Part 12

38.7K 899 13
                                    

"TITO Jay!" masayang bulalas ni Justin nang matanaw nila si Jay na naghihintay sa labas ng isang kainan sa Greenbelt.

Si Cherry naman ay nahigit ang hininga nang makita ang binata na ang suot ay maong jeans at simpleng T-shirt na medyo humahakab sa katawan. He had a beautiful body. Matangkad at maganda ang tindig ni Jay. Ang dibdib nito at mga balikat ay tama lamang ang lapad. He also had a flat stomach and narrow hips that looked perfect in jeans. Hindi sobrang ma-muscle ang pangangatawan pero halatang alaga sa gym.

Subalit ang mas nakaagaw ng atensiyon ni Cherry ay ang malawak na ngiti sa mga labi ng binata habang nakatingin sa kanilang mag-ina.

"Hi!" masayang bati ni Jay na sinalubong sila. Sandaling nakipagbatian ito kay Justin bago inakbayan ang bata at tumingin naman sa kanya. Bigla ay may pilyong kislap na dumaan sa mga mata nito.

Sa sandaling iyon ay alam ni Cherry na bumabalik sa isip ni Jay ang pinag-usapan nila sa telepono. Nag-init ang mukha niya pero hindi nagbawi ng tingin.

"Ano'ng plano n'yong gawin ngayon?" tanong ng binata.

"Well, dapat ay manonood kami ng sine ngayon pero gusto ni Justin na kasama ka," sabi na lang niya.

Niyuko ni Jay si Justin at masuyong ginulo ang buhok ng bata. "Then we will watch a movie. Pero bago iyon, puwede ba muna tayong mag-almusal? Hindi pa ako kumakain," sabi nito na tumingin sa kanya na para bang humihingi ng permiso.

"Sige," sang-ayon ni Cherry kahit ang totoo ay nag-almusal na sila. Hindi rin nagreklamo si Justin.

Nakapasok na sila sa loob ng kainan nang bigla siyang may naalala. Sinulyapan niya si Jay. "Kaninang tumawag ako, ang sabi mo kagigising mo lang. Puyat ka ba kagabi kaya tinanghali ka ng gising?" tanong niya.

Napahawak si Jay sa batok at ngumiti. "Medyo. May binasa akong papeles para sa court appearance ng kliyente ko bukas."

Namilog ang mga mata ni Cherry. "Then you must be busy. Sana'y sinabi mo agad para hindi na lang kami nakipagkita sa iyo ngayon," mahinang sabi niya para hindi marinig ni Justin na nauna nang umupo sa mesa.

Nabigla siya nang ang kamay ng binata na kanina ay nasa batok nito ay lumipat sa balikat niya at pinisil iyon na para bang inaalo siya. "It's fine. Matagal ko nang naayos ang mga kailangan ko para sa kasong iyon. I just reviewed it last night. Isa pa, kailangan ko rin ng break. Don't worry."

Sasawayin na sana ni Cherry ang biglang pag-akbay ni Jay pero bago niya iyon magawa ay kaswal nang inalis ng binata ang braso at parang walang ginawang kakaiba na lumapit sa mesa. Ipinaghila pa siya nito ng silya at nakangiting iminuwestra na maupo siya.

"Sit down, Mommy," masayang bulalas ni Justin.

Nang makaupo si Cherry ay saka lang umupo si Jay sa silya na nasa kanan niya. Ang nangyari ay napagitnaan siya ng dalawa.

Sa buong panahon ng pagkain nila ay sina Jay at Justin ang mas nag-uusap. Nakikinig lang si Cherry at namamangha sa kadaldalan ng kanyang anak. Lahat yata ng nangyari sa school ay sinabi na nito kay Jay. At kapag may nasasabi si Justin na hindi pa niya alam ay saka lang siya sumisingit sa usapan.

"Hindi mo nasabi sa akin ang tungkol diyan, Justin."

Saglit namang hihinto si Justin sa pagsasalita at titingin sa kanya. "I forgot to tell you, Mommy."

Sa tuwing nangyayari iyon ay naititirik na lamang ni Cherry ang mga mata. Na nahuhuli naman palagi ni Jay dahil amused na mapapangiti lang ito habang nakatingin sa kanya.

Pagkatapos kumain ng late breakfast ay nagdesisyon silang mag-ikot muna sa mall bago manood ng sine. Hawak ni Cherry ang isang kamay ni Justin habang hawak naman ng kabilang kamay ng kanyang anak ang isang kamay ni Jay. Nang igala niya ang tingin sa loob ng mall ay nakita niyang halos puro pamilya ang naroon. Palibhasa araw ng Linggo.

Mayamaya ay bigla siyang may naisip. Napasulyap siya kina Justin at Jay. Ano kaya ang iniisip ng mga nakakakita sa kanila? Iniisip din ba ng mga tao na isa silang pamilya?

Hindi alam ni Cherry kung ano ang mas namamayaning emosyon sa dibdib sa isiping iyon. Sa isang banda ay may humahaplos na init sa puso niya na makitang masaya si Justin. Ngunit sa kabilang banda ay mayroong takot at agam-agam. Para lamang silang pinapatikim ng tadhana ng isang putahe na noon pa nila inaasam pero alam nilang imposibleng matikman nila uli. Pakiramdam niya ay isa lamang ilusyon ang mga nangyayari at sa isang iglap ay maaaring maglaho. At maiiwan sila ng kanyang anak na luhaan.

"Cherry, what's wrong?" untag ni Jay, dahilan kaya napakurap siya.

Noon lang niya napansin na pareho nang nakatingin sa kanya ang binata at ang kanyang anak.

Pilit siyang ngumiti. "Wala. Bakit hindi na tayo pumunta sa cinema para makanood ng sine? Para hindi tayo gabihin. May court appearance ka pa bukas, hindi ba?" aniya kay Jay.

Ilang segundong pinagmasdan lamang siya ng binata na para bang may pilit itong binabasa sa ekspresyon niya. Hindi niya alam kung nakita ni Jay ang hinahanap nito sa kanyang mukha o hindi.

"Okay, then. Let's go," nakangiting yaya na lamang ni Jay kay Justin.

At katulad kanina ay hinayaan na lamang ni Cherry na ang dalawa ang magdesisyon kung ano ang panonoorin nila. Dahil sa totoo lang ay mas naaaliw siyang pagmasdan ang interaksiyon ni Jay at ng kanyang anak. And again, she felt that hopeful feeling deep in her heart. Kung dati ay agad niya iyong pinapalis, sa pagkakataong iyon ay hinayaan niyang tumagal sa kanyang dibdib. Kahit sa araw lang na iyon.

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon