoming party ni Ana ay nagpumilit si Jay na sunduin si Cherry sa kanilang bahay. Katunayan ay mas maaga pa ngang dumating ang binata kaysa pinag-usapan nilang oras upang makausap daw nito sandali si Justin.
Bagay na ikinatuwa naman ng kanyang anak pero ikinailang naman niya. Paano, dahil weekend ay nasa bahay rin ang kanyang lolo at mga magulang. At nang paalis na sila ni Jay ay biglang nagsulputan ang mga ito sa labis niyang panghihilakbot.
"Hello, Jay. Long time no see," nakangiting bati ng ina ni Cherry.
"'Ma, bakit nasa living room kayong lahat?" frustrated na singit niya.
"Why? Nalaman namin kay Justin na may lakad ka daw ngayong gabi at nang malaman namin kung sino ang kasama mo, natural na lalabas kami. Matagal na rin naman naming hindi nakikita si Jay. Right, hijo?" nakangiti namang sabi ng kanyang ama.
Nag-aalalang napasulyap si Cherry sa binata. Medyo nagulat pa siya nang makitang tila hindi naman naiilang si Jay. Katunayan ay ngising-ngisi pa nga ito.
"Tama naman ho kayo, Sir, Ma'am. Masyado lang worrywart si Cherry."
"Pero sana, ayos lang sa iyo kahit ganyan siya, hijo. My granddaughter might be hardheaded but she's beautiful and smart. At kapag nagkatuluyan kayo, may bonus ka nang anak na carbon copy niya," bulalas naman ng lolo niya na tila kumikislap ang mga mata.
Nag-init ang buong mukha ni Cherry sa itinatakbo ng usapan. "Lolo, stop it," gigil na saway niya, hinawakan sa braso si Jay at hinigit patungo sa direksiyon ng pinto. "Aalis na kami. Bye." Mabuti na lang at nagpahatak sa kanya ang binata. Kung hindi ay baka mamatay na siya sa hiya sa mga sinasabi ng kanyang pamilya.
"You really have wonderful parents and grandfather," sabi ni Jay nang makalapit na sila sa sasakyan nito.
Napabuga siya ng hangin. "Pero mga pakialamero at madalas ay hindi alam kung kailan nakakahiya na ang mga sinasabi nila," frustrated na sagot niya.
Natawa si Jay. "At least you grew up in a happy family."
Natigilan siya nang maalala ang tungkol sa ina ng binata.
Binuksan na nito ang pinto sa passenger's seat para sa kanya. Walang salitang sumakay na lamang siya at pinagmasdan ang binata hanggang makapuwesto na rin sa driver's seat.
Pagkalipas ng ilang minuto, sa tapat ng isang malaking bahay na nasa loob ng exclusive subdivision sa Makati inihimpil ni Jay ang sasakyan. Nang dumating sila ay nakahilera na ang mga sasakyan sa labas at kahit hindi pa sila lumalabas ay naririnig na nila ang malakas na tugtog at ingay mula sa loob.
Napalingon si Cherry sa binata nang mapaungol ito habang nakasilip sa labas. "Bakit?" nagtatakang tanong niya.
"That woman. Ang sabi niya sa akin, kaunti lang ang mga bisita niya. Pero kahit dito ay nakikita ko na punong-puno ng tao ang loob ng bahay," frustrated na nasabi ni Jay.
Bigla tuloy na-tense si Cherry. It has been too long since she last attended a house party. Walong taon na. Noon ay si Jamie ang may-ari ng bahay at mga kaibigan din niya ang ibang mga bisita. Pero ngayon ay hindi niya kilala ang mga taong nasa loob ng bahay na iyon.
Mukhang napansin ni Jay ang naging reaksiyon niya dahil agad napalis ang frustration sa mukha nito at ginagap ang kamay niya. "It's okay. Ako'ng bahala sa iyo. Hindi tayo maghihiwalay at sandali lang talaga tayo," usal nito.
Huminga siya nang malalim at marahang tumango. Sandaling pinisil ni Jay ang kanyang kamay bago may kinuha sa bulsa. Namilog ang kanyang mga mata nang makita ang maliit na kahon. At nang buksan nito iyon ay umawang ang mga labi niya nang makita ang pares ng singsing. Simple gold band lamang ang mga iyon. Iyong tipo ng mga singsing na ginagamit bilang wedding ring. Kinuha ni Jay mula sa kahita ang mas maliit na singsing at hinawakan ang kaliwang kamay niya.
"P-para saan 'yan?" manghang tanong ni Cherry.
Sinalubong ni Jay ang tingin niya at nakangiting kumindat. "Props."
Nahigit ni Cherry ang hininga habang nakatitig sa pagsusuot ng binata ng singsing sa kanyang daliri. Iyon ang unang beses na may nagbigay sa kanya ng singsing at kahit para lamang iyon sa palabas nila sa gabing iyon ay hindi pa rin napigilan ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Lalo na at nang mapatingin siya sa mukha ni Jay ay nakitang titig na titig din ito sa kaliwa niyang kamay. May nahuli pa siyang dumaang mainit na emosyon sa mga mata nito bago marahang pinakawalan ang kanyang kamay at nakangiting tumingin sa kanya.
"'Sakto sa daliri mo. And this one is mine," sabi ni Jay at tiningnan ang isa pang singsing sa kahita.
Akala ni Cherry ay isusuot na iyon ng binata sa sariling daliri pero nagulat siya nang iabot nito sa kanya ang kahita at malambing na ngumiti. "Isuot mo naman sa akin, wife."
Sandaling napamaang siya sa binata bago napailing pero inabot naman ang kahita. "You are enjoying this, aren't you?" tanong niya.
Ngumisi si Jay. "Sobra."
Itinirik ni Cherry ang mga mata subalit hindi naman napigilan ang pagsilay ng ngiti sa mga labi habang isinusuot ang singsing sa kaliwang kamay ni Jay. "O, 'ayan na." Bago mailayo ang mga kamay ay nahawakan na nito ang kamay niyang may suot ding singsing. Pinaglingkis nito ang kanilang mga daliri at nakangising pinagmasdan iyon.
"See? Perfect fit."
Yes, it is, sang-ayon ni Cherry sa isip habang nakatingin sa mga kamay nilang kapwa may suot na singsing. Parang may lumamutak sa kanyang puso at may bumikig sa lalamunan nang ma-realize na mukha talaga silang mag-asawa sa hitsura ng kanilang mga kamay.
"Let's go, love?" tanong ni Jay.
Kumurap siya at hinamig ang sarili. "Sige."
Umangat ang kilay ng binata. "May kulang sa sinabi mo. Nasaan na ang endearment mo sa akin?" amused na tanong nito.
She rolled her eyes. "Fine. Sige, love."
Ngumisi si Jay bago binitawan ang kamay niya upang umibis ng kotse at pagbuksan siya ng pinto. Pagkatapos ay magkahawak-kamay na pumasok sila sa malaking bahay.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MAN
RomanceIsang dalagang ina si Cherry at sa loob ng walong taon ay itinago niya ang lihim sa likod ng tunay na pagkatao ng kaniyang anak na si Justine. Iniiwasan din niyang mapalapit sa kahit na sino para mapangalagaan ang lihim na iyon. Kaya naman labis siy...