Part 24

37.4K 1K 31
                                    


ISANG linggo lamang sa Cebu si Jay pero pakiramdam niya ay napakahabang panahon na iyon. Iritable na siya pagkalapag ng eroplanong sinasakyan sa NAIA. At least sa pagkakataong iyon ay pareho na sila ng mood ni Ross na ang ekspresyon sa mukha ay parang gustong tumalon ng eroplano para bumalik sa Mactan Airport kung saan nito huling nakita si Bianca.

Kung hihilingin ng mga senior partner ng kanilang law firm na dumeretso sila sa opisina ay baka maputol na talaga ang pasensiya ni Jay. Higit sa pagnanais na magpahinga ay ang kagustuhan niyang makita si Cherry kahit sandali lang.

"Then, puwede na tayong maghiwa-hiwalay dito. We are not expected to the office until tomorrow morning," sabi ni Atty. Balion.

Nakahinga nang maluwag si Jay at napangiti. "Then, mauna na ho ako sa inyo, Attorney Balion, Attorney Salvador," paalam niya, pagkatapos ay bumaling kay Ross. "Mauna na ako, pare."

Napailing si Ross. "Alam ko kung saan ka pupunta. Kung seryoso ka na diyan, dapat kausapin mo si Charlie. Lagot ka do'n kapag sa iba pa niya narinig na pinopormahan mo ang kapatid niya."

"Alam ko. Sasabihin ko sa kanya kapag nagkita kami," sagot na lang niya at tuluyan nang nagpatiuna.

Hindi siya tumawag o nag-text man lang kay Cherry. Sumakay na lang siya ng taxi at nagpahatid sa shoe factory dahil alam niyang naroon pa ang babae nang ganoong oras. Alas-tres pa lang ng hapon. Puwede pa niyang mayaya si Cherry na mag-early dinner. He wanted to surprise her. Pero bago iyon ay may kailangan muna siyang daanan at bilhin. Sa pagmamadali kasi nilang makabalik sa Maynila ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makabili ng pasalubong.

NAGLILIGPIT na si Cherry sa kanyang opisina at naghahanda na sa pag-uwi nang tumunog ang telepono sa mesa. Napahinto siya at sinagot iyon. "Yes?"

"Ma'am Cherry, may bisita po kayo. Papapasukin ko ho ba sa opisina n'yo?" tanong ng isa sa mga administrative assistant nila.

Kumunot ang kanyang noo at napatingin sa wall clock. Mag-aalas-sais na ng gabi. Sino ang puwede niyang maging bisita?

Malamang si Lolo na naman at mag-aaya ng dinner. Kahapon kasi ay sumulpot din ng ganoong oras si Lolo Carlos at niyaya siyang kumain sa labas. Iyon pala, ang intensiyon ng matanda ay tanungin siya tungkol kay Jay.

Napabuntong-hininga si Cherry nang maisip na baka mangungulit na naman ang kanyang lolo. "Sige, papasukin mo na lang siya," sabi na lamang niya at ibinaba ang telepono. Tinapos na niya ang pagliligpit.

Kasusukbit pa lamang niya ng bag nang bumukas ang pinto ng opisina. Nakabuka na ang kanyang mga labi at handa nang batiin ang kanyang lolo nang bumaling siya sa pinto. Bumikig sa lalamunan niya ang tinig nang makita na ang bisita pala niya ay walang iba kundi si Jay. Nang magtama ang kanilang mga mata ay kumislap ang mainit na emosyon sa mga mata ng binata kasabay ng pagguhit ng maluwang na ngiti sa mga labi.

"Hi," bati ni Jay makalipas ang mahabang sandali na nagkatitigan lamang sila. Naglakad ito palapit sa kanya at inilahad ang bouquet ng bulaklak.

Umawang ang mga labi ni Cherry subalit hindi pa rin siya makapagsalita. Nag-init ang kanyang mga mata sa realisasyon na na-miss niya si Jay. Isang linggo lamang mula nang huli silang magkita at araw-araw naman itong nagte-text at tumatawag sa kanya.

Subalit ngayong nakitang muli si Jay ay parang gusto naman niyang maluha sa labis na pangungulila. Ibinaba niya ang tingin sa bulaklak na hawak ng binata upang hindi nito makita ang emosyon sa kanyang mga mata.

Tumikhim si Cherry at inabot ang bouquet. "Kailan ka pa bumalik?" tanong niya sa tinig na nahiling na sana ay magtunog-kaswal.

"A few hours ago," sagot ni Jay.

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon